Unang yugto ng implementasyon ng ALAB-Karbawan idinaos sa 2 probinsiya ng Zamboanga Peninsula

 

Napili ng Philippine Carabao Center sa Mindanao Livestock Production Center (PCC@MLPC) ang Dapitan, Zamboanga del Norte at Dumalinao, Zamboanga del Sur bilang mga lugar sa pagtataguyod ng unang yugto ng provincewide development project ng PCC na tinatawag na “Accelerating Livelihood & Assets Buildup” o ALAB-Karbawan.

Ang nasabing proyekto ay isinagawa ng PCC sa pakikipagtulungan sa mga lokal na kooperatiba na kinabibilangan ng Antipolo Primary Multi-purpose Cooperative sa Brgy. Antipolo, Dapitan City at Baclay Multi-purpose Cooperative sa Tukuran, Zamboanga del Sur.

Ang ALAB-Karbawan ay pinahusay na bersiyon ng National Impact Zone o Regional Impact Zones Development para sa mga negosyong salig sa kalabaw sa kanayunan. Ito ay pinangungunahan ng PCC sa pakikipagtulungan sa mga lokal at iba’t ibang sangay ng pamahalaan, mga kooperatiba, mga negosyong pang-agrikultura, at mga magsasaka.

Layunin ng proyekto na maisulong at lubos na mapaghusay ang lokal na industriya ng gatas, maging tampulang kasosyo ang mga kooperatiba at LGU, mahikayat ang mga kababaihan na sumali sa mga programa, at magtatag ng mga angkop na supplier ng gatas para sa milk feeding program.

Kaakibat nito, ang PCC@MLPC ay nagsagawa ng Social Preparation Training noong Agosto 19-20 sa Dapitan City at Setyembre 11-12 naman sa Dumalinao, Zamboanga del Sur. Lumahok ang 30 magkakalabaw at 10 kawani mula sa Municipal Agriculture Office. Kabilang din sa mga dumalo sina PCC@MLPC Carabao-based Enterprise Development Coordinator Fe Emelda Academia at Area Project Leaders Edmund Calvo Jr., ng Zambonga del Sur at Genelyn Sularte ng Zamboanga del Norte.

Nagkaroon din ng writeshop at kaugnay na mga gawain para sa ALAB-Karbawan Cooperative Dairy Farm noong Setyembre 23-24 sa DAO Sports Complex, Pagadian City.

Maliban dito, sinimulan din ang Farmer Livestock School on Dairy Buffalo Production (FLS-DBP) noong Oktubre 29 sa Antipolo, Dapitan City at Oktubre 30-31 naman sa Dumalinao, Zamboanga del Sur para mas matutunan nila ang mga mahahalagang aspeto sa wastong pamamahala at produksyon ng mga gatasang kalabaw.

 

Author

0 Response