Mataas na ani, kita sa paggamit ng Makabagong Teknolohiya

 

Sadyang malaki na ang nagbago sa buhay ni Isagani Cajucom, isang magsasaka mula sa Lupao, Nueva Ecija, simula nang magnegosyo siya sa pagbuburo ng damo at mais.

Mula sa dating pagiging empleyado o “Chemist” sa Clark, Pampanga, ngayon ay “boss” na siya sa sariling negosyo. Sa katunayan, nakatutulong pa siya ngayon para magkaroon ng pagkakakitaan ang iba pang mga magsasaka sa kanilang lugar. Mayroon siyang 27 regular na tauhan maliban pa sa mga on-call na nag-aani
ng damo at mais. bukod pa rito, may mga naipundar na rin siya tulad ng dalawang kuliglig, isang forage chopper, 12 generator sets na kombinasyon ng de-kuryente,
de-makinita at de-hila; mga sasakyan na tulad ng tractor, second hand truck,kotse at mga lupang naisanla sa kanya o ‘di kaya naman ay nabili na. Mayroon na rin siyang iba pang negosyo sa paghahayupan tulad ng pag-aalaga ng 15-17 baboy (fattener) at 200 native na manok maliban pa sa pitong kalabaw mula sa Philippine Carabao Center (PCC), na dati na niyang inaalagaan.

PAGSISIMULA

Ayon kay Isagani, buwan ng Mayo taong 2013 nang umpisahan niyang sumuong sa paggawa ng burong mais. Ito ay matapos siyang mahikayat ng PCC na subukan ang bagong teknolohiya at gawain sa pagbuburo. Sa ilalim ng proyektong “Commercialization of Grass/Forage Corn Silage for Dairy buffaloes in Lupao Nueva ecija” ng PCC at ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic, and Natural Resources
Research and Development (PCAARRD), itinalaga siya ng mga nasabing ahensiya bilang “farm leader” o “product champion” sa pagbuburo. Kasama niya sa proyektong ito ang 10 iba pang magsasaka sa kanilang lugar.

Sa pagsisimula ng proyekto, isinailalim si Isagani at ang kanyang mga kasamahan sa serye ng mga pagsasanay sa wastong pagtatanim at paggawa ng buro bago pa man simulan ang aktwal na pagtatanim noong Mayo 2013. Pagkatapos ng kulang tatlong buwan o 75-80 araw, na siyang rekomendadong panahon o edad ng mais bago ito anihin, sinimulan na nila ang pagbuburo sa pamamagitan ng pagtatadtad sa naaning damo at mais, paglalagay sa plastik na “silo bag”, at pag-iimbak dito.

Ang burong damo o mais ay isang uri ng pagkain ng mga kalabaw o baka na inimbak sa selyadong lalagyan. Pagbuburo o “ensiling” ang tawag sa paggawa nito at ang tawag sa buruhan ay “silo.”

Sa unang cycle ng kanilang pagbuburo, binili ng PCC ang kanilang burong damo at mais sa halagang Php3 kada kilo o Php105 hanggang Php120 kada sako. Sa panahon ding ito, nasa halagang Php33,000 ang kinita ni Isagani at halagang Php28,000 naman sa sumunod na cycle. Nasa isang ektarya din lamang noon ang pinagtataniman niya ng damong Napier at mais na karaniwan ay nakapagbibigay sa kanya ng aning 23,000 hanggang 38,000 kilong damo kada cycle. Sa kasalukuyan, kumikita na si Isagani ng humigi’t kumulang Php300,000 kada cycle sa pagbuburo ng mais.

Nakakaani na rin siya ng humigi’t kumulang 600,000 kilo ng mais kada cycle mula sa 2.1 ektarya niyang lupain; 10.92 ektaryang lupa na naisanla sa kanya; at sa iba pang mga magsasakang nagbebenta sa kanya. base rin sa naitalang cost and return analysis ni Isagani sa pagbuburo, tumaas sa 13.82% ang return on investment (ROI) ng negosyo niya mula sa dating 3.65%.

MarKet’

Mula ng maging benepisyaryo ng proyekto si Isagani, malaki ang naitulong ng PCC at PCAARRD sa kanya upang magkaroon ng siguradong mapagbebentahan ng burong damo at mais. Ani Isagani, kahit tapos na ang proyekto ng PCC at PCAARRD noong 2016, patuloy na may napagbebentahan siya ng kanyang produkto at dumarami pa ito sa tulong na rin ng kanyang pagpapakilala sa produkto at “word-of-mouth” ng mga naging “suki” o mamimili na niya sa burong mais. Ang karaniwang mamimili ng kanyang mga produkto ay ang malalaki at maliliit na farms na nag-aalaga ng baka, kalabaw, kambing at maging kuneho. Matatagpuan ang mga farms na ito sa probinsiya ng batangas, Cavite, bulacan, Pangasinan, Nueva Ecija, Isabela at Baguio.

Ayon kay Isagani, “seasonal”, “continuous”, “contractual”, at “retail” ang klase ng transaksiyon niya sa pagbebenta sa mga nasabing market. Kalimitan ay ibinebenta niya rin ang kanyang buro sa halagang Php4 kada kilo (pick up price) at halagang Php4.5 naman kung siya ang maghahatid sa mga ito. “Dati, noong empleyado pa ako, nakatali ang oras ko sa 8AM hanggang 5PM na trabaho. “Fixed” ang sweldo at malayo pa ako sa pamilya ko. Pero ngayon, nang dahil sa teknolohiya sa pagbuburo ng damo o mais, hawak ko na ang oras ko at kasama ko pa ang pamilya ko,” pagtatapos ni Isagani.

“Sa pagbuburo ng damo o mais, sigurado rin ang asenso at tuluytuloy na pagbabago sa buhay ko. Lubos akong nagpapasalamat sa PCC, PCAARRD at Department of Agriculture Region 3 sa pagtulong sa akin o sa amin na umasenso ang kabuhayan sa pamamagitan ng patuloy na suporta sa ganitong gawain. Kung wala sila, wala rin kunganong meron kami.”

-Isagani Cajucom

Author

0 Response