Lakas-Juana

 

Hindi na bago ang mga kababaihang nakikipagsabayan sa mga kalalakihan pagdating sa iba’t ibang larangan. Ang nakabibilib dito ay iyong mga babaing nakagagawa ng higit pa sa inaasahan.

“Sa negosyo ng paggagatasan, walang pinipiling edad at kasarian. Kaya naman hanggang ngayon ay nandito pa rin ako at tinatamasa ang mga pakinabang mula sa gawaing ito.”

Sinasambit ni Elenita G. Quinacman, 61, isang miyembrong senior citizen ng Nag-iisang Masikap Dairy Cooperative sa General Natividad, Nueva Ecija, ang mga katagang ito sa tuwing tatanungin siya kung bakit nananatili siya sa gawaing pagsasaka at paggagatas sa kabila ng kanyang edad at pagiging babae. Ito rin, aniya, ang dahilan kung bakit mas pinili niyang hindi na ituloy pang maghanap ng trabahong angkop sa kanyang natapos na propesyon.

Si Elenita ay nakapagtapos ng kursong Bachelor of Science in Commerce, major in finance. Siya ay dating nagtatrabaho sa isang manufacturing company ngunit may mga ilang pangyayari sa kumpanya ang nag-udyok sa kanya upang umalis dito. Hindi naglaon ay sumali siya sa isang kooperatiba noong 2009.

Taong 2011, napagpasiyahan na niyang makipagsapalaran sa paggagatasan nang mapagkalooban ng Philippine Carabao Center (PCC) ng dairy cow module ang kanilang kooperatiba. Siya ay napahiraman ng isang kalabaw at hindi nagtagal ay nadagdagan pa ito dahil tinanggap niya ang mga isinauling kalabaw ng ibang mga miyembro.

Si Aling Elenita, sapagkat lumaki sa bukid, ay sanay na sa paggagatas dahil ang kanyang ama ay nag-alaga rin ng native na kalabaw. Sinanay na siya ng kanyang ama noong nasa elementarya pa lang siya kung kaya’t ang mga gawaing pambukid tulad ng pagtatanim, pagtatabas, paggigiik, at pag-aani ay pamilyar nang lahat sa kanya. Hanggang sa siya ay tumungtong ng kolehiyo ay ginagampanan pa rin niya ang mga ganitong gawain na kadalasa’y ginagawa lang ng lalake.

Sa kabila ng kanyang edad, nagagampanan pa rin ni Elenita ang mga gawain sa kanyang dairy farm. Ayon sa kanya, kung nagampanan niya ng maayos ang mga gawain sa bukid noon ay kaya rin niyang gawin ang mga mabibigat na trabaho sa paggagatas ngayon dahil hindi sumagi sa isip niya na ito ay mahirap bagkus ay iniisip niya na malaki ang pakinabang na makukuha niya mula sa gawaing ito. Sa katunayan, sinabi rin niya na ang araw-araw na gawain sa bukid ang nagbibigay sa kanya ng inspirasyon para manatiling malakas at maliksi.

Gumigising siya tuwing alas kwatro ng umaga para maghanda sa paggagatas. Magsisimula siya ng alas singko at karaniwa’y natatapos ng alas sais. Pagkatapos gumatas, aatupagin naman niya ang iba pang mga gawain tulad ng pagpapainom ng tubig at pagpapakain sa mga alagang kalabaw. Sa hapon naman ay abala siyang nagsasakate ng damong Napier bilang pakain sa mga alaga. Para kay Aling Elenita, hindi niya alintana ang mga mabibigat na trabaho hangga’t masaya siya sa ginagawa niya.

Sa kasalukayan, mayroon siyang 12 kalabaw, lima sa mga ito ay palahian at isa naman ang ginagatasan na nagbibigay ng lima hanggang anim na litro araw-araw. Naranasan din niyang gumatas ng tatlo hanggang apat na kalabaw noon kung saan kumuha siya ng isang katulong para asistehan siya.

Kahanga-hanga ang lakas at liksing ipinamamalas ni Aling Elenita dahil sa kabila ng pagiging babae at senior citizen niya ay kaya pa niyang magmaneho ng tricycle para ihatid ang nakolekta niyang gatas sa collection center ng kanilang kooperatiba. Ang Nueva Ecija Federation of Dairy Carabao Cooperatives (NEFEDCCO) naman ang bumibili ng kanilang mga aning gatas.

Ayon pa sa kanya, gabi-gabi siyang umiinom ng gatas ng kalabaw at naniniwala siyang ito ang kanyang sikreto sa kanyang kalusugan at kalakasan.

Sa pamamagitan ng kita niya mula sa paggagatas, nakapagpatayo siya ng bahay at naipaayos ang kulungan ng mga alagang kalabaw, nakapagpundar din siya ng tricycle, kolong-kolong, at motorsiklo.

“Ang pag-aalaga ng kalabaw ay talagang hindi madali lalo na kung ang inaalagaan mo ay 12 kalabaw. Pero para sa’kin, tinatrato at inaalagaan ko silang parang kapamilya. Kung kaya kong gawin, kaya rin ng iba. Kailangan lang ay matutunan ng mga magsasakang-maggagatas na mahalin ang trabaho nila para hindi ito maging mahirap at mabigat,” paliwanag ni Elenita.

“Ang pag-aalaga ng kalabaw ay parang ehersisyo na lang sa akin...kaya kong gawin kung anuman ang kayang gawin ng mga lalaki.”

Ibinahagi rin ni Elenita ang kanyang pasasalamat sa PCC:

“Nagpapasalamat ako sa PCC dahil kung hindi nila ipinagpatuloy ang pagsuporta at paghihikayat sa’kin ay baka hindi ko nasumpungan ang tagumpay sa paggagatas”.

Katulad ni Aling Elenita, si Herminia Mallari, 58, ay isa ring halimbawa ng babaing hindi nagpadaig sa hamon ng buhay.

Sa kabila ng kanyang kasalatan sa buhay at hindi pagtatapos ng pag-aaral, naniniwala si Ate Meng, karaniwang tawag sa kanya, na may aanihin din siyang kaginhawaan kalakip ng kanyang pirmis na sipag sa araw-araw.

Kaya’t nang hikayatin siyang sumali sa isang kooperatibang nakasentro ang gawain sa pag-aalaga ng gatasang kalabaw, hindi siya nag-alinlangan. Baon ang tiyaga at pasensya na pinanday ng kanyang mga karanasang kung sa iba nangyari ay marahil sumuko na, naging aktibo siyang miyembro ng kooperatiba.

Mabilis niyang nakuha ang tiwala ng mga kasamahan sa koop hanggang siya ang maihalal na chairperson ng Kapitbahayan sa A. Mabini Producers Cooperative sa Llanera, Nueva Ecija, isa ito sa 51 kooperatibang kabalikat ng Philippine Carabao Center (PCC) sa pagsusulong ng mga kabuhayang salig sa kalabaw sa Nueva Ecija.

Ngunit hindi naging madali para kay Ate Meng noong una. Sumubok ang koop nila sa pag-aalaga ng baboy bago yakapin ang programa ng PCC. Siya noon ang katuwang na tagapangulo nang may 50 pang miyembro nang mabigo sa kanilang pinasok na hanapbuhay. Tumagal sa dalawang taong pagkakahinto ang operasyon ng kooperatiba.

Nang makabalik ang grupo, niyakap nila ang pangako ng kabuhayang salig sa gatasang kalabaw. Naging doble ang pasensya at tiyaga ng samahan na nilahukan pa ng mga pagsasanay na isinagawa ng PCC.

“Kaya ko sinisipagang dumalo sa mga pagsasanay ng PCC ay para malinawan ang mga kasama ko na kailangan naming seryosohin ito,” ani Ate Meng.

Nakapagtayo na ang koop ng bagong collection office nito noong 2015 sa lupang kaloob ng Llanera at nakapagpundar na rin sila ng isang hand tractor.

Nakaabang na rin ang koop sa Php 3.5 milyong pondong galing sa lokal na pamahalaan ng Llanera sa pamamagitan ni Mayor Lorna Mae Vero.

“Gagamitin namin ang pondo para sa pagpapatayo ng pasalubong center para magkaroon ng karagdagang kita ang mga kananayang miyembro ng koop,” saad ni Ate Meng.

Para kay Ate Meng, ang pagiging lider ay nangangailangan ng atensyon sa lahat ng sitwasyon, sa kahit saan, at ano mang oras.

Maswerte si Ate Meng, dahil ang kanyang kabiyak at mga anak, aniya, ay todo ang suporta sa kanyang tungkulin. Bilang nanay, nagagampanan na lang niya ang mga gawaing-bahay sa gabi. Ang kanyang asawa nama’y sa bahay na ang trabaho sa maghapon matapos na magawa ang lahat ng trabahong bukid at maisuga ang 13 nilang ginagatasang kalabaw.

Hinahangaan ang uri ng pamumuno ni Ate Meng ng iba pang mga koop sa Llanera. Dahil dito’y iniluklok siya bilang pangkalahatang tagapangulo. Sapul nang mag-umpisa siya sa tungkulin ay iniangat niya ang kapasidad ng mga kooperatibang palakihin at pamahalaan ng wasto ang kanilang kita sa vermicomposting at paggawa ng Urea-treated Rice Straw (UTRS), isang uri ng pakain para sa kalabaw.

Ang dating nakadepende lamang sa pagbubukid ay tinitingala na ngayon ng mga kapwa niya magsasakang-maggagatas dahil sa natatangi niyang kakayahan.

“Sobrang sayang magkaroon ng pamilyang suportado ka. ‘Yong mga anak ko ay kasa-kasama ko na rin sa paggagatas ng kalabaw dahil alam nilang ito ang dahilan kung bakit nakaahon kami sa kahirapan,” ani Ate Meng.

“Ibinabalik ko lang ng dobleng gawa ang mga biyayang hatid sa akin at sa pamilya ko ng koop,” dagdag pa niya.

Aniya, wala siyang sikreto sa kanyang kahanga-hangang pamumuno kundi ang makinig at makiramdam.

Pinatunayan ito ni Henry dela Cruz, isa sa 23 aktibong miyembro ng koop na sinabing sinisiguro ni Ate Meng na bago ito magbaba ng desisyon ay kailangan naidulog muna sa lahat ng miyembro at narinig ang komento ng bawat kasapi.

“Pinakikinggan niya ang mga komento at suhestyon namin. Dahilan niya, pare-pareho namang gusto namin ng pag-unlad kaya hindi siya nawawalan ng pasensyang pakinggan kami,” ani dela Cruz.

Bukod sa inaasahang pagtatayo ng pasalubong center, kasama na sa plano ni Ate Meng na magbigay ng scholarship para sa mga anak ng kasapi na nasa elementarya at hayskul.

Ani Ate Meng, makakaya nilang magbigay ng scholarship dahil madadagdagan naman ang kita nila mula sa gatas, vermicompost at UTRS.

Sa katulad niyang ‘di nakatapos ng pag-aaral ngunit nagpursige upang magkaroon ng maginhawang buhay, batid niyang edukasyon ang sagot sa magandang kinabukasan.

 “Mahalaga ang edukasyon. Nilakasan ko lang ang loob ko, pero alam ko na mahirap talaga kapag wala kang pinag-aralan. Kaya base sa karanasan ko, pagbubutihin namin dito sa koop para makapagpaabot talaga kami ng tulong sa mga batang nais makapag-aral,”wika ni Ate Meng.

Author

0 Response