Babae, sulong! Mar 2006 Karbaw Babae, sulong! tagapag-sulong ng industriya ng paggagatasan By Ma. Cecilia Irang & Rowena Galang-Bumanlag & Chrissalyn Marcelo & Paul John Villamor Natatanging kwento ng mga tagapag-sulong ng industriya ng paggagatasan Natatanging kwento ng mga tagapag-sulong ng industriya ng paggagatasan Hindi matatawaran ang kahusayan ng isang babae pagdating sa trabaho o sa kahit ano pa mang larangan. Tiyak ito basta’t mabigyan sila ng pagkakataon na mapatunayan ang kanilang sarili sa lipunan. Sa industriya ng paggagatasan, halimbawa, ang mga babae ngayo’y napatunayan nang may magagawa para mapa-unlad ang bansa sa pamamagitan ng dedikasyon, sipag at tiyaga. Kahit ang sakit na kanser ay hindi kayang igupo ang tatas ng kaniyang isip at sigasig ng kaniyang damdamin para isulong ang kapakanan ng maliliit na magsasaka. Sa industriya ng mga magsasaka-magkakalabaw-maggagatas, halimbawa, lakas-kababaihan ang pinaiiral ng dating senador Leticia Ramos-Shahani. Kung kaya’t hindi nga maikakailang ehemplo siyang tunay sa larangang ito. Bakit hindi, samantalang buong lakas ang ibinigay ng dating senador upang maisulong ang programa ng PCC ukol sa pagpapaunlad ng lahi ng gatasang kalabaw. Ito’y sa kabila ng pisikal na pagsubok na dulot ng kanyang karamdaman na kasalukuyang nilulunas ng medisina. Ngunit sa kabila ng sakit at sa edad na 86, hindi mababakas ang pisikal na panghihina ng dating senadora; ni ang kaniyang boses ay hindi kauulinigan ng kahapisan. Sa kanyang pagpapa-unlak sa panayam ng Karbaw, bakas pa rin ang tikas ng kanyang tindig bilang isang diplomat at mambabatas at kapansin-pansin pa rin ang talas ng kanyang isip at pananalita. Kung susumain mo ang kanyang kakayahan, daig pa marahil ni Senator Shahani ang isang lalake sa kanyang ibayong pagsusulong ng programa. Hindi lang siya tagapag-sulong kundi siya mismo ay sumubok sa gawaing salig sa gatasang kalabaw. Tinulungang mapalaganap ni Senator Shahani ang “25-dairy cow module” ng PCC noong 1997 nang pangunahan nitong maitatag ang isang kooperatiba ng mga magsasaka-maggagatas sa Tulong, Urdaneta. Naging batayan ito ng programang pagpapahiram ng gatasang kalabaw simula noon. Pinalaki ang senadora sa isang pamilyang may pagpapahalaga sa trabaho at napag-aralan niyang mabuti kung paanong mapananatiling tuluy-tuloy ang kita sa pagbubukid. Bagaman isang cancer patient, hindi alintana ni Senator Shahani ang lakas na patuloy na ibinubuhos sa kanyang sariling dairy farm sa Urdaneta. Lalong naging tutok ang senadora sa kanyang anim na ektaryang dairy farm simula nang matapos niya ang termino sa Senado. “Bilang miyembro ng Senate Committee on Agriculture noon, naging interesado ako sa kabuhayang ito dahil alam ko na maraming magsasaka ang maaaring matulungan ng programa.,” ani Senator Shahani. Mismong ang Senadora ay pinasok din ang pagbebenta ng pasteurized na gatas ng kalabaw. Ito aniya ay para maipakita sa high-end consumers na may ganitong uri ng produkto—malinis at sariwa—na kaya ring i-prodyus ng maliliit na magsasaka. Sa ganang kanya, nais lang ipakita ng dating senadora na makararating ang de-kalidad na produkto gaya ng “Shahani’s Gatas ng Kalabaw” sa mga de-kalibreng komunidad katulad ng Bel-Air Village at Legazpi Village sa lungsod ng Makati. Bilang tagapagtaguyod ng mga karapatan ng kababaihan sa Senado at maging sa United Nations, naniniwala si Senator Shahani na ang babae ay may natural na angking katalinuhan at kung siya ay hindi mabibiktima ng diskriminasyon ay maaaring mabigyan ng oportunidad na umunlad sa kanyang napiling kabuhayan. “Magkakaroon ng lubos na lakas-kababaihan kung may sapat na teknolohiya at resources na maaaring magamit ang kababaihan sa kanilang hanapbuhay. Malibang mabigyan sila ng pagkakataon na magkaroon ng karapatan sa maayos at kaaya-ayang kapaligiran ng paggawa, hindi nila mailalabas ang kanilang natatanging potensyal,” dagdag pa ni Senator Shahani. Si Senator Leticia Ramos-Shahani ay nakababatang kapatid ni dating Pangulong Fidel Ramos. Isa siya sa dalawa lang na babaing naluklok sa Senado sa panahon ni Pangulong Cory Aquino noong 1987. Bilang mambabatas, kabilang sa mga masigasig na isinulong ng Senadora ang karapatan ng mga manggagawa, kababaihan, kabataan, at magsasaka. Pangunahing panukala niya ang RA 6725 o “Strengthening the Prohibition of Discrimination Against Women in the Workplace, Amending the Labor Code of the Philippines” na ‘di naglaon ay naisabatas. Maigting din niyang isinulong ang RA 8353 (redefining of the crime of rape) at RA 8505 (assistance to rape victims and their families). Noong 1994, pinaumpisahan niya ang paglalaan ng 5 porsyentong budget para sa gender and development (GAD) sa bawat departamento at ahensya ng gobyerno. Isa sa naging pinakamataas niyang katungkulan ang maupo sa United Nations Secretariat na tumitingin sa mga isyung pangkababaihan. ‘Di naglao’y naging head siya ng United Nations Commission on the Status of Women. Dahil sa kanyang natatanging kontribusyon sa pagsusulong ng kapakanan ng mga kababaihan, kinilala siya noong nakaraang taon ng House of Representatives at Committee on Women and Gender Equality of the Philippines sa kanyang paghubog sa lakas kababaihan sa pamamagitan ng isang pambansang resolusyon. Kung kahalagahan lang ng gampanin ng mga kababaihan sa industriya ang pag-uusapan, si Dr. Rubina “Bing” Cresencio, acting director ng Bureau of Animal Industry (BAI), ang isa sa mga babaing lingkod-bayan na nagsusulong sa adhikaing makilala ang taglay na husay at galing ng mga kababaihan saan mang larangan sila mapabilang. “Ang mga babae, kahit anong trabaho kaya nila, kahit mahirap kakayanin nila. Bakit? Dahil ang laging nasa isip nila ay ang pamilya nila. Ganyan naman ang mga nanay, wala silang hindi kayang gawin basta sa ikabubuti ng pamilya nila. Ginagawa nila ang mga trabaho nila ng may puso at pagmamahal,” nakangiting sambit ni Dr. Cresencio. Si Dr. Cresencio o mas kilala bilang “Doc Bing”, ay isa sa mga babaing masigasig na nagtataguyod ng industriya ng paghahayupan mula pa noong 1995 nang magsimula siyang magtrabaho sa Philippine Carabao Center (PCC) bilang hepe ng Information and Training Division (ITD). Siya ay naging bahagi sa pagbabalangkas ng misyon at bisyon ng ahensiya. Siya rin ang kauna-unahang babae sa likod ng ISO certification ng PCC bilang Management Representative. Masugid niyang tinanggap ang hamon na ito para maging ganap na ISO-certified ang institusyon. Maliban sa mga naging kontribusyon niya sa ahensiya, isa rin si Doc Bing sa mga nag-organisa ng kauna-unahang dairy cooperative para sa mga kababaihan, ang Angat Buhay Producers Dairy Cooperative, dahil naniniwala siya, aniya, na mapakikinabangan ang taglay na husay at galing ng mga kababaihan tungo sa pag-unlad ng industriya ng paggagatasan. “Dati akong Gender and Development focal person. Inorganisa namin ‘yong women’s cooperative dahil gusto naming sila mismo ang magtutulungan. Noong tinitingnan ko nga ‘yong grupo ng mga kababaihan, masayang masaya sila at ganoon din ‘yong galak na naramdaman ko. Isang miyembro ang lumapit sa’kin, at masayang nagkwento kung paano nila pinaghahati-hatian ‘yong mga trabaho sa paggagatas. Alam ko naging maayos naman ‘yong grupo nila hanggang ngayon at masasabi ko talagang mahalaga ang gampanin ng mga kababaihan sa industriyang ito,” paliwanag niya. Ang industriya ng paggagatas ay naiintindihan ng mga babae. Kung minsan, kakatayin na lang ng magsasaka ang hayop kasi ayaw magbuntis. Iyon pala naman ay lumipas na ang panahong dapat itong pasemilyahan o pabulugan. Ang mga sikulong ito ng isang babaing hayop, katulad ng panahon ng paglalandi, ay dapat na naiintindihan ng lalaking magsasaka. [Leticia Ramos-Shahani] Aniya pa, malaki ang kontribusyon ng mga kababaihan lalo na sa pangongolekta, pagpoproseso, packaging at pagbebenta ng gatas. Maging sa paghahanda ng mga kakailanganing materyales sa paggagatas at pangongolekta ay makatutulong din sila. Bilang babaing lider ng BAI, ani Doc Bing hindi naman daw siya nakatanggap ng anumang pintas at pangmamaliit nang dahil sa kasarian niya. “Ginampanan ko ang trabaho ko, gaya ng pagtatrabaho siyempre ng isang babae—may puso. Hindi lang basta kailangang magaling at mahusay ka dapat din ay bukal sa puso mo ang maglingkod sa bayan,” wika niya. “Napalalakas natin ang mga kababaihan kapag nabibigyan sila ng oportunidad na makalahok sa programa, hindi ‘yong nasa apat na sulok lang sila ng bahay nila.” [Dr. Rubina Cresencio] “Sadya talagang mainam ang pagkakaroon ng isang babaing lider dahil sya ay maihahalintulad sa isang ilaw ng tahanan o isang ina na syang nag-iintindi sa lahat ng bagay. Ganiyan din ang magiging pamamalakad niya sa kaniyang opisina dahil ito ay ituturing niyang kanyang pangalawang pamilya.” Ito ang mga katagang binitiwan ng ngayo’y pinuno ng National Dairy Authority (NDA) na si Administrator Grace J. Cenas. Isa siya sa mga kinikilalang babaing lider na nagtataguyod sa industriya ng paggagatasan. Ayon sa kanya, isang malaking hamon ang mapaunlad ang industriya ng paggagatas at isa ito sa mga “Ang kababaihan na may sapat na kakayahan at edukasyon ay may positibong epekto sa kanilang mga pamilya at komunidad. Kung kaya’t dapat magkaroon ng representasyon ang kababaihan sa ating lipunan.” [Grace Cenas] naging dahilan upang tanggapin niya ang nasabing posisyon. Bilang isang economist by profession, nakita niya ang mahalagang papel ng pribadong sektor sa higit na pag-unlad ng industriya ng paggagatasan at isa ito sa pinagtuunan niya ng pansin sa kanyang pamumuno. “Nang pasimulan namin ang mga pagbabago sa ahensya, nakita ko ang kahalagahan ng paghikayat sa pribadong sektor na maging bahagi sa pag-unlad ng industriya ng paggagatas dahil sila ay may kakayahan sa kapital at lupa,” ani Cenas. Sa kanyang pamumuno ay naisakatuparan ang pagkakaroon ng dairy multiplier farm. “Naging matagumpay kami sa pagsasagawa nito. Nagawa namin silang hikayating magnegosyo sa gatasan. Dito namin sinimulan ang pagkakaroon ng mga dairy multiplier farms at pagsasagawa ng sarili naming bersyon ng Public-Private Partnership (PPP). Pinangunahan namin ang pagkakaroon nila ng mga gatasang baka. Kabilang sa kasunduan ay ang paglalaan nila ng sapat na pagkain, pagtatayo ng kinakailangang pasilidad at pagkakaroon ng mga makinarya” wika niya. Ang pamumuno, ayon sa kanya, ay ang kakayahang maiangat ang personal na kapasidad at kompetensya ng kanyang pinamamahalaan at dapat ay may kaakibat na lakas at karakter ng lider upang mangyari ito. “Dapat may malinaw kang vision para sa iyong organisasyon; alam mo kung saan mo sila dadalhin at siguraduhin na kasama mo sila sa pagsasagawa nito at naiintidihan nila kung saan ka patungo. Dapat maging matiyaga kang instrumento sa pagpapa-unlad ng kanilang mga kakayahan,” aniya. Ayon pa sa kanya, hindi naging mahirap ang makisalamuha at makisama sa iba dahil na rin sa kinalakhan niyang pamilya. “Hindi naging problema sa akin ang makisama sa kalalakihan dahil ako lang ang nag-iisang babae sa aming pamilya. Hanggang sa paglaki ko, lagi ko silang nakakasalamuha,” dagdag niya. Para sa kanya, mahalaga ang pagkakaroon ng gender participation sa mga proyekto at programang isinasagawa ng ahensya ukol sa paggagatasan. “Sa tulong ng edukasyon, pagtuturo at pagsangguni sa desisyon ng mga kababaihan patungkol sa kanilang mga kabuhayan ay mas naipakikita natin ang kahalagahan nila at pagkakaroon ng gender equality,” ani Cenas. Bilang isang babae, ayon kay Brigida Pili, hindi naging madali sa kanya noon ang pagtatrabaho sa gobyerno kasabay ng pagbuo ng pamilya. Aniya, noong mga bata pa ang tatlo niyang anak na ngayon ay malalaki na, naaalala niyang halos hindi siya makilala ng mga ito bilang ina dahil sa mas malaking oras na inilalaan niya sa kaniyang trabaho. Bagama’t ganoon ang naging sitwasyon niya noong una, kinaya niya ang mga ito. Aniya, alam niyang wala naman talagang hindi kakayanin at isasakripisyo ang isang ina para sa kanyang asawa at mga anak. Ipinaliwanag niya sa mga anak na nagsisikap siya sa trabaho para sa kanila. “Kailangan lang makita ng mga kababaihan kung ano ‘yong pwede at kaya nilang gawin para mapalago ang kanilang negosyo at magamit ito sa iba pang larangan.” [Brigida Pili] Kaya nga kahit na hindi niya madalas nakakasama ang mga ito noon, sinisiguro naman niya ang kaniyang presensya sa mga importanteng okasyon sa buhay ng mga ito katulad ng mga birthdays at graduation. Inintindi at sinuportahan naman siya ng kanyang pamilya sa huli kung kaya’t naging masigasig pa rin ang kanyang pagseserbisyo-publiko. Hindi nagtagal, dahil sa kanyang husay, galing at sipag, unti-unting tumaas ang kanyang posisyon mula sa pagiging development specialist noong 1987 hanggang sa maging provincial trade and industry officer o provincial director siya ng DTI noong 2005 hanggang sa kasalukuyan. Bilang provincial director, ani Pili, isa sa kanyang sinusuportahang industriya sa probinsiya ay ang industriya ng paggagatasan. Ipinakita at pinatunayan niyang kahit babae siya ay kaya niyang makapagbigay ng kontribusyon sa pag-unlad ng industriyang ito. Sa kanyang pangunguna, isa ngayon ang DTI sa mga aktibong kabalikat ng PCC sa pagsusulong at pagpapatupad ng mga programa nito. Sa katunayan, kinilala ang DTI noong 2015 bilang “secondary stakeholder partner-champion” ng PCC dahil sa masigasig nitong pakikiisa sa mga layunin nito. Kontribusyon ng DTI ang pagbibigay ng suportang teknikal para sa 52 dairy cooperatives sa Nueva Ecija, pagtataguyod ng Gatas ng Kalabaw Festival sa probinsiya na sampung taon nang ipinagdiriwang, at pagbabahagi ng Php3.5M sa mga kooperatibang inaasistehan ng PCC noong 2014 para sa pagbili ng ilang kasangkapang gamit sa paggagatas katulad ng milking machines, milking cans at iba pa na mula naman sa proyekto nilang “shared service facility (SSF)”. Kasabay ng suportang ito, patuloy na pinalalakas ng DTI ang sektor ng kababaihan sa industriya ng paggagatasan. Ito ay sa pamamagitan ng mga lakbay-aral kung saan may pagpapakitang-gawa sa mga binibisitang institusyon gaya ng PCC patungkol sa mga pwede nilang gawin para sa pagpapalago ng kanilang mga kabuhayang salig sa gatas. Isang hamon din sa kanyang pagiging babae ang mga naging karanasan ni Jocelyn Ramones na kasalukuyang DAR Provincial Agrarian Reform Program Officer I. Naranasan niya ang hindi pantay na karapatang tinatanggap ng mga lalake at mga babae gaya ng mga partikular na benepisyo. Ani Ramones, hindi naman siya agad na pinanghinaan ng loob dahil sa sistema. Sa halip na sumuko, nakiisa siya sa pagpapalakas sa sektor ng kababaihan sa bansa. Sa katunayan, isa siya sa mga naging pangulo ng ladies association ng DAR noong 1988 hanggang 2004. Aniya, sakop ng asosasyon ang buong Region III. Nagsimula siyang maging miyembro nito noong siya’y agrarian reform technologist pa lamang sa DAR San Fernando, Pampanga at hanggang sa malipat siya sa Nueva Ecija bilang OIC-PARO noong 1999 kung saan naging pangulo rin siya ng asosasyon. “Nakatutulong ang mga programa ng asosasyon para mapalakas ang mga kababaihan sa mga negosyong katulad ng catering services at loans. Ganito rin halos ang ipinatupad “Dapat may katuwang ang mga kababaihan sa pagpapalago ng kanilang kabuhayan. Malaking tulong ito sa mga kananayan na kagaya ko noon.” [Jocelyn Ramones] naming programa para naman sa pagbubuo ng mga kooperatiba sa probinsiya kung saan natulungan namin ang mga kababaihan na magkaroon ng negosyo sa iba’t ibang larangan,” dagdag ni Ramones. At dahil nga suportado nila ang halos lahat ng industriya sa probinsiya, tumutulong din sila sa pagpapalakas ng sektor ng kababaihan sa industriya ng paggagatasan. Nagsimulang tumulong ang DAR sa programa ng PCC patungkol sa pagpapaunlad ng industriya simula pa noong 2002 sa Nueva Ecija. Sa pangunguna ni Ramones, naisagawa ang mga sumusunod na ayuda: suportang pinansiyal para sa pagpapalakas at pagsasanay ng 52 dairy cooperatives sa Nueva Ecija; pagtataguyod ng Gatas ng Kalabaw Festival kasama ng PCC, DTI, lokal na pamahalaan at iba pa; at ang pagtulong na magkaroon ng ugnayan ang Nueva Ecija Federation of Dairy Carabao Cooperatives (NEFEDCCO), isang pederasyon ng mga kooperatiba ng mga magsasakang-maggagatas sa probinsiya ng Nueva Ecija at Asian Development Bank (ADB) noong 2007.Ang ugnayang ito ang siyang naging dahilan kung bakit nailunsad ang proyektong “Dairy Enterprise at Village-Level Processing Equipment” sa probinsiya. Bilang pagkilala, sa mga naiambag ng DAR sa programa ng PCC, pinarangalan ito bilang “secondary stakeholder partner-champion” noong 2015 kasabay ng DTI. Sa pribadong sektor, isa naman si Marie Cavosora sa mga nagsusulong ng industriya ng gatas ng kalabaw sa bansa. Si Marie ay isang Pilipinong balik-bayan na may dual citizenship at nanirahan ng matagal sa ibang bansa. Nakapagtapos siya ng kursong Bachelor of Arts in Liberal Arts sa Mount Holyoke College, Massachusetts, USA; Master of Science in Mass Communications sa Brandcenter, Virginia Commonwealth University, Virginia, USA ; at nagkaroon ng malawak na karanasan pagdating sa marketing at advertising na tumagal nang mahigit na 25 taon bago siya magdesisyon na pumirmi sa Pilipinas noong 2012. Dahil sa kanyang husay, naging bahagi siya ng mga “Naisip ko na kaya ako naging Pilipino ay para may magawa akong makabuluhan para sa ating bansa at para makatulong sa mga kababayan natin.” [Marie Cavosora] multi-national na kumpaniya sa New York, San Francisco, Toronto, Hongkong, at iba pa. Aniya, hindi niya inaasahan na magkakaroon siya ng interes na maging bahagi ng Gawad Kalinga at magtrabaho ng full-time rito nang siya ay mabalik sa Pilipinas. Ito, aniya, ay nagsimula nang makilala niya si Antonio “Tito Tony” Meloto na nagtatag ng Gawad Kalinga sa Pilipinas noong 2003. “Noong makilala ko taong 2012 si Tito Toni’y sobra niya akong naimpluwensiyahan. Sa lahat ng aking mga nakilala, siya na ata ‘yong Pilipino na puno ng pag-asa para sa ikakaunlad ng bansang Pilipinas,” kwento ni Marie sa wikang Ingles. “Kaya naman magmula 2014 hanggang sa ngayon, nag-iisip ako ng mga proyekto o social enterprises para makatulong sa pag-unlad ng bansa,”ani Marie. Doon niya naisip ang proyektong “Dairyard”. Aniya, isinapapel niya ang konseptong “Dairyard” kasama ng napili niyang maging mga kabalikat na sina Atty. Alexander Lacson, Prof. Gaston Ortigas at Cedric Mabilotte na pawang mga eksperto sa pagnenegosyo at sa kani-kanilang mga disiplina. Dagdag ni Marie, kabalikat din nila ang PCC sa proyektong ito na mula naman sa pampublikong sektor. Bilang bahagi ng PCC, ang ahensya ay magbibigay ng panimulang 10 kalabaw at tulong-teknikal para sa mga mabibiyayaan ng kalabaw sa Gawad Kalinga Enchanted Farm (GKEF) sa Angat, Bulacan. “Ang proyekto ay naglalayon na suportahan ang social entrepreneurship sa bansa kung saan ang iba’t-ibang mga partners sa iba’t-ibang dako ay magsasama-sama para mapa-unlad ang paggagatasan sa Pilipinas. Nilalayon din nito na mapataas ang kita at antas ng pamumuhay ng mga magsasaka,” paliwanag ni Marie. Nagpapasalamat ang grupo niya at ang GK sa PCC dahil sa tulong teknikal nito para sa product development. Inaasahan nila, aniya, na dahil sa proyektong ito ay kayang-kaya nilang mapataas ang kita ng mga magsasaka. “Tuluy-tuloy lang kami sa proyektong ito at gayundin sa pagpapalago ng industriya ng paggagatasan at pakikipagtulungan sa PCC ,”pagtatapos ni Marie. Hindi nagkamali ang bayan ng Llanera at San Jose City sa Nueva Ecija nang maghalal ang mga mamamayan nito ng parehong babaing alkalde. Ang mga Mayora na sina Lorna Mae Vero at Marivic Belena ay iniangat ang mga kababaihan sa larangan ng serbisyo-publiko matapos gawing katugunan sa lumiliit na bilang ng trabaho at pagkakakitaan sa kani-kaniyang bayan ang programang isinusulong ng Philippine Carabao Center (PCC). Pinatunayan ni Vero na magbubunga ng maganda ang pagyakap niya sa Carabao Development Program (CDP) para sa kanyang bayan noong 2007. Napagkatiwalaan ng 274 purebred na gatasang kalabaw ang Llanera. Nang makita ang benepisyo ng Artificial Insemmination (AI), nabiyayaan pa ng 230 crossbreds na kalabaw ang bayan na kalauna’y naging kilala sa lalawigan dahil sa mataas na produksyon ng gatas mula sa kalabaw. Hindi nagkamali ang dating alkalde sapul nang makipagbalikatan siya sa PCC. Ang misyong paangatin ang kinikita ng mga magsasakang Llaneranos ay nagkaroon ng katuparan. Naging katuwang din ni Vero sa pagpapalago ng kabuhayang salig sa kalabaw ang pag-usbong ng limang kooperatibang tinutulungan din ng PCC na mag-alaga ng “Nagtiwala lang ako sa kakayahan ko na baguhin ang buhay ng mga taga-Llanera. Nagkaisa ang lahat sa magandang programang hatid ng PCC at masaya ako sa inaaning tagumpay ng aming bayan sa ngayon.”[Lorna Mae Vero] mga gatasang kalabaw. Buhat dito, sinimulan niyang itatag ang Cooperative Entrepreneurship Office upang gabayan ang operasyon ng naturang mga koop. “Simula ng maupo ako bilang Mayor, alam kong pagkakataon ko na ito para tulungan ang mga Llaneranos. Naniniwala ako sa ideya ng kooperatibismo, ang kagandahang dulot nito dahil pinagbubuklud-buklod nito ang mga tao na may iisang interes para sa sama-samang pag-unlad,” saad ni Vero patungkol sa pagsuporta niya sa mga adhikain ng mga koop na nakatuon sa paggagatas ng kalabaw. Kilala ang San Jose City bilang isa sa may pinakamatataas na produksyon ng gatas ng kalabaw sa lalawigan. Sa pakikipagtulungan sa PCC, hindi naging imposible na makamtan nila ang naturang posisyon. Sa kasalukuyan, anim na kooperatiba ang nagtutulung-tulong sa pamamahala ng 467 purebreds at 335 crossbreds na gatasang kalabaw sa nasabing bayan. Lima mula sa anim na kooperatiba ay tinaguriang pinakamahuhusay na maggatas ng kalabaw dahil sa palagiang mataas na produksyon ayon sa Nueva Ecija Federation of Dairy Carabao Cooperatives (NEFEDCCO). “Sa estado ng aming mga kooperatiba, masasabi kong nakuha na “Tuluy-tuloy lang kami sa pagsuporta sa aming mga magsasakang-maggagatas. Itinataguyod din namin ang palagiang pag-inom ng gatas ng kalabaw sa San Jose City upang lalong mapalaganap ang industriya.” [Marivic Belena] nila ang tiwala ng lokal na pamahalaan para iprayoridad sila na suportahan sa kanilang mga operasyon,” ani Mayor Marivic Belena. “Sa totoo lang, ako mismo ay humahanap ng magandang market para sa gatas ng kalabaw. Sa kasalukuyan, ang LGU ay bumibili ng gatas mula sa isang koop para sa aming milk feeding program,” saad ni Belena. Tinutukoy ni Belena ang Eastern Primary Multi-Purpose Cooperative sa barangay Sibut. Ang naturang koop ay kinilala ng PCC bilang “Outstanding Dairy Cooperative” dahilan sa pagsasagawa ng twice-a-day milking na natutuhan sa mga seminar at training na isinagawa ng PCC para magkaroon ng tuluy-tuloy na mataas na produksyon ng gatas. Ayon kay EPMPC chairman Melchor Correa, ang proyektong “Agad Serbisyong Bayan” ng lokal na pamahalaan ay bumibili ng 300-500 packs (100 ml-150 ml) ng choco milk sa kanila kada linggo na nagbibigay sa kanila ng kitang Php20,000 kada buwan. Nakipagbalikatan din ang pamahalaan ng San Jose City sa Department of Science and Technology upang mapagkalooban ang EPMPC ng milk processing equipment at milk pasteurizer na nagkakahalaga ng Php115,000. Hinihikayat din ni Belena ang mga kabataan na piliing mag-aral ng agrikultura bilang propesyon alang-alang sa pagsigla ng ekonomiya ng bansa. “Ang ekonomiya natin ay malawakang nakadepende sa agrikultura at maraming pamilya, partikular na sa mga probinsya ang umaasa rito bilang pangunahing mapagkukunan ng kita” saad niya.
Terms and Conditions Welcome to DA-PCC Knowledge Portal (K-Portal)! Thank you for visiting k-portal.pcc.gov.ph website. Subscription to the K-Portal is free. We don’t charge you to use or access this platform. Your privacy and security are very important to us. Please read the information below for your guidance. Data Policy To provide you with the services of our K-Portal, we must process information about you. We do not collect your personal information unless you choose to provide them. Rest assured that we do not share or sell your personal information but we do collect technical information about your visit to our website. When you visit k-portal.pcc.gov.ph website, our system automatically stores: Your personal information that you provided for subscription (email, password, name) Date and time of subscription Words or information you searched for The publications/ categories you viewed on our website The items you clicked on our website Your comments Items you downloaded from our website This process does not collect or track any of your personal information but makes our website more useful to visitors. Through such information, we learn about the number of visitors to our website, detect operational problems, and continuously improve the website’s overall functionality and security. Your comments will be visible to the public. Please make sure to not share information that you do not want made available to the public. We will not be responsible for how other visitors may use your information. Please be reminded that when you voluntarily submit information, it constitutes your voluntary consent to the use of the information you submit for the website’s improvement and maintenance. General Disclaimer and Copyright Notice All the contents uploaded to our website are considered public information, which can be used as reference and may be shared but we strictly request that our agency, DA-PCC, and our knowledge portal website including authors of knowledge products be cited as the source of any information, photos, and images copied from this site and that any photo credits or bylines be similarly credited to the photographer or author. The articles, publications pdf, AVPs, books, manuals and other materials owned by DA-PCC should be directly acquired from the knowledge portal and not through other sources that may change the information in some way or exclude material crucial to the understanding of that information. Disclaimer While we make every effort to provide accurate and complete information, some information may change between site updates. With a lot of articles and documents available and uploaded within short deadlines, we cannot guarantee that there will be no errors. We make no claims, promises or guarantees about the accuracy, completeness or adequacy of the contents of this website and expressly disclaim liability for errors and omissions in the contents of this website.