#National Carabao Conference 2016

 

Nagsipag, nagnegosyo, nagtagumpay!

Layunin ng taunang komperensya na pagsama-samahin ang mga kalahok, katiwala, at lahat ng may pakinabang sa industriyang salig sa kalabaw. 

Gagawin din itong daluyan ng mga mahahalagang impormasyon upang maibahagi at maipalaganap ang mga teknolohiya, kasanayan, mga ideya patungkol sa industriya at mga wastong pamamaraan na naisagawa na ng mga magsasakang nagtagumpay sa kani-kanilang mga pinagkakakitaang negosyong salig sa kalabaw at nang sa gayon ay mapakinabangang maigi ng mas nakararaming magsasaka.

Dadalo sa nasabing malakihang pagtitipon ang mga magsasakang-maggagatas na inaasistehan ng PCC, mga kabalikat, mga negosyante,  mga opisyales ng lokal na pamahalaan, mga representante mula sa iba’t-ibang ahensiya ng gobyerno at pribadong mga organisasyon na katuwang ng PCC sa Carabao Development Program (CDP).

Sa temang “nagsipag”, ang mga magbabahagi ng kanilang kwento ay mga magsasakang nagsumikap na paunlarin ang antas ng kanilang pamumuhay sa pamamagitan ng mga gatasang kalabaw. Kanila ring isasalaysay ang mga pamamaraang isinagawa sa ilalim ng value chain at paggamit ng mga karampatang teknolohiya sa kani-kanilang gawain.

Sa tema namang “nagnegosyo”, itatampok ng mga negosyante ang mga negosyong salig sa kalabaw na kanilang itinaguyod at ang mga nalikhang mga produkto na galing sa gatas, karne, at balat ng kalabaw. Kanilang ibabahagi ang matagumpay na karanasan sa paggawa ng ice cream, pastillas, tapa, chicharong kalabaw at iba pa.

Sa “nagtagumpay”, ito’y kapapalooban ng mga testimonya ng mga maggagatas ukol sa mga kabutihang naidulot ng programang gatasang kalabaw sa pamilya at sa pagtatagumpay ng bawa’t miyembro ng pamilya. Isasalaysay ng mga magsasakang ito sa tulong ng video presentation ang mga istorya kung paanong sa tulong ng gatasang kalabaw ay nakatapos ng pag-aaral sa kolehiyo ang kanilang mga anak.

Lumilitaw na sa ngayon ay marami nang mga anak ng mga magsasaka na dati’y walang pag-asang makatungtong ng kolehiyo ang nakatapos ng kani-kanilang kurso sa tulong ng kita ng mga magulang mula sa gatasang kalabaw. Sila ngayon ay nagsisipagtrabaho na at nakintal na sa puso nila ang matayog na pagtingin sa gatasang kalabaw bilang maaasahang kaagapay na tunay sa pamumuhay.

Author

0 Response