2 bagong bukas na Dairy Outlet sa Luzon, nagpapasigla sa kalakalan ng gatas-kalabaw

 

Siguradong wala nang magiging gasinong problema sa paghahanap ng mga puwesto na kung saan maaaring magbenta ng gatas at mga produktong mula sa gatas ng kalabaw ang ilan sa mga magsasakang-maggagatas na ginagabayan ng Philippine Carabao Center (PCC) mula sa dalawang lugar sa Luzon.

Ito’y matapos pormal na buksan ng Milka Krem ng PCC ang  branch store nito sa University of the Philippines sa Los Baños, Laguna at ang  Rosario Dairy and Pastries sa Rosario, La Union.

Naitindig ang mga dairy outlets sa pangunguna ng dalawang panrehiyong tanggapan ng PCC at ng ilang kabalikat nito sa industriya ng paggagatasan. Ang mga ito ay ang PCC@UPLB at ang UPLB; PCC@Don Mariano Marcos Memorial State University (DMMMSU), DMMMSU, Lokal na pamahalaan ng Rosario, La Union; at ang Department of Trade and Industry (DTI).

Nagkaloob ang PCC ng halagang Php 10M para sa pagtitindig ng Milka Krem branch store sa Los Baños. Ang halagang Php 2.9M naman ay  para sa Rosario Dairy and Pastries. Sumuporta naman ang UPLB sa paglalaan ng 300 metro kuwadradong lupa para sa establisyimento ng sangay ng Milka Krem  samantalang ang LGU-Rosario La Union ay siyang naglaan ng 120 metro kuwadrado para sa Rosario Dairy and Pastries. Ibinigay namang suporta ng DTI sa outlet sa La Union ang isang working table, freezer, refrigerator, chiller at isang kalan.

“Pinasisigla ng mga ito ang carabao-based enterprises ng PCC sa Luzon,” masayang sabi ni PCC Executive Director Dr. Arnel N. Del Barrio sa isang panayam. “Ganitong mga gawain [pagpaparami pa ng dairy outlets] ang tuluy-tuloy na gagawin namin sa PCC bilang patunay na ginagampanan naming mabuti ang aming tungkulin sa paghahatid ng pag-unlad sa kanayunan,”dagdag pa niyang sabi.

Sa kasalukuyan, parehas na nagbebenta ng gatas at mga produktong mula sa gatas ng kalabaw ang dalawang tindahan. Galing ang mga produkto sa ginagabayang kooperatiba ng PCC, ilang negosyante, at sa mismong ahensiya.

Ang General Trias Dairy Raisers Multi-Purpose Cooperative (GTDRMPC), Rosario Dairy Raisers Association, Magdalena Dairy Raisers Association, Llano Farmers Multi-Purpose Cooperative, at isang negosyante mula sa Balayan, Batangas ang mga nagdadala  ng kanilang produkto sa Milka Krem sa UPLB. Ang Rosario La Union Dairy Producers Association, Inc. (RLUDPAI) naman, kasama ang Aringay Dairy Carabao Raisers Association, Bantog Samahang Nayon Multi-Purpose Cooperative, Samahan ng Maralitang Magsasaka ng Patalan in Lingayen, Pangasinan; at ang Naguilian, La Union farmers na benepisyaryo ng family module sa carabao entrustment program ng PCC naman ang sa Rasario Dairy and Pastries.

Ang mga produktong ipinagbibili ngayon sa Milka Krem sa UPLB ay fresh milk, choco milk, coffee milk, fruit-flavored juices, white cheese, mozzarella at pastillas de leche.

Sa Rosario Dairy and Pastrties naman ay fresh milk, chocomilk, fruit-flavored milk (pineapple, four seasons, strawberry,blueberry,mango and pineapple-orange), pastillas-de-leche, yogurt; espasol, ube halaya, puto, chicharabao, macaroons, dulce de leche candy at brownies.

Mula nang maitindig ang Milka Krem sa UPLB at Rosario Dairy and Pastries, pumapalo na sa Php50,000 at Php10,000 sa isang araw ang pinakamataas na gross sale income ng dalawang tindahan, sa gayong pagkakasunod.

Bunga ng nabuksang mga outlets, ganito ang mga naging reaksiyon ng mga nabenepisyuhang mga magsasakang-maggagatas:

 “Sa totoo lang, challenge sa amin ang paghahanap ng mas marami pang market para sa aming produkto. Nasa 550 litrong gatas kada araw na kasi ang nakokolekta naming gatas mula sa gatasan naming mga kalabaw. Salamat sa Milka Krem sa UPLB dahil  nagkaroon kami ng karagdagang market para sa aming mga gatas at produktong mula rito,” ani Samuel Potante, chairman ng (GTDRMPC).

Sabi naman ni Victoriano P. Petina, Jr., chairman ng RLUDPAI:

 ”Tuwang-tuwa kaming mga magsasakang-maggagatas dahil sa naitindig na Rosario Dairy and Pastries sa aming lugar. Siguradong mas lalo pa kaming gaganahan sa paggagatas dahil may tiyak na lugar na kami na mapagbebentahan ng naaani naming gatas.”

Anya pa: “Positibo kami na bawa’t miyembro ng aming kooperatiba ay magiging milyonaryo pagdating ng panahon kapag nagtuluy-tuloy na maging malakas at progresibo ang kalakalan ng gatas sa aming lugar”.

“Maraming-maraming salamat sa PCC at sa mga kabalikat nitong ahensiya na tumutulong sa amin para umunlad ang aming kabuhayan,”dagdag pa niyang sabi.

 

Author

0 Response