Lantay na pag-asa, nakikita sa pag-aalaga ng gatasang kalabaw ng isang pastor

 

Isa sa mga sikat na anekdota na madalas marinig sa mga simbahan ang kuwento ng isang pastor at isang kalabaw.

Ayon sa kuwentong ito, may pista sa isang bayan at nagkaroon ng laro na tinawag na “carabao challenge” kung saan kailangang mapaiyak ng mga manlalaro ang isang kalabaw. Walang ibang nakapagpaiyak sa kalabaw kundi ang isang pastor na ang ginawa lamang ay bulungan ito.

Nang tanungin ang pastor kung ano ang ibinulong niya sa kalabaw, ito ang kanyang sagot: “Sinabi ko kung magkano ang aking kinikita. At hayun, napaluha siya dahil siguro sa napakaliit na kita na kanyang narinig kumpara naman sa naibibigay niyang malaking  kita sa kanyang tagapag-alaga.”

Sa bayan ng Maramag sa Bukidnon, isang pastor din ang may “pagbulong” sa kalabaw. Sa kanyang “pagbulong” inihahayag niya ang kanyang lantay na pag-asa sa nasisilip niyang malaking biyayang ibibigay ng kanyang inaalagaang mga gatasang hayop.

Ang pastor sa Maramag ay si Peter Branzuela, isang farmer-cooperator ng Carabao-based Enterprise Development (CBED) program ng Philippine Carabao Center (PCC).

“Kailangang magsagawa ng kaukulang pagsasakripisyo upang maibigay ang tamang pakikitungo sa hayop na ito at makamtan ang magagandang bagay na maibibigay nito,” ani Pastor Branzuela.

Isang taon pa lang na nag-aalaga ng kalabaw si Branzuela at matibay ang kanyang pananalig at pag-asa na kikita siya sa mga kalabaw na ipinahiram sa kanya ng PCC.

“Naniniwala ako na nagsilbing daluyan ng pagpapala ang PCC at buo ang loob ko na palaguin ang mga naipagkaloob sa akin,” sabi ni Branzuela.

Pitong kalabaw ang inaalagaan ni Branzuela sa ngayon, lima dito ay ipinahiram ng PCC.

Aniya, kung minsan ay sadyang nakapanghihina din ng loob kung naghihirap at matagal na walang kinikita sa ginagawang pagpapagod at pagsasakripisyo. Pero naniniwala siya na darating din ang araw na magbubunga ang lahat ng pinaghihirapan niya.

“Alam ko, sa simula lang ang pagpapakahirap kong ito pero darating din ang panahon ng paggagatas at pagdating niyon, may perang  maihahatid sa akin sa araw-araw. Bukod pa doon, makatutulong din ito sa kalusugan dahil may sariwang gatas palagi ang pamilya ko,” puno ng pag-asang sabi niya.

Nakakita din siya ng oportunidad para makapagbigay ng kabuhayan sa kanyang mga miyembro sa simbahan at iba pa niyang mga kababayan sa pag-aalaga ng gatasang-kalabaw.

“Maaari kaming gumawa ng sabon sa pamamagitan ng gatas ng kalabaw dahil marunong na akong gumawa nito. Marami ring mga produktong gawa sa gatas ng kalabaw ang puwede pa naming gawin,” sambit niya.

Pagharap sa hamon

Naging hamon kay Branzuela ang tagtuyot na dumating sa kanilang lugar matapos na maipagkaloob sa kanya ang mga kalabaw.

Ang tagtuyot sa kanilang lugar ay nagmula sa buwan ng Oktubre 2014 at tumagal hanggang Abril 2015. Naging mahirap ang paghanap ng ipakakain sa kanyang mga alagang kalabaw dahil pati ang mga tanim na damong Napier ay nangamatay. Sa kalakhang bahagi ng kanilang lugar ay naging mahirap din ang paghanap ng sariwang mga damo para ipakain sa kanyang inaalagaang kalabaw.

Naghanap na lang si Branzuela ng dayami sa kanilang bayan at sa mga karatig bayan at ito ang ipinakain niya sa kanyang mga alaga. Binibili niya ang dayami noon sa halagang Php1,200 kada isang ten-wheeler na trak.

Natapos ang tagtuyot at nakaraos naman nang maluwalhati ang kanyang mga alagang hayop.

“Kailangan ngang gumawa ng paraan sa mga ganitong pagkakataon. Hindi p’wedeng iasa ang lahat sa PCC dahil malaki na ang naitulong nito na mabigyan kami ng kalabaw bilang puhunan,” sabi ni Branzuela.

Pagbuo ng asosasyon

Noong Nobyembre 2015, nabuo ang Don Carlos Dairy Association na si Branzuela ay isang miyembro. Ito’y nangyari matapos na magbigay ng oryentasyon ang PCC sa Central Mindanao University na pinamumunuan ni Dr. Lowell Paraguas.

“Pilot project pa lang kami, kaya marami pa kaming kailangang pagdaanan at matutunan,” sabi ni Branzuela.

Gayunpaman, itinuturing niya na isang magaan na trabaho ito dahil dumaan na siya sa mas mahihirap pang trabaho sa pagsasaka.

Sa ngayon, marami ang naengganyo sa pagkakalabaw sa pamamagitan ni Branzuela.

“Pabalik-balik ang iba para tingnan ‘yong kural ko. Ito ang ginagawa nilang basehan upang mag-alaga din sila ng kalabaw tulad ko,” sabi niya.

Ganito din ang gusto niyang mangyari sa kanyang grupo.

“Gusto ko na ang aming asosasyon ay maging halimbawa sa iba pang magsasaka upang makita nila na maaaring mapalago ang buhay sa carabao dairying. Madalas kong sinasabi na talagang may pera sa pag-aalaga ng gatasang kalabaw dahil sa marami na sa ibang lugar ang nakapagpapatotoo nito,” ani Branzuela.

Natitiyak ni Branzuela na hindi tulad ng kalabaw sa “carabao challenge” na natukoy sa unang bahagi ng artikulong ito, na hindi siya iiyak. Hindi rin mapaiiyak ang kalabaw, dahil alam nito na magiging malaki ang kanyang kita.

Manapa, isang matamis na ngiti ang sisilay sa kanya at magpapaliwanag sa kanyang mukha bunga ng ihahatid na ginintuang pag-asa ng kanyang inaalagaang mga gatasang-kalabaw.

 

Author

0 Response