Isang mala-himalang pag-angat sa buhay

 

Toyo at paghihikahos sa buhay. Ito ang nanunumbalik sa isip ni Ricky Araña, 30, ng barangay Cabudian Dueñas, Iloilo, kapag nakakikita siya ngayon ng sangkap na ito sa pagkain.

Noon, sa kanyang gunita, tuwing umaga, silang magkakapatid ay toyo lamang ang inuulam. Gayunman, tinitiis na lamang nila iyon sa kagustuhan nilang makatapos ng pag-aaral.

Pero biglang may nabago sa kanilang buhay – isang pagbabagong naghatid sa kanila ng maayos na kalagayan sa buhay.

Nagsimula ang pagbabago nang mahikayat ng PCC sa Western Visayas State University (PCC-WVSU) ang kanyang amang si Romeo Araña na subukang gatasan ang kanilang crossbred o mestisang kalabaw. Pagkalipas ng ilang taon, ang toyo ay napalitan na ng masasarap na ulam at ginagawa na lamang nilang sawsawan ng kanilang pagkain.

Hirap ng buhay

Bunso sa tatlong magkakapatid,  nagpasiyang huminto sa pag-aaral si Ricky  pagkatapos niya ng high school dahil ang kanyang dalawang kapatid ay nag-aaral na sa kolehiyo. Aniya, hindi na makaya ng kanilang mga magulang na sabay-sabay silang pag-aralin dala ng kahirapan.

Gayunman, pagkalipas ng dalawang taon, buong giting na ipinasya ng kanyang ama na pag-aralin siya sa kolehiyo bunsod ng pangarap nitong makapagtamo ng mataas na karunungan ang kanyang mga anak.

Upang matustusan ang kanilang pag-aaral, tumulong ang kanyang ina na mamasukan bilang kasambahay. Ang kanyang ama naman ay patuloy na nagtrabaho bilang katuwang sa bukid ng isang kakilala.

Tulad ng kanyang panganay na kapatid, kumuha rin ng kursong edukasyon si Ricky sa Western Visayas College of Science and Technology (WVCST) na ngayon ay kilala na bilang Iloilo School of Arts and Trade University. Ang sumunod sa panganay, na isang babae rin, ay  kumuha ng kursong Information Technology sa nasabi ring pamantasan.

Sa kasamaang palad, sa huling taon ng pag-aaral sa kanyang kurso ng kanyang pangalawang kapatid, ay nagkasakit ito ng lupus at pumanaw.

“Nakita ko ang kasigasigan ng namayapa kong kapatid sa kanyang pag-aaral. Iyon ang nagbigay sa akin ng inspirasyon na pagbutihin ang aking pag-aaral,” ani Ricky.

Nasaksihan niya ang paghihirap ng kanyang mga magulang lalung-lalo na ang kanyang ama para lang maitaguyod sila sa pag-aaral.

“Kung kani-kanino nanghihiram si Tatay noon para lang may pambaon ako sa pagpasok sa paaralan,” ani Ricky.

Ayon sa kanya, dumating sa puntong ayaw nang pahiramin ang kanyang ama ng mga pinagkakautangan nila dahil walang kasiguraduhan kung kailan sila makababayad. Nguni’t nakadidiskarte pa rin ang kanyang ama. Pilit  hahanap ng bagong uutangan para mabayaran ang dating perang nahiram.

“Noong unang taon ko sa kolehiyo, dama ko ang matinding kakulangan namin sa pera. Nangyari rin na toyo ang ulam namin sa isang linggo para makatipid at may bauning pera sa pagpasok,” ani Ricky.

Kapag may babayaran sa eskuwelahan, tumutulong siya sa pag-aararo sa paggawa sa bukid hanggang sa gumabi para madagdagan ang kita.

“Kahit madilim  na ay talagang pinipilit namin ni Tatay na magtrabaho sa bukid,”sabi ni Ricky. “Por ektarya kasi ang bayaran sa pagtatrabaho sa bukid. Saka lang ibibigay ng bayad kapag natapos ang gawain,“ dagdag niya.

Sa katitiyaga, nakatapos naman ang panganay niyang kapatid. Nang magkatrabaho ay tumulong na ito sa  pagtutustos ng pangangailangan sa pag-aaral ni Ricky.

Noon, naganyak  ang kanyang ama na mag-alaga ng kalabaw na crossbred.

Pagbabago ng takbo ng buhay

Noong 2012, nang fourth year na siya sa pag-aaral, nanganak ang alagang kalabaw ng kanyang ama. “Noong una ay hindi agad nakumbinsi si Tatay na marami ngang gatas na makukuha sa kalabaw na crossbred. Pero nagbago ang kanyang paniniwala ng sumakamay na niya ang pinagbilhan ng naaning gatas ng kanyang alagang kalabaw,”paglalahad ni Ricky.

Isang village-based artificial insemination technician ng PCC-WVSU, si Harnel Lastimozo, ang tuluy-tuloy na gumabay sa kanya sa paggagatas ng kalabaw.

Pinatotohanan ni Janice Cuaresma, carabao-based enterprise development coordinator ng PCC-WVSU, na talagang binalik-balikan nga nila ang kanyang ama, si Mang Romeo, para magtagumpay sa kanyang sinubukang gawain sa paggagatas ng kalabaw.

“Hindi kataka-takang maibigan ni Mang Romeo na gatasan ang kanyang kalabaw. Paano, dito siya nakakita ng pagbabago sa kalagayan nila sa buhay,” ani Gng. Cuaresma.

Karaniwang nakakukuha ng limang litrong gatas si Romeo sa kanyang alagang crossbred. Ayon kay Ricky, may mga panahon pa na umabot sa pito ang pinakamataas na litrong gatas ang nakuha ng kanyang ama, bagay na pinaniniwalaan ng karamihang purebred na kalabaw lamang ang kayang makagawa.

Lumaking kita

“Nakakukuha si Tatay ng limang litrong gatas sa kanyang alagang crossbred. Kung minsan pa ay umaabot ito ng pitong litro,” ani Ricky.

Naibebenta nila ang aning gatas sa halagang Php70 kada litro sa PCC-WVSU. 

“Sariwang damo at malinis na inuming tubig ang palaging ibinibigay ni tatay sa kanyang alagang kalabaw,” salaysay  ni Ricky. “Ganoon ang pamamaraan niya ng pagpapakain ng kalabaw araw-araw kaya nagiging mataas ang kanyang aning gatas,” dagdag niya.

Sabi ni Ricky, hindi rin niya inaasahang ang gatasang kalabaw ang tutugon sa pangangailangan nilang pinansiyal.

“Noon, talagang problema kung saan kami kukuha ng pambayad ko sa unibersidad para makakuha ako ng final exam,”pagsisiwalat  ni Ricky. “Parang himala na pagkaraan ng isang linggo matapos kong sabihin sa aking Tatay na kailangan ko ang malaki-laki ring bayarin sa eskuwelahan, nanganak ang kanyang alagang kalabaw,” dagdag niya.

 “Nasa Php13,000 ang matrikula ko sa WVCST. Mabigat ‘yon para sa anak ng isang magbubukid na tulad ko. Pero dahil sa kita sa gatas, naresolba ang problema kong pinansiyal,”  nakangiting saad ni Ricky. 

Pinatunayan ni Ricky na ang kanyang ama ay kumita ng mahigit sa Php79,000 sa ikalawang panahon ng paggagatas ng kanilang crossbred. Nakatulong din ito ng malaki para matustusan ang lingguhan niyang pangangailangan habang nagre-review siya para sa kanyang  board examination.

Dahil na rin sa dedikasyon at pagmamahal sa kalabaw ng kanyang ama, ito’y itinanghal bilang best dairy farmer ng PCC sa kategoryang smallhold noong 2014.

Bunga ng pagsisikap

Isa na ngayong lisensiyadong guro si Ricky. At siya’y nagtatrabaho na.

Isang guro si Ricky sa programang Alternative Learning System (ALS). Nasa edad 15-30  ang mga estudyanteng tinuturuan niya.

 Ang ALS ay programa ng Departamento ng Edukasyon para sa mga Out-of-School Youths o mga kabataang naghinto sa pag-aaral bunga ng maraming kadahilanan.

“Yong mga batang tinuturuan ko sa ALS, ganyan na ganyan ako, uhaw na uhaw sa kaalaman pero hinahadlangan ng kahirapan. Kahit ano pa mang kurso, maging masaya tayo dahil ang mahalaga ay hindi ipinagkait ng mga magulang natin ang karapatang matuto,” ani Ricky.

Dagdag pa niya: “Sobrang nagpasasalamat ako kay Tatay at Nanay dahil pinagtapos nila ako ng pag-aaral. Sa panig ko ngayon, ako naman ang tutulong sa kanila para maibsan ang hirap nila sa gawain.

Mag-aalaga rin ng kalabaw

Dalawang taon na ngayong guro si Ricky.

May pamilya na rin siya. Ang napangasawa niya ay isa ring guro. Madalas nilang napag-uusapan ang pagpapalago ng kabuhayang salig sa kalabaw na ginawan ng matibay na pundasyon ng kanyang ama.

“Hindi ako makatatapos ng pag-aaral kung walang gatasang kalabaw si Tatay,” ani Ricky.

Hindi lingid sa kanyang may-bahay ang pagbabagong nagawa sa estado ng buhay nilang mag-aanak ng gatasang kalabaw. Kaya naman, lubos din ang pagsang-ayon nito na sumuong din sa pagkakaroon ng gatasang kalabaw.

“Mag-aalaga rin kami ng gatasang kalabaw,” ani Ricky.

Natitiyak niya, malaki ang maitutulong ng gawaing ito para lalo pang maging maayos ang buhay ng sarili na rin niyang pamilya.

 

Author

0 Response