Ayon sa isang magsasakang-maggagatas,‘Sa gatasang kalabaw, walang imposible’

 

Noon, dama ni Florencio Madulid, 57, ng barangay Palestina, San Jose City, ang pangmamaliit sa kanya ng ilan sa kanilang lugar. Wala man lamang daw siyang anak na nakatuntong at nakatapos ng kolehiyo.

Marami kasi sa kanilang lugar ang nakapagpatapos ng mga anak sa iba’t ibang kurso. Kaya naman ang gayong kalagayan ang siyang karaniwang nagiging sukatan ng pagtatagumpay ng isang ama o ng isang pamilya sa buhay.

Sa kalooban ni Florencio, naging maalab iyong motibasyon  sa kanya upang pagsumikapang mapagtapos ang anak niya sa kolehiyo. Naging masigasig naman sa pag-aaral ang kanyang anak. Si Gretchen, ngayo’y 27 na, ay isa nang lisensiyadong guro. 

 “Naipagmamalaki ko na ngayon na may napagtapos na rin akong anak sa kolehiyo. Take one pa nang umeksamen sa board exam iyan,” ani Florencio.

Hindi niya itinatago ang katotohanang ang pag-aalaga niya ng gatasang kalabaw ang siyang naging daan para ang maalab niyang hangarin ay matamo.

Nagsimula sa isang gatasang kalabaw noong taong 2000, si Florencio ay mayrooon na ngayong 17 alagang hayop. Siya’y vice chairman ng Eastern Primary Multi-Purpose Cooperative (EPMPC), isa sa mga kooperatibang inaasistehan ng PCC.

Nakapagtapos lamang siya ng high school at sila ng asawang si Elizabeth ay may limang anak.

Hinangad niyang makapagtapos ang kanyang mga anak ng mas mataas na edukasyon. Pero palibhasa’y ramdam ng iba niyang mga anak na ang noo’y pagsisibuyasan nila ay hindi makasasapat sa mataas na gugulin sa pag-aaral, tatlo sa mga anak niya ay nagpasiya na ring huwag nang magpatuloy sa kolehiyo. Ang panganay ay nakatungtong ng  1st year college pero tumigil din sa pag-aaral at pinalad namang magkatrabaho sa Japan.

“Inisip noong iba kong anak na baka mahinto lang  daw sila ng pag-aaral dahil sa hirap ng buhay namin. Kaya’t kahit nang sabihan kong pagpupursigehan ko silang suportahan ay sila na ang nagpasyang magsitigil sa pag-aaral,” sabi ni Florencio.

Si Gretchen,  pangalawa sa bunso, ang tanging nagpamalas ng pagpupursige at dedikasyon na makatapos ng pag-aaral. Siya’y nakatapos ng kursong Bachelor of Science in Secondary Education, major in Technology and Livelihood Education (TLE) taong 2013 sa Central Luzon State University at isa na ngayong guro sa high school  sa isang pribadong paaralan sa San Jose.

Ayon kay Florencio, matalinong bata si Gretchen. Siya ay consistent honor student mula elementarya hanggang high school. Ang katangiang ito ni Gretchen ang isa sa nagtulak kay Florencio upang pagsikhayan na pagtapusin ang anak sa pag-aaral.

‘Di sapat na pinagkakakitaan

Sa pagsisibuyasan noon umaasa si Florencio ng mapagkukunan ng pampaaral sa mga anak. Kung maganda ang kita, aniya, nakatutuloy sa pag-aaral ang mga anak, pero kung wala ay napipilitan siyang paghintuin muna sila sa pag-aaral.

Bilang pantawid naman sa pang-araw -araw na pangangailangan ng pamilya, pakikipagtanim at pakikigapas ang sinuong niya.

“Bumabale ako agad ng pera sa magpapatanim o magpapagapas. Iyon ang ginagamit ko pambili sa mga pangangailangan sa bahay at sa kaunting baon ng mga anak ko sa eskwela,” paglalahad niya.

Mayroong mga pagkakataon pa, aniya, na hindi na niya nabibigyan ng baon ang mga anak dahil sa kakulangan sa pera. “Sabi ko na lang sa kanila, magtiis na lang sila. Ang mahalaga ay pumapasok sila kahit wala muna silang baon,” ani Florencio.

Ayon naman kay Gretchen, noong siya ay nasa high school pa lang, naranasan niyang magkaroon ng tampo sa ama niya dahil hindi niya mabili ang ilang mga pangangailangan sa pag-aaral.

“Madalas ako laging huli sa pagpasa ng mga projects kasi walang pera pambili si Tatay. Kailangan muna niyang gumawa ng paraan na gaya ng pagbale sa magpapatanim ,” pag-alala ni Gretchen.

Naisip rin niya ang mga panahong wala silang makain. Dumating pa, aniya, sa puntong kanin, tubig, at asin lang ang inuulam nila sa maghapon.

“Ayaw ko nang maranasan ulit ‘yon, kaya nagsumikap ako na makapagtapos ng pag-aaral,” determinadong sabi niya.

Pagsilay ng pag-asa

Taong 2000 nang mapagkalooban ng isang gatasang kalabaw si Florencio sa ilalim ng “20 cow module” ng PCC.

Hindi naman naglaon ay nagkaroon ng bunga ang kanyang pagsisikap sa pag-aalaga ng hayop. Nanganak ito at nagpasimula niyang gatasan.

Pero maliit lang ang panimula niyang kita.

“Kaunti lang ang gatas kong naipagbibili. Naging ugali ko pa nga na makiusap sa koop naminna pabalihin na ako agad pagka-deliver ko ng aning gatas dahil kailangan ko ng pambaon sa eskwela ng mga anak ko.  Naging valedictorian ako sa aming koop  sa pagbale,” naiiling na pagbabalik-tanaw ni Florencio.

Naitaguyod naman niya  sa pamamaraang ito ang pag-aaral ni Gretchen hanggang sa matapos nito ang first year college. Nguni’t nagkaroon ng problema sa kalusugan ang inaalagaan niyang kalabaw at natigil ito sa pagbibigay ng gatas. Bunga nito, nahinto si Gretchen sa pag-aaral at napilitang mamasukan  sa isang tindahan ng mga piyesa ng bisikleta sa loob ng tatlong taon. 

Gayunpaman, hindi nawalan ng pag-asa si Florencio na mairaraos pa rin niya ang pag-aaral ng anak.

Noong humusay ang kalagayan ng mga alaga niyang kalabaw at dumami ang nakukuha niya at naibebentang gatas, nagbalik sa pag-aaral si Gretchen, na naging working student din para madagdagan ang panggastos niya. Umaabot kasi sa mahigit Php13,000 ang matrikula niya sa isang taon.

“Sabi niya, magtulungan kami na pagtapusin siya. Sabi ko naman igagapang ko ‘yan. Naroroon pa rin kasi sa dibdib ko ang  pangmamaliit sa amin noong iba at hangarin kong mapagtapos sa kolehiyo ang anak ko,” sabi ni Florencio.

Alam din kasi ni  Florencio na mahalaga ang may mataas na pinag-aralan para sa pag-asenso sa buhay. Ito’y base na rin  sa kanyang naging karanasan.

“Kung babalewalain mo ang edukasyon e hindi ka aangat sa buhay. Hanggang doon ka lang sa lebel ng buhay na kinagisnan mo. Pero kung ikaw ay may mataas na edukasyon, mas mataas ang tyansa na makahanap ka ng magandang trabaho at umasenso,” paliwanag niya.

Sa pagsisikhay na rin niya, umabot sa lima ang ginagatasang kalabaw ni Florencio. Bunga nito, may panahong umabot sa Php37,000 ang nakukubra niyang napagbilhan ng gatas. Bukod sa natulungan niya si Gretchen sa pag-aaral ay nakapagpundar pa siya ng bagong tricycle  na gamit pan-deliver ng gatas at naipaayos ang kanilang terrace.“Noon na ako nakaalpas sa lagi nang problema ko noon na pampa-enroll ni Gretchen ko. Basta alam kong may manganganak akong kalabaw, kampante na ang loob ko. Sabi ko na lang sa kanya, pagbutihin niya ang pag-aaral niya,” salaysay niya. 

Nang tanggapin ni Gretchen ang kanyang diploma sa kanyang pagtatapos, anang mag-asawang Florencio at Elizabeth ay parang nakapag-martsa na rin sila. Gayunman, naisip din nilang kung nasuportahan lang sana ng husto noong una pa ang pangangailangan sa pag-aaral ng anak, maaaring nakapagtamo pa ito ng karangalang pang-akademiko dahil sa angking talino at katiyagaan.

Laking pasalamat naman ni Gretchen sa sakripisyo ng kanyang mga magulang.

“Nagpapasalamat ako unang-una sa Panginoon, dahil biniyayaan niya ako ng mga magulang na mababait at handang gawin ang  lahat para lang mapagtapos ako ng pag-aaral.  Salamat sa walang sawa nilang pagsuporta sa ’kin, pagmamahal, at pagpapalaki ng maayos at may takot sa Diyos para sa paghahanda ng aking magandang bukas,” wika ni Gretchen.

‘Posible nga ang imposible’

Tatlo sa ngayon ang ginagatasang kalabaw ni Florencio. Tatlo ang kasalukuyang buntis at malapit nang magsipanganak.

Anim sa kabuuang 17 alaga niyang kalabaw ang mga bulo.

Isa na si Florencio na may maayos na buhay sa kanilang pamayanan. Wala na ang paghihirap ng kanyang loob noon dahilan sa wala siyang anak na napagtatapos sa kolehiyo dahil nga sa matinding kahirapang dinaranas sa buhay.

Ngayon, isa si Florencio na may matatag na sandigan sa pagpapatotoo na malaki nga ang nagagawa sa buhay ng gatasang kalabaw.

“Naging posible ang imposible sa aking buhay dahil sa aking mga gatasang kalabaw. May napagtapos akong anak sa kolehiyo at masasabi ko na ring hindi na kami lugmok sa kahirapan,” buong pagmamalaking sabi ni Florencio.

 

Author

0 Response