South Cotabato: Isang ‘milagro’ ang ipinakikita ng Sto. Niño Dairy Farmers Association

 

Batay sa kinikita nito, ang bayan ng Sto. Niño sa South Cotabato, Mindanao, ay nasa third class ang klasipikasyon. Ang ibig sabihin, limitado ang kakayanan nitong bumulusok sa pag-unlad.

Nguni’t  ang bayang ito’y  may  katangiang natatangi  na nagpapaangat dito kumpara sa ibang bayan sa nasabing lalawigan. Ito’y ang programa ukol sa pagpapataas ng lahi ng mga katutubong kalabaw na nagsisilbing daan para lalong mas maging kapaki-pakinabang ang hayop na ito sa mga magsasaka, partikular sa produksiyon at tuluy-tuloy na pagdaloy ng sariwang gatas nito.

May layong 242 kilometro mula sa Davao City, ang Sto. Niño,  sa mahabang panahon, ay nakasandig sa produksiyon ng mais at palay. Sa nakalipas na nakaraang ilang taon, naipakilala ng Philippine Carabao Center sa University of Southern Mindanao (PCC@USM) na nakabase sa Kabacan, North Cotabato, ang programang carabao development.  Buong lugod na tinanggap ng mga magsasaka ang programa at iyon na ang naging daan para maging katangi-tangi ang Sto. Niño.

Bunga ng interes sa programa, itinatag ng mga magsasaka ang Sto. Niño Dairy Farmers Association (SANDAFA) sa barangay Poblacion.

“Ipinakilala namin ang programa ng PCC at hinayaan naming ang mga opisyales at mga magsasaka ang magkusang lumapit sa PCC@USM kung handa na silang tangkilikin ang programa. Sa kanila nanggaling ang effort na sumali sa programa at lubhang maganda naman ang kinalabasan,” paglalahad ni PCC@USM center director Benjamin John Basilio.

Pagsalba sa mga kalabaw

Ayon kay Jose Ricky Perida, na mas kilala sa tawag na “Ricky”, livestock inspector ng Sto. Niño at isa sa mga nag-organisa ng SANDAFA, nababahala siya noon sa dami ng mga crossbred na kalabaw na dinadala sa slaughterhouse para katayin. Bunga nito, lumapit siya sa PCC@USM upang humingi ng payo kung ano ang nararapat na gawin para mabawasan ang mga kinakatay na kalabaw sa kanilang bayan.

“Sinabi sa’kin ni center director Benjie na dapat daw ay mag-organisa kami ng grupo para sa mga nag-aalaga ng mga kalabaw sa lugar namin. Sa tulong ng aking tiyuhin na si Aquino Perida na isang village-based artificiaI insemination technician at ng PCC, nabuo ang organisasyon at naiparehistro ito,” sabi ni Ricky.

Ito’y naganap noong 2010. Ang pangunahing naging basehan para sa pagtanggap ng mga  miyembro ay ang pagkakaroon nila ng crossbred na kalabaw bilang kanilang build-up capital.

Aniya, sa umpisa ay mahirap makakumbinsi ng mga magiging miyembro ng asosasyon.  Pero sa kalaunan, nang nakita na nila na may pera sa gatas, ay sila na mismo ang lumalapit sa asosasyon para maging miyembro nito.  Sa kasalukuyan ay may 18 aktibong miyembro na ang asosasyon.

“Aktwal na pagtuturo ng paggagatas ang ginawa namin. Kasi, kahit sampung beses mong sabihin na may gatas na makukuha sa crossbred, pero wala namang pruweba, mahirap silang paniwalain,” sabi ni Ricky.

Noong una, aniya, ay isang basong gatas lang ang nakukuha nila sa isang crossbred. Pero nang dahil sa tuluy-tuloy na pagtulong at pagsuporta ng PCC@USM sa kanilang asosasyon at pagtuturo ng wastong paggagatas at pangangasiwa sa mga kalabaw, dagdag niya, ay  dumami ang gatas na naaani nila.

“Nakakukuha na sila ngayon ng ani na karaniwang tatlo hanggang apat na litrong gatas sa bawa’t crossbred sa isang araw,” ani Ricky.

Aniya pa, umabot sa 50 litrong gatas ang pinakamataas na nakolekta nila mula sa walong crossbred na ginagatasan sa isang araw. Naipagbibili nila ito sa halagang Php40 kada litro sa kanilang munisipyo na ginagamit naman sa pagproseso sa iba’t-ibang inuming gatas tulad ng chocomilk at lacto juice.

Pag-usad ng asosasyon

Ani Ricky,  para mas lalong mapahusay pa ang operasyon ng kanilang asosasyon, gumawa sila ng panukala para sa bottoms up budgeting (BuB) ng lokal na pamahalaan hinggil sa mga kinakailangan nilang kagamitan. Suportado rin sila ng munisipyo kaya’t napagkalooban naman sila ng isang forage hauler (na isang sasakyang Elf), soft ice cream machine, forage chopper at milking machine. Pinagkalooban din sila ng pondo para ipambili ng mga gatasang hayop. 

Dagdag niya, ginusto na rin nilang patunayan sa lokal na pamahalaan nila na hindi sila nakadepende lang sa suportang pinansiyal nito.  Dahil dito, pinagsisikapan nilang makapagtayo ng milking parlor at maayos na kulungan ng mga kalabaw sa tulong ng lahat ng mga miyembro ng kanilang asosasyon.

Sa kasalukuyan, mayroon nang 25 crossbreds na kalabaw ang SANDAFA. Ito’y napahiraman din ng 14 na Italian buffaloes ng PCC@USM. Walo sa mga Italian buffaloes ang nabuntis sa pamamagitan ng fixed-time AI (FTAI) na isinagawa ng PCC at inaasahang manganganak at magbibigay ng maraming gatas ang mga ito sa 2017.

Ayon kay Mary Joy Paman, carabao-based enterprise development coordinator ng PCC@USM, malaki ang naging kontribusyon ng SANDAFA para matamo ng center ang target nitong 3,000 litro ng gatas sa kanilang office performance commitment and review noong 2015. Aniya, sa bilang na ito, 2,017 (67%) litro ng gatas ang nai-ambag ng SANDAFA.

Sinabi naman ni center director  Basilio na nakahanda silang ibigay pa ang nararapat na tulong na makakaya ng kanyang tanggapan para sa lalo pang pag-unlad ng asosasyon. Ang mga ito’y tulad ng pagsasanay para sa mga miyembro, pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan para sa pagsasapamilihan  ng kanilang gatas at tulong na teknikal sa mga crossbred na kalabaw na pag-aari ng mga miyembro at mga ipinahiram na purong lahing gatasang kalabaw.

Dagdag na adhikain

Ayon naman kay Aquino Perida, kasalukuyang chairman ng SANDAFA na kasama rin ni Ricky na nag-organisa ng asosasyon, binibili niya ang sumosobrang gatas na hindi na nagkakasya sa freezer ng munisipyo.

“Kaysa naman masayang ‘yong gatas ay binibili ko na lang para iproseso sa iba’t-ibang produktong gatas. Maliban sa inuming gatas, hinahaluan din namin ng gatas ang mga cakes at pastries saka namin ibinebenta. ‘Yong isang anak ko ang namamahala sa negosyo namin. Talaga palang may pera sa gatas,” nasisiyahang pahayag niya.

(Basahin ang kaugnay na artikulo sa isyung ito ng Karbaw Magasin.)

Binanggit din ni chairman Aquino ang mga adhikain niya para sa mga miyembro at sa kanilang asosasyon. Nais niya na patuloy na umangat ang pamumuhay ng mga miyembro at maisama ang mga ito sa pagbisita sa national headquarters ng PCC na nakabase sa Science City of Muñoz, Nueva Ecija upang mas lumalim at lumawak pa ang kanilang pang-unawa sa magandang dulot ng gatasang kalabaw.

Ito rin, aniya pa, ang magsisilbing motibasyon sa kanila para mapagtanto ng mga miyembro na may hatid na  magandang bukas ang paggagatas.

“Kung hindi siguro ako nakapunta sa PCC main headquarters at hindi ko nasaksihan ‘yong kwento noong mga matatagumpay na magsasakang-maggagatas doon, baka siguro hindi ganoon kalawak ang pananaw ko sa mga pakinabang na hatid ng gatasang kalabaw. ‘Yon ang gusto kong maunawaan din ng ibang mga miyembro,” salaysay ni Chairman.

Aniya, nagagalak naman siya na kahit maliit pa lamang sila na grupo sa paggagatas ay sila na ang nagsisilbing ehemplo sa gawaing ito sa buong South Cotabato. Napansin din niya na marami nang mga magsasaka ang nahihikayat na sumali sa programa ng PCC dahil sa nakikitang benepisyong hatid ng gatasang kalabaw.

“Saan ka naman hahanap ng ganito kagandang gawain. Bigyan mo lang ng sapat at tamang  pagkain ang mga kalabaw mo, tiyak na sa kinaumagahan ay bibigyan ka naman nila ng pera sa pamamagitan ng maaaning gatas. Walang limit ang kita mo - basta may gatas araw-araw, may pera ka,” ani chairman Aquino.

Pasasalamat sa PCC

Batid ni chairman Aquino ang mga tulong at suportang ibinibigay ng PCC@USM para sa lalo pang ikahuhusay ng operasyon ng SANDAFA. Dahil dito, labis-labis ang kanyang pasasalamat sa ahensiya.

Tinatanaw din niyang malaking tulong ang pagpapakilala ni Jeffrey Rabanal, PCC@USM Science Research Specialist II at head ng artificial insemination team, sa kabutihang dulot ng upgrading program para sa pagkakaroon ng higit na mahusay na uri ng  gatasang kalabaw.  Mas maraming magsasaka ang mabebenepisyuhan nito, aniya.

“Kung may hihigit pang salita sa ‘salamat’ ay ‘yon ang aking bibigkasin dahil sobra-sobra talaga ang naging tulong nila sa’min,” sabi ni chairman Aquino.

Kanya pang mariing idinagdag:

“Talagang ramdam  namin ‘yong malasakit nila sa grupo namin at  pati ‘yong hangarin nilang ganap kaming magtagumpay. Lagi silang nakaalalay sa’min. Sa tuwing nagkakaproblema kami, talagang hindi nila kami pinababayaan.”

 

Author

0 Response