#Forever sa gatasang kalabaw

 

“Forever” kung tawagin ng mga kabataan ang relasyong kinakikitaang magtatagal panghabambuhay, kung saan mahirap anilang makamit ito sa kasalukuyang panahon. Ngunit, mayroong dalawang istorya ng magkabiyak na nananatiling matatag dahil sa pagtutulungan na magpamalas ng natatanging dedikasyon sa paggagatas ng kalabaw.

Patotoo ng “hashtag forever” ang mag-asawang Callo na nagsasabing kaya nilang lagpasan ang anumang hamon at balakid sa buhay hangga’t magkasama silang dalawa.

Si Zenaida K. Callo, 56, asawa ni chairman Leoncio Callo ng Catalanacan Multi-Purpose Cooperative sa barangay Catalanacan, Science City of Muñoz, Nueva Ecija, ay isang patunay na kahit anong suliranin ang dumating sa kanila ay hindi maglulubay ang suporta nila sa isa’t-isa.

Mahigit tatlong dekada nang kasal sina Zenaida at Leoncio at mayroon silang apat na anak; dalawa rito ay nakapagtapos na ng kolehiyo sa pamamagitan ng kita na nakukuha nila mula sa paggagatas. Ang mga gawain sa bukid at paggagatas ay hindi nila alintana sapagka’t natagpuan nila ang maaasahang katuwang sa isa’t-isa.

“Gumigising kami ng alas singko ng umaga para gatasan ‘yong mga kalabaw. Pagkatapos, pupunta na ‘yong asawa ko sa kooperatiba. Gagawin ko naman sa hapon ‘yong mga maiiwan na gawain katulad ng pagpapakain ng mga kalabaw, pagtitimbang ng gatas at iba pang mga gawain sa bahay. Habang nasa kooperatiba ang asawa ko, ako na ang gumagawa ng iba pang gawain sa bukid, ayos lang sa’kin dahil alam ko abala rin siyang ginagampanan ang mga tungkulin niya bilang chairman sa kooperatiba. Masaya lang talaga ako na makatulong sa kanya,” ani Zenaida.

Para kay Zenaida, hindi mahirap ang gawaing bukid basta ginagawa niya ito ng bukal sa puso at iniisip ang  kapakanan ng kanyang pamilya. Sa katunayan, ang pagtatrabaho, aniya, ay parang ehersisyo na lang sa kanya na kapag hindi niya ito ginagawa ay para siyang magkakasakit.

Sa kasalukuyan, ang mag-asawa ay mayroong 15 kalabaw, apat sa mga ito ang kanilang ginagatasan. Ayon kay Zenaida, hindi na bago sa kanya ang pag-aalaga ng kalabaw dahil naranasan na niyang mag-alaga ng kalabaw noong siya ay bata pa kasama ang kanyang ama. Ito rin ang dahilan kung bakit pamilyar na siya sa paggagatas.

Naranasan din ni Zenaida na magtrabaho sa isang garment factory bago niya pinakasalan si Leoncio. Nagkaroon din sila ng sibuyasan noon bago nila mapagdesisyunan na magtuon na lamang sa pag-aalaga ng kalabaw at pagggagatas. Ayon sa kanya, hindi nila pinagsisisihang magbakasali sa paggagatas dahil sa dami ng kita na kanilang tinatamasa ngayon.

May mga pagkakataon din, aniya, na nag-aaway silang mag-asawa dahil walang permanenteng trabaho si Leoncio noon na naging dahilan ng pagkakaroon nila ng maraming utang. Ngunit simula nang pumasok sila sa paggagatas ay hindi na nila naging problema pa ang pera.

Dahil sa kita sa paggagatas, napag-aral nila ang kanilang mga anak, napaayos ang kanilang bahay at kulungan ng mga hayop, at nakapagpundar ng sasakyan, traktora at lupa. Hindi lamang nila natutugunan ang kanilang pang araw-araw na gastusin kundi maging ang mga gastos na hindi inaasahan ay hindi na nila pinoproblema pa kung saan kukunin ang pambayad.

Maliban sa mga gawaing pambukid at paggagatas, si Zenaida rin ang bahala sa pagbabadyet at pamamahala ng talaan ng benta nila ng gatas.

Higit sa pagganap niya ng kanyang mga tungkulin sa bukid at paggagatas, sinabi ni Zenaida na ang kanyang pinakamalaking gampanin sa negosyong paggagatasan ay intindihin at unawain ang kanyang asawa sa pagiging abala nito sa iba pang mga responsibilidad.

Ayon sa kanya, nararamdaman naman niyang pinahahalagahan ng asawa ang kanyang naiaambag sa negosyo. “Dahil bihira na kaming lumabas na dalawa, mas nabibigyan ko ng halaga ‘yong oras na magkasama kami. Lagi ko siyang ipinagmamalaki at masaya ako sa mga nakakamit niya,” dagdag na sabi ni Zenaida.

Para naman kay Julieta Alfonso, ang kanyang asawang si Carlito ang siyang pumapawi sa kanyang mga pangamba habang ipinagpapatuloy ang gawaing nagpaangat sa antas ng kanilang pamumuhay.

Magsasakang-maggagatas na nakatanggap ng kabi-kabilang pagkilala ang asawa ni Julieta. Ang dating tagapangulong si Carlito ng Eastern Primary Multi-Purpose Cooperative (EPMPC) ay nahirang na “Outstanding Dairy Buffalo Farmer” ng Philippine Carabao Center (PCC) mula 2009-2012.

Nang tamaan ng sakit sa bato si Carlito, nauwi lahat kay Julieta ang gampaning naiwan ng kanyang asawa sa kanilang hanapbuhay at sa kooperatiba. Sa halip na mag-alinlangan ang dating simpleng maybahay, ang malaking responsibilidad na kailangan niyang tayuan ay itinuring niyang paraan na lubos na makapagpapasaya sa kanyang pamilya.

Nagsimulang magka-interes si Carlito sa pag-aalaga ng gatasang kalabaw noong 2007, taon ding sinabi ni Julieta sa kanyang sarili na hindi lamang pagsuporta ang ibibigay niya, kundi aaralin din niya ang mga gawaing nakapaloob sa ginustong hanapbuhay ng asawa upang makaagapay siya ng husto.

Sa pagpapatuloy ni Julieta, at dahil sa walang humpay ring suportang nagmumula sa PCC ay umabot na sa 56 na gatasang kalabaw ang inaalagaan ngayon ng pamilya Alfonso.

Bukod sa kaginhawaan at biyayang dulot ng pag-aalaga ng kalabaw, umani rin ng maganda ang mag-asawang Alfonso sa pagtatanim ng palay at sibuyas.

Si Carlito na binansagan ng kanyang asawa na mahigpit pagdating sa kung saan gagamitin ang pera ay katangiang pinakinabangan ng buong pamilya.

“Istrikto talaga ang asawa ko pero maiintindihan mo lagi ang dahilan niya. Heto nga kami ngayon, dahil sa pagpapahalaga niya sa mga pinaghirapan namin noon ay tinatamasa na namin ang magandang pamumuhay,” magiliw pang pagkukwento  ni Julieta.

Sadyang minahal ng pamilya Alfonso ang mga alagang gatasang kalabaw. Hindi nag-iisa sa pagtataguyod ng hanapbuhay si Julieta sapagka’t katuwang na niya ang mga nakatapos na anak.

Si Herson, panganay sa tatlong magkakapatid, ay aktibong miyembro ng EPMPC at isa sa may pinakamaraming aning gatas sa kooperatiba gaya ng kanyang ama.

Sa 56 na inaalagaang kalabaw, 17 ang nakukuhanan ni Herson ng gatas, na kada isa ay hindi bumababa sa anim na litro ang naipoprodyus bawat araw.

Nakagawian na ng pamilya ang paggising ng alas-kwarto ng umaga, o bago pa man pumutok ang araw ay nag-uumpisa na dapat silang maggatas ng mga kalabaw. Pagsapit ng alas sais ng umaga ay nakarating na sa EPMPC ang inaning gatas ng mga Alfonso.

“Sanay na ang katawan namin sa paggising ng maaga. Masigasig ang asawa ko noon at hindi pumapalya na bago mag-alas kwatro ay nasa kulungan na ng mga kalabaw,” saad ni Julieta habang inaalala ang pagsusumikap ng asawa.

Bukod sa paggagatas ng kalabaw ay kumikita rin ng malaki ang pamilya Alfonso sa pagba-”buy and sell” ng palay.

Para kay Julieta, ginagawa lamang niya ang lahat para sa kanyang pamilya, gaya sa kung paanong si Carlito ay nanindigan para maramdaman nila ang kasaganaan.

Sa likod ng tagumpay ng isang lalake ay isang babae—ito ay naglalarawan na mahalaga ang gampanin ng isang babae sa tagumpay na nakakamit ng isang lalake. Pinatunayan ito ni Julieta ngunit ngayon ay hindi lang siya sa likod ni Carlito kundi maaasahang kaagapay.

 

Author
Author

0 Response