Anang isang dating OFW, ‘Pagtatrabaho sa ibang bansa? Huwag na lang, mas malaki ang kita sa negosyong salig-sa-gatasang-kalabaw’

 

“Bakit kailangan ko pang magtrabaho sa ibang bansa at magpaalipin sa ibang tao kung dito lang sa bansa natin e pwedeng mabuhay nang maayos kasama ang pamilya at kumita nang hindi lamang sapat kundi may sobra pa?”

Ito ang buod ng salaysay ni Tessa Catherin Perida-Durias, 32, ng Sto. Niño, South Cotabato nang masumpungan niya ang mga pakinabang na hatid ng gatas ng kalabaw.

Panganay sa apat na magkakapatid, si Tessa ay nakapagtapos ng kursong Bachelor of Science in Agriculture at ngayo’y may dalawa nang anak. Hindi na siya, aniya, naghanap ng trabahong may kaugnayan sa kurso niya sapagka’t ang nasa isip na lamang niya noon ay mangibang-bansa para kumita ng malaki.

Anim na taon niyang binuno ang pagtatrabaho sa Qatar bilang isang domestic helper. Taong 2011 ng ipasya niyang umuwi dahil sa labis na pananabik na makita at muling makasama ang kanyang pamilya.

“Sa tuwing nakadarama ako ng kalungkutan, gustung-gusto ko nang umuwi. Pero malayo ang Qatar at magastos din naman kung magpapabalik-balik ako,” naiiyak niyang sambit.

Nguni’t dahil na rin sa hindi kataasan ang suweldong natatanggap niya, noon niya ipinasyang bumalik na sa bansa.

“Ang sakit na nga ng katawan ko sa katatrabaho tapos ang suweldo ko lang sa isang buwan ay Php8,000,” wika niya.

Sa dakong huli, maituturing ni Tessa na “blessing in disguise” ang desisyon niyang umuwi na ng bansa. Sa mismong kanilang lugar, nasumpungan niya ang malaking biyaya ng gatas ng kalabaw, kabilang na ang pagkakakitaan na ang hatid na ganansiya ay higit pa sa suweldo niya sa ibang bansa.

Pagsisimula

Sa salaysay ni Tessa, nang siya’y umuwi, nakita niya na maraming gatas ng kalabaw na naiuuwi ang kanyang amang si Aquino Perida na chairman ng Sto. Niño Dairy Farmers Association na inaasistehan ng Philippine Carabao Center sa University of Southern Mindanao (PCC@USM).

Napag-alaman niya na kung hindi na magkasya sa freezer ng munisipyo ng Sto. Niño ang mga naaaning gatas ng kanilang asosasyon ay binibili ito ng kanyang ama. At sa kanilang bahay, palibhasa’y may kaalaman ang kanyang inang si Evelyn sa paggawa ng cake, tinuruan siya at ang kanyang mga kapatid sa gawaing ito na ang pangunahing sangkap nga ay gatas ng kalabaw. Sa kalaunan, gumawa na rin sila ng ibang produkto na naging mabili naman. Ang lahat ng kanilang mga produkto ay made-to-order; ang ilan ay paboritong bilhin ng kanilang mga regular na parukyano.

“Nagpaseminar daw ang PCC@USM sa pangunguna ni center director Benjamin John Basilio at milk processing head Ludivina Estimo tungkol sa tamang pangangasiwa, paghawak at pagpoproseso ng gatas. Sa seminar na ito, natutunan ni Nanay ang paglikha ng iba’t ibang produktong gamit ang gatas ng kalabaw na kanya namang itinuro sa aming magkakapatid,” sabi ni Tessa.

Aniya, nasa 15 hanggang 20 litro ang gatas ng asosasyon na hindi makaya sa freezer ng kanilang munisipyo sa araw-araw at binibili itong lahat ng kanyang ama. Bukod sa cake, natutunan na rin nila ang produktong pasteurized milk na naipagbibili sa halagang Php50 kada isang litro, milk bar o ice candy na limang piso ang isa, made-to-order na chocomoist (Php150 kada piraso), brazo de mercedes (Php150), dirty ice cream na nakalagay sa aluminum container (Php1,000-Php1,200) at ice cream na nasa cup (Php15 bawa’t isa).

Sa pag-uwi nga niya sa bansa, lumahok na rin siya sa gawain ng kanyang pamilya.

“Naging kakaiba ang mga cake at pastries na nagagawa namin dahil nga purong gatas ng kalabaw ang ginagamit naming likido sa halip na tubig. Ang paggawa naman ng ibang produkto ay ibinase namin kung ano ang trending at patok sa mamimili,” paliwanag ni Tessa. 

Si Tessa ang  tagapamahala ngayon ng kanilang negosyo. Punong-abala siya sa pagbebenta, pagbabadyet ng kita, at paghahanap ng mga parukyano.

“Si Nanay kasi ay elementary grade teacher kaya hindi na rin niya maharap na tutukan ang negosyo namin at si Tatay naman ay abala naman sa pagiging chairman ng kanilang asosasyon at bilang isa ring village-based artificial insemination technician,” ani Tessa.

Ipinaliwanag din niya na ang kanyang dalawang kapatid ay may kani-kaniyang trabaho rin at ang pinakabata sa kanila ay nag-aaral naman.

“Kapag umuuwi sila sa bahay, tulung-tulong kami sa trabaho,” dagdag niya. “Kaya lang ay ako talaga ang pangkalahatang tagapamahala sa buong maghapon,” sabi pa niya.

Tapos, aniya, ng kursong hotel and restaurant management at accountancy ang dalawa niyang kapatid kung kaya’t tinuturuan siya ng mga ito sa tamang pagkukuwenta at pamamahala.

Kita mula sa mga produkto

Sa ngayon, marami nang regular na mga parukyano  ang mga produkto nina Tessa. Limang eskwelahan sa Sto. Niño ang dinadalhan nila sa araw-araw ng hindi bababa sa 100 pirasong milk bar. Sa isang linggo, nasa tig 20-kahon naman ng chocomoist at brazo de mercedes ang nagiging order sa kanila. Hindi rin sila nawawalan ng order ng dirty ice cream na nakasilid sa aluminum container.

“Gustung-gusto ng mga bata ang milk bar dahil sa taglay na linamnam ng gatas ng kalabaw kaya sa mga canteen ng eskwelahan mabili ito,” ani Tessa.

Nagkaroon pa ng pagkakataon, aniya, na umorder sa kanila ng 50 pirasong cakes na nagkakahalaga ng Php200 bawa’t isa ang mayor ng kanilang bayan para sa pagdiriwang ng kaarawan nito.

“Nang dahil sa negosyo sa gatas ng kalabaw, hindi ko na kailangang sumuong pa sa mahirap na trabaho na tulad ng sa ibang bansa. Dito lang sa bahay ay kumikita na ako,” ani Tessa.

Ayon pa sa kanya, sa isang buwan ay nakalilikom siya ng kabuuang kita na Php20,000 sa mga produkto mula sa gatas ng kalabaw. Buong pagmamalaki rin niyang sinabi na sila ang kauna-unahan at nag-iisang pamilya na nagbebenta ng ganitong mga produkto mula sa gatas ng kalabaw sa buong bayan ng Sto. Niño. 

“’Yong dati kong kita sa ibang bansa na Php8,000 ay naging doble pa. Kayang-kaya ko naman palang kitain dito ‘yon na hindi ko na kailangang tiisin ‘yong lungkot at hirap na malayo sa pamilya,” salaysay ni Tessa.

Pakinabang

Bukod sa malaking kita na hatid ng gatas ng kalabaw, pinakikinabangan din ni Tessa ang taglay na sustansiya nito para mapanatiling maayos ang kalusugan ng kanyang dalawang anak, isang lalaki na apat na taong gulang at babae na isang taong gulang.

“Gatas ng kalabaw talaga ang ipinaiinom ko sa mga anak ko. ‘Yon din ang iniinom ko noong panahong nagbubuntis ako. Hindi ako umiinom ng bitamina noon, talagang gatas lang ng kalabaw ang lagi kong iniinom at hindi naman ako nagkasakit. Kahit ‘yong mga anak ko,  ang sisigla nila,” patotoo ni Tessa.

Suportado naman, aniya, siya ng kanyang asawang si Arnold sa kanilang negosyong salig sa kalabaw kahit na wala ito sa piling nila ngayon dahilan sa nagsasanay ito sa Tarlac upang mapabilang sa Philippine Army.

Ani Tessa, hindi mamemenos ang kahalagahan ng gatas ng kalabaw sa pansariling kalusugan. At lalo na rin sa hatid nitong mga biyaya sa pagnenegosyo nito.

“Kailangan lang talaga na alamin ang mga dapat gawin sa pagnenegosyo sa gatas ng kalabaw. Hindi dapat na tumigil sa pagdedebelop ng mga produkto mula rito na maaaring pagkakitaan,” sabi ni Tessa.

Sa ngayon ay patuloy silang nagdedebelop ng iba’t-ibang organikong flavor ng kanilang mga produkto.

“Panghabambuhay nang negosyo ito ng aking pamilya. Hangga’t may gatasang kalabaw, hindi magmamaliw ang mga negosyong tulad ng sa amin,” ani Tessa.

Tinutulungan din nila, aniya, ang kanilang ama sa paghihikayat ng iba pang mga magsasaka na magkaroon na rin ng gatasang kalabaw at nang makinabang din sila sa programang ito ng PCC.

“Magtrabaho sa ibang bansa? Bakit pa? Mayroon namang malaking pagkakataon dito sa atin lalo pa nga’t naririyang dumarami pa ang gatasang kalabaw,” pagwawakas ni Tessa.

 

Author

0 Response