Isang ‘dakilang pagtutustos’, itinataguyod ng isang koop sa Pulong Buli

 

Kirot sa damdamin ang nadarama noon ni Primo Natividad, kasalakuyang tagapangulo ng Pulong Buli Multi-Purpose Cooperative (PBMPC) sa Sto. Domingo, Nueva Ecija, kapag nakakikita siya ng mga batang hindi nakapapasok sa paaralan dahil sa matinding kahirapan sa buhay ng kani-kanilang magulang.

Nang magsimula niyang pamunuan ang kanilang kooperatiba, ang solusyong naisip niya na sasagot sa problema ay isang programang pang-edukasyon na tutulong sa mga kasapi para matustusan ang kani-kanilang mga anak sa pag-aaral.

“Hindi ko nga maiwasang malungkot noon. Naisip ko, bakit kailangang sapitin ‘yon ng kanilang mga anak?,” anang 65-taong gulang na pinuno ng PBMPC. “Noon ko ipinanukala sa aking mga kapwa opisyales na ilunsad ang educational loan program sa aming koop,”dagdag niya.

Naging epektibo naman ang naging hakbang nilang ito sa kanilang kooperatiba, aniya. Batay sa datos ng PBMPC, hindi bumababa ng 15 mag-aaral kada taon ang natutulungan sa ilalim ng nasabing programa. Pinakamababang halaga ng matrikulang binabayaran ng kooperatiba ay nasa Php5,000 at pinakamalaki ang Php30,000, at nakakukuha pa ang bawat benepisyaryo ng Php700 bilang lingguhang panggastos sa eskwelahan.

“Sa puso ng isang magsasaka na kagaya ko, gusto rin niya na makapagpaaral ng anak,” sabi ni Ka Primo. Sa kasalukuyan, nasa 10 kalabaw ang inaalagaan ni Ka Primo, na siyang kilalang tawag sa kanya sa kanilang lugar.

“Ito ang matibay naming dahilan kung bakit hindi namin pababayaang  mamatay ang programa naming ito,”dagdag niya.

Sistema

Kaiba sa karamihan ng educational loan program, ang sa PBMPC ay walang palugit sa takdang panahon para mabayaran ang utang.

“Sabi ko sa mga kapwa ko may-katungkulan sa koop, huwag nating p’wersahin na magbayad ang mga nakapangutang sa ilalim ng programa,”ani Ka Primo. “Malaki naman kasi ang tiwala ko na marunong silang magbalik ng napakinabangan nila.”

Ang itinakda nilang interes sa utang ay isang porsiyento (1%) kada buwan.

“Kahit hindi  makabayad sa pagkakautang ang kasapi, tuloy pa rin ang pagsuporta ng koop sa pag-aaral ng anak niya,” paliwanag ni Ka Primo. “Ayaw namin silang mahinto sa pag-aaral,” pagpapatuloy niya.

Nahihinto lamang ang pagkakaloob ng pautang sa kasapi ng kooperatiba sa ilalim ng programang ito kapag hindi na ito aktibong miyembro.

May 70 aktibong miyembro sa ngayon ang PBMPC. Ang lahat ng may anak na pinag-aaral o mag-aaral pa lamang ay kuwalipikadong lumahok o  makapasok sa  pang-edukasyong programang ito ng samahan.

Ang pondo para sa educational loan ay kinukuha sa naipapasok sa kooperatiba na kita ng bawa’t miyembro sa kani-kanilang naipagbibiling gatas. Nagiging sapat naman ang pondo para sa nasabing programa dahil sa share capital contribution at capital build-up na binabayaran ng mga miyembro kada anihan naman ng palay.

“Sa share capital at capital build-up, ang kontribusyon ng mga kasapi ay Php3,400 kada ektarya sa isang taon,”paliwanag ni Ka Primo.

Inihayag ng tagapangulo na binabalak ng PBMPC ang pagbuo ng pinakaunang listahan ng mga iskolar, na kung saan ay sasagutin nang buo ang lahat ng gastusin sa pag-aaral ng mga mapipili.

Bagama’t hindi pa buo ang kuwalipikasyon, sinabi ni Ka Primo na pangunahin nilang susuriin ang pagkakaroon ng mataas na marka. Papangalanan ng kooperatiba ang mga mapapalad na iskolar sa 2017.

“Daragdagan pa namin ang aming pondo para sa  programang ito ng aming koop ukol  sa edukasyon. Halimbawa, ‘yong talagang mahihirap na pamilya bagama’t matatalino ang anak nila ay gagawin naming iskolar ng kooperatiba,” pahayag ni Ka Primo.

Aniya, nag-iisip pa sila ng mga hanapbuhay na maaaring pasukin ng kanilang kooperatiba para madagdagan pa ang kanilang pondo at higit na marami ang matulungan.

Biyaya

Wala nang ibang mahihiling pa si Ka Primo sa ginhawang naramdaman ng kanyang pamilya sa pagsali niya at pamumuno sa PBMPC.

“Ang mga anak ko ay natulungan ng aming educational loan program,” pagbabalita ni Ka Primo. “Nakatapos ng kursong BS Medical Technology ang panganay ko samantalang ang bunso ko naman ay nakatapos ng kursong edukasyon at ngayo’y isa nang guro,” sabi niya.

Dahil sa nakapagpatapos na ng mga anak, gawain na lamang ng mag-asawang Ka Primo ang pagtatrabaho sa bukid, pag-aalaga ng kalabaw, at pag-aasikaso ng mga dumudulog na miyembro sa opisina ng kooperatiba.

“Tapat lamang ng bahay namin ang koop, kaya madali nila akong mapuntahan at kausapin kung wala ako sa tanggapan ng koop,” ani Ka Primo.

Bukod sa inaalagaan nilang kalabaw, karagdagang kanilang inaalagaan at pinakikinabangan ang nabiling mga kambing na purebred at native, bibe at manok.

Nakatulong sa kanila, nang tumuntong sa kolehiyo ang kanilang mga anak, ang Landbank of the Philippines sa pagkakaroon ng dagdag na puhunan sa ilalim ng livelihood project grant. Ang kanila namang mga kalabaw ay mula sa isa na naipagkaloob ng PCC sa ilalim ng programa nito.

Ipinaliwanag ni Ka Primo na nakuha niya ang pamamaraan sa programa sa edukasyon ng kanilang kooperatiba sa Landbank  educational loan system.

“Mas pinagaan ko nga lamang. Wala nang kung anu-ano pang mga dokumento na hinihingi. Basta’t miyembro ng PBMPC, makakukuha siya ng tulong sa ilalim ng programa,” sabi ni Ka Primo.

Bukod sa nasabing programa, ang ibang mga miyembro naman ay naaasistehan din sa iba’t ibang klase ng loan:  crop production loan, provident fund loan, at emergency loan.

Sukli  sa tulong

Para kay Ka Primo, sapat nang sukli  sa nailunsad nilang programa na makitang may natapos na mataas na pinag-aralan ang kanilang natulungan at umasenso na sa buhay.

“Kasi, kapag nakatapos ng mataas na pag-aaral ang isang tao at nagkatrabaho na , may pagkakataong umasenso siya sa buhay,” ani Ka Primo.

Sa kanyang pamumuno, sinabi ni Ka Primo na matiyaga niyang pinakikinggan at nililimi ang mga problema ng mga kapwa niya  miyembro.

“Lagi kong ipinakikita ang katapatan sa pamumuno para tularan nila ako. Magsabi lang sila ng totoo at tutulungan ko sila,” pahayag niya.

Iyon lang naman daw ang pinakananais ni Ka Primo bilang pinuno ng koop, ang maging matapat ang kaniyang mga miyembro sa kanilang mga kani-kaniyang saloobin. Ayaw na ayaw niya, aniya, ang mga taong sinungaling.

Bilang isang lider, na talastas ang kahalagahan ng edukasyon sa buhay ng isang tao, hindi siya manghihinawa na isulong pa sa lalong mataas na antas ang nailunsad nilang programang ito.

“Ang paniniwala ko, nasa pagkuha ng mataas na edukasyon ang susi para makaahon sa kahirapan,” pagdidiin ni Ka Primo.

 

Author

0 Response