Sa Iloilo, Pamilyang pinagbuklod dahil sa pag-aalaga ng gatasang kalabaw

 

Tunay ngang malaki ang ganansiya sa pag-aalaga ng gatasang kalabaw para sa mga magsasaka dahil unang-una na ay napaaangat nito ang estado ng kanilang kita mula sa araw-araw na aning gatas.

Pinatunayan ito ni Henry Orbino, 55, ng Calinog, Iloilo.

Dagdag pa rito, may ibayo pang nagagawa ang pag-aalaga ng gatasang kalabaw, ayon sa kanya. Ganap, aniya, na napagbuklod nito ang kanyang pamilya at naging dahilan ng unti-unting  pagtamo ng mga pangarap ng kanyang mga anak.

Si Henry ay isa sa mga magsasakang-maggagatas na ginagabayan ng PCC sa West Visayas State University (PCC-WVSU).

Pamilya Orbino

Silang dalawa ng asawang si Chita, 50, ay biniyayaan ng apat na mga anak. Sila’y  sina Karen, 22; Kristina, 20; Benito, 18; at Brian, 16.

Tubong Sultan Kudarat si Henry nguni’t ipinasyang sa Iloilo manirahan upang sakahin ang  isang ektaryang lupa ng kanyang kapatid na si Rodilyn na pinili namang sa  Maynila na mamalagi at maghanap-buhay. Kaya’t sa halip na hayaang matiwangwang ang lupa ay ipinasya niyang siya ang magsaka nito.

Nang isagawa ni Henry ang paglipat sa Iloilo ay nagkahiwa-hiwalay silang mag-anak. Ito’y nangyari sa loob ng walong taon.

“Taong 1991, noong bagu-bago pa kaming mag-asawa sa pagbuo ng pamilya, ay nagtrabaho  ako bilang panadero sa isang bakeshop sa Isulan, Sultan Kudarat. Bookkeeper naman si Chita ko sa National Irrigation and Administration (NIA) sa nasabi ring lugar,” ani Henry.

Dahil sa pagpapaaral sa kanilang mga anak,  unti-unti nang lumaki ang kanilang gastusin hanggang sa hindi na nila ito halos kayang pasanin.  Noong 2007, ipinasya ni Chita na iwan ang kanyang trabaho sa Pilipinas at mamasukan sa ibang bansa bilang domestic helper.

“Ako naman noon ay paraket-raket lamang para magkaroon ng kita sa araw-araw na siya kong ipinandagdag sa panggastos ng aking pamilya,” sabi  pa ni Henry.

Kabilang sa kanyang “paraket-raket” na gawain ay bilang artificial insemination (AI) technician sa baboy,  manggagawa sa isang pabrika, at driver ng sasakyan.

Noon niya ipinasyang kusang ipadpad ang sarili sa Calinog, Iloilo. Iniwan niya ang mga anak

sa kanilang bahay sa Isulan, Sultan Kudarat at naging isa siyang magsasaka sa Iloilo.

Tulong ng kalabaw

Nagsimulang pumalaot si Henry sa pag-aalaga ng gatasang kalabaw noong 2014.

Sa pamamatnubay ng PCC sa WVSU, tatlo ang kanyang naging gatasang kalabaw na nag-aakyat sa kanya ng halagang naglalaro sa Php1,000 isang araw.

“Kumpara noon na kumikita lang ako ng Php100 hanggang Php200 mula sa aking mga raket, talagang napakalaking halaga nito,” ani Henry. “Noon ko napatunayan na talagang totoo pala  ang sinasabi ng PCC na ‘sa dairy, ang kita ay daily’, ” masayang dagdag niyang sabi.

Dahilan sa lumaking kita, ganap niyang natustusan partikular ang pangailangang pinansiyal ng kanyang mga anak sa mga gastusin sa eskwelahan.

 Bilang patotoo rito, sinabi ng anak niyang si Karen:

“Buti na lang mayroong gatasang-kalabaw dahil kung wala ang mga iyon bitin na bitin talaga ‘yong pambayad ko sa matrikula at iba pang karagdagang gastusin sa aking pag-aaral.”

Si Karen ay nakatapos  sa kanyang  kursong Bachelor of

Science in Entrepreneurship sa WVSU noong 2015.

Si Kristina naman na nakatapos ng may karangalang cum laude sa kursong Bachelor of Science in Elementary Education sa WVSU ngayong taong ito ay nagpahayag ng ganito:

“Malaking tulong talaga ang gatasang kalabaw sa mga magsasaka. Dahil sa kanila, nagawa kong makapagbayad ng obligasyon sa pamantasan ng on-time. Naging mas madali rin ang pang-araw-araw na buhay ng aming pamilya dahil ganap ding natugunan ang mga kailangang mga gastos.”

“Nakapag-iimbak pa kami ng kailangan naming pagkain sa isang linggo,” dagdag pa niya.

Dalawa pa sa mga anak ni Henry, sina Benito, na kasalukuyang nasa unang taon sa kursong Bachelor of Science in Information Technology sa WVSU, at  Brian, kasalukuyang Grade 11.

Anim na ngayon ang kalabaw ni Henry. Tatlo sa mga ito ay kasalukuyan niyang ginagatasan, ang dalawa ay bulo at isa naman ay isang  junior bull. Labinlimang litro ang inaani niya sa mga ginagatasang alaga na ibinebenta niya  sa PCC sa WVSU sa halagang Php70 kada litro.

Kung tutuusin,  Php1,050 kada araw ang kanyang naibubulsa.

Pagkakabuklod ng pamilya

Ang mahalaga pa, ani Henry, sama-sama na silang mag-anak ngayon.

 “Dahil nga malaki-laki na ang kita ko, pinauwi ko na ang misis ko mula sa pagtatrabaho sa abroad,” ani Henry.

Walong taon ding namalagi sa ibang bansa ang kanyang misis sa pagtatrabaho.

Sina Karen at Kristina, di nga kasi, ay lubha ring nasiyahan sa naging takbo ng kanilang buhay mula nang sumuong sa pag-aalaga ng mga gatasang kalabaw ang kanilang ama.

“Bukod sa kami’y maluwalhating nakatapos ng pag-aaral sa pamantasan, ang pangarap naming magkasama-sama bilang isang pamilya ay natupad na rin.”

 “Salamat … maraming salamat sa mga gatasang kalabaw. Nangyari na ang mga pangarap namin sa buhay,” halos sabayang sabi nina Karen at Kristina.

Hindi man sabihin, mababasa naman sa lumulutang niyang damdamin ang mga salitang “abut-abot sa langit ang aking pasasalamat”.

 

Author

0 Response