Lumalaking pag-asa sa pagkakalabawan sa Mindanao

 

Sadyang malaki ang naiaambag ng Mindanao sa agrikultura ng bansa. Ito’y dahil sa mataba ang lupa nito at ang karamihan ng mga taong naninirahan doo’y nakasangkot sa pagsasaka.

Sa pagbubungkal ng lupang tatamnan, ang karaniwang katuwang ng mga magsasaka ay kalabaw.

Bukod dito, pinakikinabangan din ng maraming tao ang kalabaw sa karne nito na tinatawag na carabeef. Mayroon  din namang nakikinabang sa  gatas na nagmumula sa mga gatasang kalabaw.

Ngunit kaiba ang sitwasyon ng Mindanao kumpara sa iba pang lugar sa Pilipinas kung ang kapakanan ng kalabaw ang pag-uusapan.

“Maraming kaso ng nakawan ng kalabaw dito,” ani  Dir. Benjamin John Basilio, director ng PCC sa University of Southern Mindanao (PCC@USM).

Pero buong-buo ang paniniwala ng director na aangat din ang industriya ng pagkakalabawan sa maraming lugar sa Mindanao.

“Kailangan naming ipagpatuloy ang mga ginagawa namin upang lalong mapahusay at mapaunlad ang industriya ng pagkakalabawan dito,” sabi niya.

Sa isinagawang Value Chain Analysis (VCA) na pinangunahan ni Dr. Flordeliza Lantican, isang Agricultural Economist at Professor sa College of Economics and Management sa University of the Philippines-Los Baños, Laguna, nakita na patok ang carabeef sa Mindanao. Nakita rin sa pag-aaral na sa mga lugar na bulubundukin, tulad ng sa Bukidnon, laganap pa rin ang paggamit ng kalabaw bilang pang-araro sa lupang ginagamit sa mga pagtatanim.

Nakita rin ng mga nagsagawa ng pag-aaral ang malalaking oportunidad kaakibat ng mga hamon sa pagkakalabawan at nagbigay sila ng mungkahi kung paano mapahuhusay pa ang pagkakalabawan sa pakikipagtulungan ng mga stakeholders sa isa’t isa.

Napansin din nila na sagana ang Mindanao sa dayami, mga pakaing mula sa mga pinag-anihan mais at tubo, at iba pang halaman kaya hindi suliranin ang ipapakain sa mga inaalagaang kalabaw.

Mayroon ding mga maluluwang na lugar na sineserbisyuhan ng PCC sa Central Mindanao University na kung saan maaaring pahusayin ang mga itinatanim na pakain ng kalabaw upang ang mga binhi nito ay maparami at maibigay sa mga magkakalabaw.

Pagpaparami ng kalabaw

Ipinapayo  ng mga nagsagawa ng pag-aaral sa mga magkakalabaw na gustong paramihin ang kanilang alaga na magsanay sa PCC para sa basic pregnancy diagnosis (PD) at artificial insemination (AI) para sa kalabaw. Kasama na rin sa pagsasanay ang ukol sa kalusugan at ovarian palpation ng mga babaeng kalabaw.

Nagbibigay din ng orientation-seminar ang PCC@CMU tungkol sa Carabao Upgrading Program (CUP) upang malaman at maunawaan ito ng publiko.

Para naman sa mga village-based artificial insemination technician (VBAIT) na kasangga ng mga magsasaka sa pagpaparami ng alaga nilang kalabaw, laging ipinababatid  ng PCC na may kapasidad ito na magkaloob ng gantimpala kung  malalampasan nila ang itinakdang dami ng matatagumpay na serbisyong AI sa mga alagang kalabaw ng mga magsasaka.  Ang gantimpala ay isang insentibo para lalong  magsumigasig sila sa kanilang gawain at maparami pa ang mga gatasang kalabaw.

Sa mga magsasakang namomroblema dahil sa mahirap magbuntis ang kanilang kalabaw, ayon sa mga kinauukulan ay maaaring mapataas ang conception rate ng kalabaw kung palaging sinusuri ang kalidad ng semilya na ginagamit sa pag-AI. May mga training module din sa tamang pangangalaga at pamamahala ng kalabaw ang PCC@CMU ukol sa bagay na ito.

Kung ang problema ay mababa sa target performance ang naibibigay ng mga bulugang hiniram ng mga magsasaka, nakita na ang mga imported na purebred na kalabaw ay nasasanay na sa klima ng Mindanao at ito ay makatutulong upang maging maganda ang performance ng mga ito.

May training module din ang PCC sa tamang pag-aasikaso, pamamahala at pag-aalaga ng bulugan upang mas mapabuti ang performance ng mga ito.

Ukol naman sa pag-aalaga ng upgraded na kalabaw para gawing  carabeef, isinaad ng mga kinauukulan na  lubhang malaki ang pamilihan para dito. Dagdag pa rito, isinasaad na mataas ang presyo ng upgraded kumpara sa native na kalabaw.

Sa pag-aaral, dahil mas marami ang demand para sa upgraded na kalabaw para sa carabeef nito, mataas ang presyo nito lalo na sa Bukidnon.

Gatas at mga produktong gawa dito

Ayon sa grupo ni Lantican, maraming bata sa Mindanao ang kulang sa nutrisyon. Malaking bahagi ang maiaambag ng pag-aalaga ng kalabaw dahil ang karne at gatas nito ay mas masustansiya pa sa gatas  at karne ng baka.

Makatutulong pa ang mga magsasakang nag-aalaga ng kalabaw dahil may mga programa ang gobyerno na tumutulong sa mga batang nangangailangan ng karagdagang nutrisyon sa pamamagitan ng milk feeding programs.

Nakita sa pag-aaral na malaki ang maiaambag ng local government unit sa industriya ng paggagatasan at pagpoproseso ng gatas para sa iba’t ibang produkto. Kabilang sa magagawa ng mga LGU ay pagpapadali sa transportasyon ng gatas at mga produktong gawa dito, transportasyon mismo ng kalabaw at gayundin sa transportasyon ng pakain sa pamamagitan ng pag-aayos ng farm-to-market road.

 “Magsisilbing gabay ang pag-aaral na ito upang malaman natin ang mga pangangailangan ng bawa’t lugar lalo na sa Mindanao,” sabi ni Dr. Arnel del Barrio, acting executive director ng PCC.

Idinagdag niya na ipagpapatuloy ng mga sentrong-tanggapan ng PCC sa Mindanao ang lalong pagpapaigting  sa pagpaparami ng mga crossbred para sa produksyon ng gatas at karne ng kalabaw. Makatutulong din nang malaki, aniya, ang mga hayop na ito sa mga gawain sa bukid lalo na sa mga lugar na hindi gumagamit ng makina.

 

Author

0 Response