Sa langit ng sariling negosyo

 

Sa panahon ngayon, marami pa ring kabataang nakapagtapos ng pag-aaral ang mas pinipili ang mamasukan sa trabaho. Lubhang malayo sa kanilang isip ang makipagsapalaran sa pagkakaroon ng sariling negosyo.

Ito ay dahil sa kapag namamasukan sila sa trabaho ay sigurado ang kita nila kada buwan. Ang kaseguruhang ito ay  hindi maipapangako ng sariling negosyo bukod pa sa walang katiyakan kung magtutuluy-tuloy ito sa mahabang panahon.

Pero para sa dalawang kabataan na may kanya-kanyang larangan ng negosyo, sina Ms. Erika Ng Wong, 27, at Ms. Raquel Fausto, 30, mas maganda ang pagnenegosyo kaysa sa pamamasukan sa opisina.

“Bakit hindi?” magkahiwalay nilang pahayag. “Sa sariling pagnenegosyo ay maraming mga benepisyo na makukuha,” dagdag nila.

Tinukoy nilang mga benepisyo ang sumusunod:

•     hindi lamang sarili ang natutulungan kundi ang ibang tao (halimbawa: pagbili ng gatas mula sa magsasakang-maggagatas para masuportahan ang negosyo ng mga ito);

•     pagsunod sa sariling hilig na tulad ng product innovation o paglikha ng mga produktong may twist o kakaiba;

•     nagagawang i-aplay sa negosyo ang napag-aralan sa tinapos na kurso;

•     at higit sa lahat, nakatutulong ang negosyo sa bansa, partikular sa industriya ng paggagatasan.

Masaya sila sa napili at inilunsad nilang negosyo. Sabihin pa nga, kumikita sila para ganap na maipagpatuloy ang pagpapaunlad pa ng napili nilang gawain.

Kung ano ang kanilang negosyo? Ito ay paggawa at pagbebenta ng masarap at kakaibang ice cream na may brand name na “Karabella” at “Kelato Gelato”- dalawang pangalan na pumapatok sa masa at lumalaking hukbo ng mga nagkakagusto mula sa iba’t ibang antas ng lipunan na pinag-uugnay ng mga social networking sites tulad ng facebook, twitter, at blog.

Karabella  

Sa terminong “caraballa”, na ang ibig sabihin ay babaing kalabaw, nanggaling ang pangalan ng Karabella. Isa rin ito sa sa mga social enterprises ngayon na ka-partner ang Gawad Kalinga Enchanted Farm (GKEF) na matatagpuan sa Angat, Bulacan.

Pangunahing dahilan sa pagtatayo ng negosyong ito ang tumulong na mapaunlad ang buhay ng mga magsasakang-maggagatas bago ang kita, paunlarin ang dairy industry sa Pilipinas, at bigyan ng daan ang lahat ng mamimili na makabili ng produktong mula sa gatas ng kalabaw na maituturing na world class, ayon kay Erika, isa sa mga kabataang piniling iwanan noon ang magandang trabaho sa multi-national company para lamang magnegosyo sa kasalukuyan.

Si Erika, nakapagtapos ng kursong Bachelor of Science in Commerce, Major in Business Management with specialization in Applied Corporate Management, sa De La Salle University noong 2011, ang siya ring nasa likod ng konsepto ng Karabella kasama ang kanyang mga ka-grupo na sina Timms Choy, Fabien Courteille at Kimberly Camu.

Nitong Enero 2016 lamang nagsimulang itatag ang Karabella nguni’t makikitang patuloy itong tumitibay at lumalago dahil sa sipag at tiyaga na rin ng mga tao sa likod nito.

Sa katunayan, anim na “proudly Filipino flavors” na ang nadebelop at ibinebenta nito. Ang mga ito ay ang salted-egg caramel, tablea chocolate, turon at langka, peanut butter, ube halaya, at leche flan na may kalamansi. Pangunahing sangkap nito ang 100% gatas ng kalabaw,  dahil sa “mataas ang butter fat content nito na magandang gamitin sa paggawa ng ice cream”, egg yolk at asukal.

Binibili ni Erika sa halagang Php75 kada litro ang gatas ng kalabaw mula sa tatlong farmer-partners,  na tinatawag niyang sina Tito Ed, Tito Pole at Tito Dennis. Silang  lahat ay naninirahan sa Bulacan hindi kalayuan sa GKEF.

“Katulong din namin si Adrianne Tan (isang chef mula sa Maynila) sa pagdedebelop ng mga produkto namin,” masayang sabi pa niya. “At sa lahat ng flavors namin, ‘yong salted-egg caramel ang pinakamabili dahil sa masarap at kakaiba nitong lasa,” dagdag niya.

Mabibili sa halagang Php80 (3.5 ounce/grams), Php290 (pint size/450ml), at Php290 (half gallon container/2L) ang masarap na ice cream ng Karabella. Bukod pa rito, ikinokonsidera ring artisanal ang ice cream nila dahil sa tradisyunal at manu-manong pamamaraan ito ginagawa.

Maliban sa ice cream, nagbebenta din ang Karabella ng liquid milk products na katulad ng fresh milk, choco milk at peanut butter milk. Mabibili ang mga ito sa halagang Php90 kada 220ml na nakalagay sa sisidlang bote.

Kahit na bago pa lamang ang Karabella sa negosyo, mayroon na agad itong dalawang regular na malalaking kliyente na pinagdadalhan nito ng produkto. Ang mga ito ay ang The Parenting Emporium,  na matatagpuan sa New Manila, Quezon City at ang The Lollicake Factory, na matatagpuan naman sa Pasig, Metro Manila.

“Kada Martes o kaya’y Miyerkules ako nagdadala ng 20 glass bottles ng gatas at 50 cups order ng ice cream sa The Parenting Emporium samantalang 15 cups ng ice cream naman ‘yong idinideliver ko sa The Lollicake Factory kada linggo,” masayang sabi ni Erika.

Maliban pa rito, bukas din ang Karabella para sa  booking ng makulay at nakatutuwa nilang ice cream cart para sa mga kasiyahan (events and parties), restaurants at cafés, ayon sa kanya. Ang bayad para rito ay ang mga sumusunod:

•     100 scoops = Php10,500

•     150 scoops = Php13,500

•     200 scoops = Php16,500

•     250 scoops = Php19,500

•     300 scoops = Php22,500

•     350 scoops = Php25,500

•     400 scoops = Php28,500

•     450 scoops = Php31,500

•     500 scoops = Php34,500

Sa kasalukuyan, umaabot na sa 60 litro ng ice cream ang naipoproseso at ibinibenta ng Karabella mula sa 30 litrong gatas ng kalabaw at mga sangkap na binibili nito kada linggo para sa kanilang mga mamimili. Nasa halagang Php50,000 hanggang Php60,000 naman, samantala, ang gross income nito kada buwan na ayon kay Erika ay inaasahan pa nilang tataas simula sa darating na Disyembre.

Kelato Gelato

Kung ice cream din lang ang pag-uusapan, siguradong kakaiba, o produktong may twist, ang ibinibentang ice cream ng Kelato Gelato.

Galing ang pangalan nitong “kelato” sa nickname ni Raquel na “Kel” samantalang “gelato” naman ang tawag sa soft rich ice cream na ipinoproseso na may kaunti o walang kasamang hangin.

Si Raquel ang solong bumuo ng konsepto ng Kelato Gelato mula sa pagdedebelop ng sangkap o product formulations ng ice cream na ibinebenta nito hanggang sa pagsasapamilihan nito at pagpapakilala sa mga tao.

Maituturing din siya ngayon na isa sa mga kabataang mas pinipili ang pagsisigasig sa pagnenegosyo kaysa sa pagtatrabaho katulad ng kanyang ama na si Danilo V. Fausto, may-ari ng kumpanyang DVF Gatas ng Kalabaw, na piniling iwanan noon ang pagtatrabaho para mag-full-time sa negosyo.

(Ang “DVF Gatas ng Kalabaw” ay isa sa mga kumpanyang tumutulong na paunlarin ang industriya ng paggagatasan sa pamamagitan ng pagtulong at pagsuporta sa mga magsasakang-maggagatas. Ito ay matatagpuan sa Talavera, Nueva Ecija.)

Kursong advertising arts sa University of Sto. Tomas sa Manila ang tinapos ni Raquel noong taong 2009. Taong 2013 naman nang sinimulan niyang  itayo ang sariling negosyo.

Naiiba sa ordinaryong ice cream ang Kelato Gelato.  Tatlo ang flavor lines nito, na nagbabandera ng kakaibang pangalan: sober line (non-alcoholic) na may mga flavors na Hazelnut, “Wag ka Machokulet”,  “Alam Vanilla” at “Nougat No Glory”. Mabibili ang mga ito sa halagang Php120/shot at Php430/tub. Ito ay para sa mga mamimili na hilig pa rin ang pagkain ng classical flavors ng ice cream.

Pangalawa naman ang alcoholic line na may flavors na “White Russian”, “Tikman Mojito” at “Piña Colada”. Mabibili ang mga ito sa halagang Php180/shot at Php480/tub. Ito ay para sa mga mamimili na gustong malasing sa pagkain ng ice cream.

Ang pinakahuli naman ay ang no sugar added line na may flavors na “Pistachio of Liberty” at “Son of a Peach” na mabibili sa halagang Php150/shot at Php450/tub. Ito ay para sa mga mamimili na nais makatikim ng ice cream na hindi matamis.

“Pinakamabili sa mga ito ang hazelnut at white Russian, ayon kay Raquel. “Best-seller ang hazelnut dahil lasa raw itong Nutella at gayundin naman ang white Russian dahil lasa raw itong kape na nakalalasing,” dagdag niya.

Bawa’t produkto niya ay may pangunahing sangkap na gatas ng kalabaw at ipinoproseso sa enclosed condition environment gamit ang ice cream machine maker para masigurong masarap at de-kalidad ang pagkakagawa. Ang ibang sangkap naman nito ay binibili ni Raquel sa supermarket at sa mga lokal at Italian suppliers niya.

Sa kasalukuyan ay nakapagpoproseso siya ng 12-24 litro ng gatas kada buwan sa paggawa ng ice cream.

Maliban sa pagbebenta nito sa DVF Gatas ng Kalabaw at sa weekend bazaars, nakabukas sa booking ang Kelato Gelato para sa mga kasiyahan (events at parties) sakali’t naisin ninuman na bumili at matikman ang masarap at kakaibang ice cream niya.

Di maikakailang maunlad na rin ang negosyo ni Raquel. Bunsod ito ng pagsisipag, pagtitiyaga, disiplina at pagiging malikhain niya sa gawain.

Si Erika at Raquel … dalawa silang kabataang nagpapatunay na ang pagkakaroon ng naiibang layunin, lakas ng loob, sipag, tiyaga, at determinasyon sa negosyo ang daan upang unti-unting umunlad at magkaroon ng malaking kita.

Author

0 Response