May agos ng buhay sa industriya ng pagkakalabawan

 

Bunsod ng kahirapan sa buhay, hindi man nila kagustuhan ay minabuti nina Jonel Villalobos at Geline Cruzada na huminto na lamang sa pag-aaral. Gayunman, sa kabila ng kanilang desisyon, matibay pa rin ang kanilang paniniwala na makahahanap sila ng maayos na trabaho at kikita rin sila ng ikabubuhay.

Nguni’t sa ubod ng kanilang isip ay lumulutang ang kaukulang tanong: “Sa anong gawain kaya kami makapapasok ng trabaho?”

Hindi naman naging maramot ang kasagutan sa kanilang tanong.

Sa industriya ng pagkakalabawan at paggagatasan, bagama’t sila’y mga high school graduates lamang, ay nasumpungan nina Jonel at Geline ang kanilang hinahanap na kasagutan sa kanilang tanong.

 Naging daan ang pagiging miyembro ng  kani-kanilang mga magulang sa General Trias Dairy Raisers Multi-Purpose Cooperative (GTDRMPC), isang kooperatibang inaasistehan ng Philippine Carabao Center sa University of the Philippines-Los Baños (PCC sa UPLB), para malaman nilang may mga bakanteng posisyon sa GTDRMPC. Sila’y umaplay at mapalad namang natanggap - si Jonel bilang driver at milk collector, na kinalaunan ay naging isa siyang processor, at  si Geline bilang isang quality assurance officer.

Si Jonel

Bago napasok sa kooperatiba, nasubukan na ni Jonel, ngayo’y 26 na, na mamasukan sa iba’t ibang trabaho, na tulad ng pag-aalaga ng baboy at pagtatrabaho sa isang pabrika ng elektronika.

“Naging mahirap para sa akin ang pagtatrabaho doon. Buti na lang may hiring sa kooperatiba noon,” ani Jonel.

Nasa edad 19 siya nang siya’y mapasok bilang driver/milk collector ng kooperatiba.

Tuwing ika-anim ng umaga ay nag-uumpisa na siyang mangolekta ng gatas kasama ang isa pang taga-kolekta. Umaabot ng 150 litro ng gatas ang nakokolekta nila araw-araw mula sa mahigit 20 miyembro ng kooperatiba.

Ang sweldo niya sa isang araw ay Php332 at karagdagang Php50 na allowance para sa pamasahe. Tuwing Biyernes ay tinatanggap niya ang kanyang sahod.

Pagkaraan ng apat na taon, nagbitiw sa tungkulin ang dating taga-proseso ng gatas at si Jonel ang mapalad na napiling pumalit sa posisyon.

“Mas okay sa ’kin na maging taga-proseso kasi para sa’kin mas madali ‘yon at ganoon din naman kalaki ang suweldo,” ani Jonel.

Bilang taga-proseso, kapag naidala na sa planta ang nakolektang gatas, si Jonel ang nagsasala nito at nagsasalin sa pasteurizing machine. Pagkaluto ay isasalin niyang muli ito sa ibang sisidlan at saka ilalagay sa palamigan.

Ang ipinoproseso niya araw-araw simula alas diyes ng umaga ay 50 litrong gatas ng kalabaw para sa fresh milk, 25 litro para sa choco milk, at 10 litro para sa ice candy. Siya rin ang nag-ooperate ng makina para sa paggawa ng ice cream.

Nais ni Jonel na mapalawig pa ang kaalaman niya sa pagpoproseso ng iba pang mga produktong mula sa gatas. Kaya’t nagsisikap siyang mapag-aralan ang mga ito.

Para sa kanya, masasabi na ring malaki ang naging tulong ng kanyang trabaho dahil sa sumasapat naman ang kita niya sa araw-araw para sa kanyang asawa at isang anak.

“Kahit hindi ako nakatapos ng pag-aaral, malaking pasasalamat ko na sa gawaing ito ako nakapasok,” ani Jonel.

Sa kooperatiba, na kung saan siya nagtatrabaho, ay may karagdagang mga benepisyo pa silang natatanggap tulad ng dibidendo, salary loan, at  pagkakasapi sa SSS, PhilHealth, at Pag-IBIG, aniya.

“Nakauutang din kami dito sa kooperatiba at ang pagbabayad ay kinakaltas na lang sa sahod,” aniya.

Sa apat na taon niyang pagiging miyembro ng GTDRMPC, aniya, hindi bumababa sa Php2,000 ang nakukuha niyang dibidendo kada taon. May isang panahon, aniya, na umabot pa sa Php10,000 ing tinanggap niyang dibidendo.

Dahil nga sa mga benepisyong natatanggap ay nakapagpundar na ng mga sasakyan si Jonel tulad ng motorsiklo at owner-type jeep.

Sa kasalukuyan, may 17 kalabaw na inaalagaan ang kanyang pamilya. Apat sa mga ito ang ginagatasan at nakakokolekta sila ng kabuuang 30 litro ng gatas araw-araw.

“Nakikita ko ang sarili ko na magtatagal sa ganitong gawain. Hangga’t kaya ko, hindi ako aalis dito,” nakangiting sambit ni Jonel.

Si Geline

Si Geline Cruzada, 26, ay isang solo parent o solong nag-aaruga sa kanyang apat na taong gulang na anak na lalake.

Dahil sa kakulangang pinansyal ay hanggang sekondarya lamang siya napagtapos noon ng kanyang mga magulang sa pag-aaral. Nguni’t hindi naman ito naging hadlang upang hangarin niya na magkaroon ng maayos na pamumuhay.

Noon ay nakaupo bilang isa sa mga miyembro ng board of directors ng GTDRMPC ang kanyang ama na si Lauro Herrera. Ito’y nagbukas ng pagkakataon sa kanya na mapasok bilang isa sa mga tagahalo ng pastillas ng koop noong 2009.

Sa kanyang pagtatrabaho, na tinaglay niya ang magkahalong dedikasyon at pagiging bukas sa kaalaman, nahirang siya bilang quality assurance officer (QAO) pagkaraan ng isang taon. Sa kanyang gawain, bukod sa teknikal na pagsasanay na kanyang nakuha mula sa PCC sa UPLB ay dinagdagan pa niya ang kanyang kaalaman mula sa mga payo na hiningi niya sa dating QAO ng koop.

Tuwing ika-pito ng umaga ay nasa koop na siya upang paghandaan ang pagsusuri sa mahigit 500 litro ng gatas na dinadala sa kanilang processing center. Kumukuha lamang siya ng kaunting gatas mula dito upang gawing sample sa kanyang mga gagawing pagsusuri. Ang mga sample na ito ay sinusuri niya sa pamamagitan ng sensory test, alcohol precipitation test, at lactometer test.

“Dahil sa aking isinasagawang mga pagsusuri, napananatili ko ang magandang kalidad ng gatas na ginagamit para sa produkto namin.  Naihihiwalay ko ang dapat at di-dapat na maproseso,” ani Geline.

“Sa pamamagitan ng sensory test, nakikita ko kaagad kung may dumi, natitiyak ko kung nasasala bang maigi ang gatas at kung ito ay may di-kaaya-ayang amoy. Naika-klase din agad ang gatas base sa kanyang itsura gamit naman ang alcohol precipitation test. Ang mga gatas na may buo-buo o clotted milk ay maaari lamang iproseso bilang kesong puti habang ang mga gatas na purong likido naman ay ginagawang pasteurized milk at choco milk,” paliwanag niya.

Kanya pang idinagdag:

“Sa lactometer test naman ay nalalaman kung may halong tubig ang gatas. Ang gatas na may halong tubig ay hindi na ipinoproseso upang hindi makasira sa tamang lasa ng gatas na gagamitin para sa pasteurized milk. Maaari lamang itong iproseso na choco milk at kesong puti.” 

Mula sa tinatanggap na Php115 na suweldo noong siya ay tagahalo pa lamang ng pastillas, ito ay naging Php331 na kada araw bilang QAO at karagdagang Php50 na allowance na pamasahe. Tulad ni Jonel, nakatatanggap din siya ng mga benepisyong tulad ng  Philhealth coverage at pagiging kasapi sa SSS at Pag-IBIG. 

Ayon sa kanya hindi lamang sa pinansiyal na aspeto nakatulong ang kanyang pagiging QAO sa koop.

“Natutunan ko nang mahalin ang trabaho ko dahil nakatutulong din ito sa kalusugan ko at sa anak ko na regular kong pinaiinom ng gatas kung kaya’t malusog din ang pangangatawan niya,” sabi ni Geline.

Sabi pa ni Geline, kung mabibigyan siya ng pagkakataon na makapag-aral, kukuha siya ng kursong may kinalaman sa ginagawa niya.

“Gusto ko na may kinalaman na sa ginagawa ko ang pag-aaralan kong kurso dahil madami na akong natutunan sa paggagatas at pagnenegosyo. Balang araw, nais ko din na magamit ang kaalaman ko sa pagpoproseso ng gatas, kasi madami rin sa aming lugar ang naggagatas at p’wede itong simulan bilang isang maliit na negosyo,” pagtatapos ni Geline.

 

Author
Author

0 Response