'Buy-Back Scheme' magtagumpay na programa sa bayan ng Anda at Bago City

 

Pagkakaroon ng suplay ng karne at gatas at gayundin ang pagpapaunlad ng kabuhayan ng maraming pamilyang Pilipino lalo na yaong nasa kanayunan. Ito ang ilan sa mga pangunahing kontribusyon ng pag-aalaga ng mga gatasang kalabaw.

Kaugnay nito, kritikal ang programa sa patuloy na pagpaparami at pagpapataas ng lahi ng kalabaw. Kaya naman, naglulunsad ang Philippine Carabao Center (PCC) ng mga programa na makatutulong sa layuning ito at humihimok din sa mga lokal na pamahalaan na makaagapay ng husto.

 Kabilang sa naisulong na estratehiya para magpatuloy na dumami at manatili ang mga mayroon nang angat na lahing mga gatasang kalabaw ay “buy-back scheme”.

Sa ngayon, dalawang lugar sa bansa ang nakapagpakita na ng kabutihan ng “buy-back scheme” ukol sa mga inaalagaang mga kalabaw ng mga mamamayan– ang bayan ng Anda sa Pangasinan at ang  Bago City sa Negros Occidental.

Sa bayan ng Anda, 30 na ang kabuuang bilang ng mga nabiling mga kalabaw ng pamahalaang bayan simula pa noong Marso 25, 2013. Ang bilang na ito ay bahagi ngayon ng 471 populasyon ng kalabaw sa nasabing bayan na ang karamihan ay mga crossbred na ginagamit bilang draft animal o pantrabaho sa bukid at ang iba nama’y ginagatasan.

Ang mga nabiling kalabaw na pinasimulan sa pamimili ng Sangguniang Bayan mula sa magsasaka ay ipinagkakatiwala at pinaaalagaan sa ilalim ng ‘PAIWI’ scheme sa mga benepisyaryo nito sa bayan ng Anda.  

“Pagdating sa paghahayupan at industriya ng pagsasaka, bilang isa ring beterinaryo sa propesyon, lubos akong sumusuporta sa mga magsasaka. Lalo na ‘yong may kinalaman sa mga kalabaw, ayon kay Mayor Aldrin Cerdan. “Kaya naman sinusuportahan ko ng husto ang ‘buy-back scheme’ dahil malaki ang kontribusyon nito para sa pagpaparami ng mga kalabaw sa aming lugar,” dagdag pa niya.

Ang municipal agricultural officer (MAO) ng Anda ay may maganda ring pananaw ukol sa kalahalagahan ng mga kalabaw.

“Malaking tulong talaga ang mga kalabaw sa industriya ng pagsasaka,” ani MAO Elizabeth Tomas nang kapanayamin sa pagdaraos ng Anda ng “1st Farmer’s and Fisher Folks Day” noong Disyembre 2017. “Kaya naman mayroon nga kaming mga programa para lalo pang makita ng aming kababayan ang halaga at kontribusyon ng mga kalabaw sa industriya at sa kani-kanilang buhay,” dagdag pa niya.

Nakapailalim sa Provincial Ordinance No. 170-2013 ang pagsasagawa ng buy-back scheme program sa Anda kung saan pinapanatili ang dami ng kalabaw na may lahing gatasan.

Sa nasabi ring pagdiriwang, nandoon din si provincial veterinarian Eric Jose Perez. Nagpahayag naman siya ukol sa kapakanan ng pagpaparami ng kalabaw.

“Nais ko ang pagpapatuloy ng “buy-back scheme” sa mga bayang katulad ng Anda. Sinusuportahan ko din naman ang kautusang napagpasiyahan ng aming pamahalaang panlalawigan na idaan sa bidding ang pagbebenta ng mga kalabaw sa lalawigan. Makatutulong din ang kautusang ito sa pagpaparami ng kalabaw sa mga  lugar na aming sineserbisyuhan,” sabi ni Perez.

Sa Bago City naman, ang pamahalaang lungsod ay lubos na sumusuporta sa programa ukol sa pagkakalabawan. Ito’y nahayag bunga ng pagbili ng pamahalaang lungsod ng 20 mga crossbred o mestisang kalabaw na may lahing Bulgarian Murrah Buffalo (BMB), mula sa mga mamamayan. Ang mga ito’y ipinagkaloob sa ilang piling kooperatiba sa Bago City na ngayo’y nagpapakitang gilas sa pagpapatuloy ng pagkakalabawan sa nasabing lungsod, kabilang na ang pagpaparami ng mahalagang hayop na ito.

Gaya rin ng Anda, ang Bago City ay may ordinansa para sa buy-back scheme program.

 “Malaki ang tulong ng buy-back scheme sa programa namin sa pagpaparami ng kalabaw,” ayon kay Grace Morales, Carabao Development Program inspector ng Bago City. “Alam ng mga magsasaka na may karagdagang kita sa  mga kalabaw na may mataas na lahi lalo na ukol sa naibibigay nitong gatas at karne,” dagdag pa niya.

Upang higit na mapabilis pa ang herd build-up sa Bago City, isinasagawa ng pamahalaang lunsod ang kaukulang pagsuporta. May programa itong tinatawag na KARABAG-O na pinaglalaanan ng sapat na pondo. Sa bottom-up budgeting (BUB) naman ng Department of Agriculture (DA), naipasama ang paglalaan ng pondo para sa pagbili ng mga karagdagang stock ng mga gatasang kalabaw at gayundin ukol sa pagsasagawa ng mga pagsasanay para sa mga kababaihan, lalo na yaong mga ginang ng tahanan, ukol sa industriya ng pagkakalabawan.

Dagdag pa sa rito, nagkaloob ng pondong tatlong milyong piso ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) bilang pambili ng crossbred na kalabaw sa Bago City.

Sa ganitong mga pagsisikhay sa dalawang lugar na ito, lubos namang nakaagapay ang pinakamalapit na sangay panrehiyon ng PCC. Ang PCC sa Don Mariano Marcos Memorial State University (DMMMSU) ay sa Anda, Pangasinan  at ang PCC sa La Carlota Stock Farm (LCSF) naman ay sa Bago City.

Pagpapatibay ng programa

Samantala, kasama naman ng PCC ang National Dairy Authority (NDA) sa pagpaparami ng mga gatasang hayop sa bansa. Enero 2018, tatanggap ang PCC ng Php9M mula sa NDA bilang pondo sa buy-back scheme program na nagnanais na mapangalagaan at maparami ang kasalukuyang stocks ng kalabaw sa Pilipinas.

Ang pondo ay gagamitin upang makabili sa mga magsasaka ng mga babaeng kalabaw na may mataas na uri o lahi para sa pagpapataas ng produksyon ng gatas (milk production) at maging sa higit na pagpapaganda ng lahi ng kalabaw (breeding). Gayundin, masusuportahan ang programa at magkakaroon ng mas maraming magsasaka na mabebenepisyuhan.

Ang dami ng mga kalabaw na mabibili ay isasaalang-alang ng Technical Evaluation Team ng PCC depende sa ebalwasyon sa kondisyon ng kalabaw at iba pang batayan sa pamimili nito.

Ang mga mabibiling kalabaw naman ay muling ikakalat o ipamamahagi sa iba pang mga magsasakang desidido na magpatuloy sa pagkakalabawan upang makapagprodyus ng mga bulo para sa herd build-up.

Kapalit ng pagbibigay ng pondo ng NDA ang pagsusumite sa kanila ng PCC ng status report tungkol sa implementasyon at maging ang paggamit sa pondo para sa buy-back scheme program sa kada ikatlong buwan.

 

Author

0 Response