Matatamis ang tagumpay mula sa milk candies ng Cagayan

 

Bukod sa taglay na magagandang tanawin, malawak na karagatan, mayamang kultura at mga makasaysayang lumang simbahan, ang probinsya ng Cagayan ay kilala rin sa pagkakaroon ng mga popular na lokal na pangunahing pagkain at panghimagas.

Isa na sa mga panghimagas ay ang tanyag na milk candy.

Sa mga manlalakbay, hindi makukumpleto ang biyaheng pa-Cagayan kung hindi rin lang makapag-uuwi ng produktong ito bilang pasalubong. At marami silang mga tatak na mapamimilian. Naririyan ang pinakakilalang Teaño Alcala Milk Candy sa bayan ng Alcala,  ang Edna’s Carabao’s Milk Chewy Candy ng nasabi ring bayan,  at ang Segovia’s Best Lal-lo Milk Candy na mula naman sa bayan ng Lal-lo.

Angat na angat ang kani-kanilang produkto. Ang dahilan: ang natatanging sangkap na ginagamit nila na gatas ng kalabaw. 

Indipiendenteng tagapagproseso

Base sa pag-aaral na isinagawa ng Philippine Carabao Center at Southeast Asian Regional Center for Graduate Study and Research in Agriculture sa ilalim ng paksang “Value Chain Analysis of Carabao and Carabao-Based Products in Luzon”, ang mga tatak ng milk candies  na tinukoy ay likha ng mga  independent processors na matatagpuan sa Region II.

Noong 2014, naitala na umabot sa 195,382 litro ng gatas ang naging demand ng raw milk sa rehiyon. Sa bilang na ito, 76% ay ginamit ng mga independent processors sa paggawa ng milk candy.

Tinukoy din sa pag-aaral na  ang mga processors na ito ay sila ring umaakto bilang wholesaler-retailer sa pamamagitan ng pagtatayo ng kanilang sariling outlet kung hindi man sa harap ng kani-kanilang tahanan ay sa malapit sa mga processing plants o kaya naman sa inuupahang puwesto sa supermarket.

 Kabilang sa mga malalakas nilang  mamimili ay mga turista at, institutional buyers. Marami rin ang mga walk-in customers na mula sa iba’t ibang dako.

Noong 2014, naitala na umabot sa 195,382 litro ng gatas ang naging demand ng raw milk sa rehiyon. Sa bilang na ito, 76% ay ginamit ng mga independent processors sa paggawa ng milk candy.

Teaño Alcala Milk Candy

Isang third class municipality ang bayan ng Alcala. Sa marami nang dekadang nagdaan, natatak sa kaisipan ng mga dumadayo sa bayang ito ang sikat na produktong Teaño Alcala Milk Candy (TAMC).

Ang pangalang “Teaño Alcala” ay kumakatawan sa apelyido ng isang pamilya (iyong nauuna) at sa bayan (iyong nahuhuli).

“Ang aming lola, na si Lola Mauricia Ponce- Teaño ang nagpasimula ng negosyong ito,” ani Artemio Teaño Jr., na ngayo’y siyang nagpapatuloy ng negosyong ito.

Sa kanyang pagsasalaysay, sinabi ni Mang Temy na sa dahilan sa maraming ginagatasang kalabaw sa kanilang noong dakong 1930 ay naisipan ng kanyang lola na gumawa ng milk candy na ang pangunahing sangkap ay gatas ng kalabaw. Noon daw mga panahong iyon, karaniwang gamit lang ng pami-pamilyang may kalabaw ang naaaning gatas sa sariling pangangailangan.  

“Mayroong angking talento ang aming lola sa pagluluto ng mga kakanin at matatamis na panghimagas kaya hindi naging mahirap para sa kanya na buuin ang paraan ng pagluluto ng milk candy,” ani Mang Temy. “Ang karaniwang hugis ng produkto ay palapad at maninipis ang pagkakagawa,” dagdag niya.

Ang sikretong paraan ng paggawa ng milk candy, anya pa, ay ipinasa ni Aling Mauricia sa kanyang  (Mang Termy) ama. Sa kalaunan ay ipinamana naman ng kanyang ama sa kanya ang tradisyon sa paglikha ng produktong sarili nila ang timplada at paggawa.

Sa tagal ng kanilang negosyo, hindi kailanman gumamit ng advertisement ang pamilya Teaño upang ipakilala ang kanilang produkto, Ang naging  tanging paraan ay pagtutok sa partikular na merkado. Sa sali’t saling salita, napabalita nga ang kanilang produkto at malawakang tinangkilik ng mga taga-konsumo. 

Mula pa noon hanggang sa kasalukuyan na lubhang naging tanyag na ang kanilang produkto, hindi na gumawa pa ng ibang produkto ang pamilya Teaño at bagkus nga ay sa paggawa ng milk candy ang pinagtuunan ng buong pansin. Kabilang sa binibigyang pokus ay ang pagpapanatili ng original na timpla nito, pagpapabuti at pagmintina ng magandang kalidad ng produkto at ang pagtutok sa mga konsumer na mahilig kumain ng matatamis na produkto.

Karaniwan nang dumaraan ang mga biyahero na  mula sa Aparri papuntang Maynila o kaya ay pabalik sa kanilang outlet sa harap ng kanilang bahay para bumili ng produkto.

Binibili rin ito ng maramihan, na hindi bababa sa 300 pakete, na siyang dinadala sa iba’t-ibang grocery stores, terminal ng mga sasakyan at hotel sa Tuguegarao City. Nagkakahalaga ng Php48  ang isang pakete na may lamang 12 piraso.

Ang gatas naman ng kalabaw na kanilang ginagamit ay nagmumula pa sa bayan ng San Pablo, Isabela at  sa iba’t-ibang bayan sa Nueva Ecija.

 “Pagpapanatilii ng magandang kalidad ng produkto. Ito ang aming sikreto,” sabi ni Mang Temy. “May multiplier effect ang masarap na lasa at magandang kalidad ng produkto. Bukod sa nagpapabalik-balik ang mga parukyano ay nadaragdagan pa sila,” dagdag niya.

Edna’s Carabao’s Milk ChewyCandy

Ang milk candies na ang pangunahing sangkap ay gatas ng kalabaw ay lubha ngang naiibigan ng mga mamimili. Kaya naman, ang paggawa nito ay isang tunay na magandang hanapbuhay.

Ito’y pinatutunayan ng dating prinsipal ng DepEd na si Mrs. Edna S. Sibayan.

Bilang paghahanda sa kanyang retirement, taong 2014 nang magdesisyon si Mrs. Sibayan na magpatayo ng isang maliit na gusali sa harap ng kanilang tahanan mula sa kanyang naipong salapi. Naisip niyang gamitin ito bilang tindahan na nagbebenta ng mga produktong gawa ng ibang prodyuser.

Sa kalaunan, naisipan niya na gamitin ang kaalaman sa pagluluto ng milk candy na gawa sa gatas ng kalabaw. Ang timplada nito ay napag-alaman niya at minana sa kanyang lola sa tuhod na si Aling Mauricia Ponce- Teaño.

Tulad din ng kanyang pinsang buo na si Artemio Teaño Jr. ng Teaño Alcala Milk Candy (TAMC), natagpuan din ni Mrs. Sibayan ang suwerte sa pagnenegosyo sa pamamagitan ng  paggawa ng milk candy.

Kalagitnaan na ng 2015 nang magsimula siya sa paggawa ng milk candy. Upang maging angat sa iba, nag-pokus si Mrs. Sibayan sa pagpapabuti lalo ng kanyang produkto. Gamit ang karaniwang paraan ng pagluluto nito, mas pinagbuti niya ang lasa ng kaniyang milk candy at ang packaging nito.

Ayon kay Mrs. Sibayan, pinakaimportante sa lahat ay ang pagmimintina ng magandang kalidad ng gatas na kanilang ginagamit sa pagluluto, ang pagpapanatili ng tamang moisture content ng kanilang produkto at ang kalinisan sa pagsasagawa nito.

Ang kanilang suplay ng gatas ay mula sa mga gatasang crossbreds ng San Agustin Dairy Cooperative sa San Agustin, Isabela. Araw-araw ay umaabot sa 50 litrong gatas ang kanilang nagagamit sa paggawa ng milk candy. Umaabot naman sa 200 pakete ang nalilikhang produkto.

Ang bawa’t pakete na naglalaman ng 13 piraso ay kanyang ibinebenta sa halagang Php48.

Sa pagkakaroon niya ng sariling produkto, hindi nagtagal ay nagkaroon na rin siya ng maraming suki at mamimili. Kahit na ilang bahay lamang ang pagitan niya sa tindahan ng kanyang pinsan na si Mang Temy ng TAMC, hindi naging hadlang ito upang tangkilikin rin ng mga biyahero ang kaniyang produkto.

“Sa ngayon ay maganda ang feedback na nakukuha namin sa mga mimimili ng aming produkto. Karamihan sa mga tumatangkilik nito ay mga kilalang mayayaman sa aming lugar. Nagpapasalamat ako sa Diyos, dahil pagkaraan ng dalawang taon ay nakikipagsabayan na ang aming milk candy sa merkado,” ani Mrs. Sibayan.

Sa kasalukuyan ay nagdadala rin siya ng kanyang produkto sa iba’t-ibang tindahan sa ilang lugar sa Tuguegarao. 

Segovia’s FINEST Lal-lo Milk Candy

Sa bayan ng Lal-lo, Cagayan, namumukod-tangi ang Segovia’s Finest Lal-lo Milk Candy dahil sa produktong “dulce”  na likha nito.  Sa likod ngayon ng pamamayagpag ng produktong ito ay si Visitacion P. Dupaya na mas kilala sa tawag na Aling Vessy ng barangay Centro.

Ayon kay Aling Vessy, 65 taong gulang, ang pangalang Segovia’s Finest ay hango sa dating pangalan ng bayan ng Lal-lo na Segovia.

Anya, taong 1990 nang pasimulan ng kanyang ina ang negosyo ng paggawa ng milk candy. Kaiba sa milk candy ng Alcala, ang milk candy ng Lal-lo ay mas tustado ang pagkakaluto at binilog pahaba ang hugis nito.

Nang yumao ang kanyang ina, nagdesisyon si Aling Vessy na ipagpatuloy ang nasimulan nito dahil na rin sa udyok ng kanyang mga kapatid. Iyo’y noong taong 1995 at naging masugid niyang katuwang sa negosyo ang kanyang kabiyak.

Ang kanyang suplay ng gatas ay mula sa mga native na kalabaw sa bayan ng San Antonio. Araw-araw ay umaabot sa 40 hanggang 80 bilog na bote ng gin ang kanyang nagagamit sa pagluluto. Nakagagawa siya ng 160 pakete ng milk candy mula sa suplay na ito ng gatas.

Ibinebenta niya ang isang pakete, na naglalaman ng 13 piraso, sa halagang Php48.

“Mas pinagbuti ko pa ang timpla na nakagisnan ko mula sa aking ina dahilan upang mas higit na makilala ito. Para sa akin, higit na malinamnam ang aking produkto dahil galing sa native na kalabaw ang gatas na ginagamit ko at ito naman ay pinapatotohanan ng aking mga suki na anila’y nakabibili rin sila ng ibang milk candy na gawa sa ibang bayan,” ani Aling Vessy.

Ayon sa kanya, dahil sa pagtitiyaga ay dumami lalo ang kanilang parukyano kumpara noong nagsisimula pa lamang sila ng kaniyang asawa.

“Dahil wala akong kakumpitensya, dito pa lang sa aming lugar ay nagkukulang ang nagagawa naming produkto. Ito’y lalo na ‘pag panahon ng Mahal na Araw, bakasyon, pasko at bagong taon. Nanggagaling pa sa malalayong lugar ang iba kong mamimili at may mga nag-o-order pa para gawing pasalubong nila sa ibang bansa,” dagdag pa niya.

Sa pagmamasid ng marami, lalong dumarami ang nagkakagusto sa milk candies na gawang Cagayan. Ang kanilang prediksiyon: lalo pang aangat sa prubinsiyang ito ang produktong ito, na mula sa gatas ng kalabaw,  sa paglipas pa ng mga taon.

 

Author

0 Response