Lita’s Pastillas Apat na dekadang liglig ng biyaya at tuluy-tuloy pa

 

Sa edad na 74, wala siyang pinanghihinayangan sa mahigit sa kalahati nito na kanyang iginugol sa paggawa ng pastillas bagkus pa nga ay mas marami pa siyang ipinagpapasalamat.

Siya si Carmelita Yumang, mas kilala sa tawag na “Lita”, sa siyudad ng Tarlac. Ang kanyang pangalan ay namamayagpag simula pa noong 1975 sa paggawa ng masarap at hinahanap-hanap na pastillas de leche.

Ano nga ba ang kakaiba sa kanyang pastillas? Ito ay ang sangkap na gatas ng native o katutubong kalabaw. Dahil dito, aniya, naging mas masarap, malinamnam, malapot, at maprotina ang kanyang likhang pastillas.

Sa kanyang karanasan, kapag inilapit sa kanya ang gatas, alam na niya agad kung ito ay mula sa katutubong kalabaw o hindi.

“Kapag ibubuhos mo ang gatas at mabagal ang bagsak, gatas ng native na kalabaw ‘yon. Kapag naman ibang gatas, mabilis ang bagsak dahil malabnaw,” ani Ginang Lita.

Dagdag pa niya, “Kapag iluluto naman, alam na alam ko kapag may tubig kasi matagal lutuin sa apoy, matagal ding lumapot at kapag luto na, iba ang yari, itsura at kulay. Hindi maputing-maputi kagaya ng ginagawa ko kapag hindi gatas na mula sa native na kalabaw ang gamit.”

Sa paglalarawan ng lasa ng pastillas ni Ginang Lita, ang mga parukyano na niya ang nagpapatotoo at nagsasabing ito’y “malambot at may katamtamang tamis kung kaya’t nangingibabaw pa rin ang lasa at linamnam ng gatas ng kalabaw”.

Sa pamamagitan ng “word of mouth” sumikat ang pastillas ni Ginang Lita. Ito ang naging estratehiya niya para mapalaganap ang kanyang pastillas na sa halip na siya ang magpamalita na masarap ang gawa niya, hinayaan niyang ang mga mamimili ang siyang maghayag ng positibong komento sa lasa ng kanyang produkto.

Sa siyudad ng Tarlac, ani Ginang Lita, ang pamilya lang nila ang gumagawa ng pastillas mula sa gatas ng kalabaw. May mga ilan na sumubok na gumaya sa gawa niya pero hindi rin nagtagal.

Ang isang bigkis ng pastillas ay may laman na 10 piraso na nagkakahalaga ng Php50. Ngayon ay may iba’t ibang flavors na ito tulad ng langka, ube, at mocha sa halagang Php55.

Mga biyaya

Kung tutuusin, hindi ang paggawa ng pastillas ang hilig ni Ginang Lita.

Taong 1972 nang magsimulang pag-aralan ni Ginang Lita ang paggawa ng pastillas. Hindi katulad ng gawa ng nanay niya na matigas at tostado ang pastillas, ang sa kanya naman ay malambot pero pinanatili niya ang magandang kalidad ng produkto.

Pagkalipas ng walong taon, dahil na rin sa lumalaking bilang ng mga kumpanya at taong nagkakagusto at naghahanap sa pastillas ni Ginang Lita, ipinarehistro na niya ang kanyang negosyo sa pangalang “Lita’s Delicacies” na matatagpuan sa harap ng bahay niya sa Espirito Santo, Bacuit, Tibag, Tarlac City.

Maliban sa pastillas, ang ilan sa iba pang mga produktong ibinebenta niya ay polvoron, barquiron, tamarind candy, yema, bukayo, uraro, mani, mais, at iba pa.

Pastillas ko rin ang madalas na ipanregalo ng mga mayayaman o ‘yong may mga matataas na katungkulan dito sa lugar namin. Pati si dating pangulong Cory Aquino, noong nabubuhay pa siya, pumupunta rin dito at bumibili ng pastillas,” salaysay niya.

Nagsimula na siyang magkaroon noon ng mga ahente at mag-supply ng mga produkto sa malalaking restaurants sa Maynila kung saan pinapalitan ng pangalan ng ilang restaurant ang label ng produkto niya.

Dinadala sa kanya ng mga maggagatas sa Tarlac ang gatas ng kalabaw na ginagamit niya. Kapag hindi sumapat iyon ay kumukuha siya ng supply sa isang kooperatiba sa Nueva Ecija. Hindi bumababa sa 200 litro ng gatas ang kinakailangan niya noon sa paggawa ng pastillas.

Sa karurukan ng demand, umabot sa mahigit 500 bigkis ng pastillas ang isinu-supply niya noon araw-araw sa Maynila kung saan kumikita siya ng mahigit Php5,000 sa isang araw. Dahil sa kinikita niya, nakapagpatayo siya ng konkretong bahay, nakapagpundar ng mga kagamitan at nakapagpaaral ng apat niyang anak.

“Noong magtapos sila, hindi ko na sila pinaghanap pa ng trabaho. Hiniling kong pagtulungan na lang namin ang negosyong naitayo ko,” ani Gng. Lita.

Mga aral

Nguni’t tulad ng ibang mga negosyante, sinubok din ang tatag ni Ginang Lita sa kanyang negosyo.

Huminto na siya sa pagsu-supply ng kanyang produkto sa Maynila dahil sa pressure, laki ng demand na hindi na niya magawang tugunan, at mga kondisyones at terminong kailangan niyang talimahin.

Napagtanto niya na kailangang isaalang-alang ang mga ito bago sumuong sa isang negosyong pangmalakihan ang demand.

Subali’t hindi ito naging dahilan para huminto nang tuluyan si Ginang Lita sa kanyang negosyo. Siya ay nagpatuloy pa sa paghanap ng alternatibong merkado para sa kanyang mga produkto.

Noon niya sinimulan ang pag-e-export dahil na rin sa mga nakilala niyang mga exporters noong siya ay sumasali pa sa mga products exhibit.

Dalawang malalaking kumpanya ang suki niya sa pagluluwas ng kanyang produkto sa ibang bansa. Aniya, nasa 30 iba’t ibang klaseng mga produkto ang ine-export niya ngayon. Kabilang sa mga produktong ito na gawa nila ay polvoron, yema, barquiron, at tamarind candy. Ang ibang mga produkto naman ay inaangkat nila sa iba’t ibang mga suppliers.

Dagdag niya, hindi sila nag-e-export ng pastillas dahil triple na ang magiging presyo ng babayaran niya at nang sinubukan nila ito, hindi nila kinaya ang demand.

Sa kasalukuyan, may dalawa silang pabrika sa paggawa ng mga produkto.

Kahit na tutok na siya sa pag-e-export ay hindi pa rin niya nilulubayan ang paggawa at pagtitinda ng pastillas. Gayunman, hindi na kagaya ng dati ang dami at limitado na lamang ang ginagawa nila ngayon.

Sa karaniwan ngayon, 50 bigkis ng pastillas ang naibebenta niya araw-araw. Kung minsan naman, nakadepende sa o-order ang dami ng ginagawa nilang pastillas.

“Lalo na kung Pasko, ipinangreregalo ng mga suki ko ang pastillas. Kung minsan, may umo-order sa’kin ng bultuhan na 400 bigkis, 100 bigkis o kaya naman ay 50 bigkis,” ani Ginang Lita.

Maliban sa mga pastillas na nakadisplay sa kanyang tindahan, nagsusupply din siya ng pastillas sa isang cake house sa Tarlac. 

Para kay Ginang Lita, wala siyang pinagsisisihan sa negosyong pinasok niya kahit ilang beses pa siyang sinubok ng tadhana sa gawaing ito. Ang mahalaga lamang, aniya, ay dapat marunong bumangon at bumalikwas ang isang tao sa pagkakadapa sa anumang problema.

Hangad na lamang niya ngayon at patuloy na ipinagdarasal na bigyan pa siya ng mahabang buhay para masaksihan niya ang maaliwalas ding kinabukasan na inihanda ng Panginoon para sa 12 pa niyang apo na lahat ay nakapagtapos na rin ng pag-aaral.

 

Author

0 Response