Nang dahil sa ugnayang PCC, LGU: Sumisidhing pagkakalabawan sa Mindanao

 

Kaakibat ng pagpapalakas ng inisyatiba sa programang pagkakalabawan ang matatag na samahan sa pagitan ng PCC at ng lokal na pamahalaan.

tinuturing na may malaking bahagi ang mga kawani ng lokal na pamahalaan na sumasaklaw sa pagpapalahi at pagpapayaman ng paghahayupan sa tagumpay ng mga inisyatibang ito. Sila ang nagsisilbing tagapag-ugnay sa pagitan ng PCC at ng Local Government Unit o LGU upang maisakatuparan ang adhikaing mapagyaman ang paggagatas lalo na sa Mindanao kung saan ‘di pa gaanong laon ito.

Sa labindalawang sangay ng PCC sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas, tatlo ay nasa Mindanao. Ang mga ito ay matatagpuan sa Mindanao Livestock Production Complex (MLPC), Central Mindanao University (CMU), at University of Southern Mindanao (USM).  Sa kasalukuyan, sina Dario Cuenca, Raymundo Arroz, at Aquino Perida ang nagsisilbing kabilang sa mga tagapag-ugnay ng PCC at LGU sa kaniya-kaniyang bayan na sakop ng mga nasabing centers. 

“Hindi naging madali ang pagpapalaganap ng AI dahil sa maling paniniwala ng mga magsasaka na matapang ang buffalo noon. Kinailangan ko din bumiyahe ng malayo upang kumuha ng  semilya para makapagsagawa ng AI. Mabuti na lamang at may naitindig nang AI center dito sa Polanco sa pakikipagtulungan namin sa Philippine Carabao Center”.

-Dario Cuenca,AI Livestock Technician and Coordinator, LGU-Polanco

Sa Zamboanga Del Norte

Bagama’t naging mahirap ang pagsisimula ng pagpapalaganap ng pagkakalabawan sa Polanco, Zamboanga Del Norte, makakakitaan na ito ngayon ng positibong pagbabago na naging posible sa pagtutulungan ng LGU at PCC.  Bilang AI livestock technician at coordinator mula sa LGU, nakikipagtulungan si Dario Cuenca sa PCC sa MLPC na maipalaganap ang AI sa bayan at tuluy-tuloy na maitaas ang lahi ng mga kalabaw.

Ayon kay Cuenca, hindi naging madali ang pagpapalaganap ng AI dahil sa maling paniniwala ng mga magsasaka na matapang ang buffalo. Kinailangan din niyang bumiyahe noon ng malayo upang kumuha ng  semilya para makapagsagawa ng AI. Kung kaya’t laking pasasalamat na lamang ni Cuenca nang maitayo ang AI center sa Polanco sa pakikipagtulungan ng PCC.

“Sa ngayon, talagang naging maganda ang ugnayan natin sa LGU. Sila’y aktibong sumusuporta sa ating adhikain sa pagkakalabawan.  Unti-unti na nating nakikita at nararamdaman ang pag-unlad sa pagkakalabawan dahil sa dumaraming nagkakainteres na mag-alaga ng may lahing kalabaw at magpa-AI,” ani Dr. Cecelio Velez, direktor ng PCC sa MLPC.

Dagdag pa ni Dr. Velez, nakapag-organisa na rin ng asosasyon ang mga magsasaka rito na tinawag nilang Polanco Carabao Breeders and Raisers Association sa masigasig na koordinasyon ni Cuenca.

Ang pagsusulong sa paggagatas ay sinimulan na rin sa Polanco upang mas mapagyaman ang iba pang gamit ng alagang kalabaw.

“Ang mga pagsasanay na ginagawa ng PCC ay nakatutulong upang madagdagan ang kaalaman ko bilang AI technician. Ito ay nakakatulong sa akin upang makapagbahagi ng kaalaman sa aking mga kababayan”.

-Raymundo Arroz, Chairman, Bukidnon Artificial Insemination Technician Association

Sa Bukidnon

 Ilang taon na rin ang lumipas nang makipagtulungan ang LGU ng Don Carlos, Bukidnon sa PCC sa CMU na nasa ilalim ng pamamahala ni Direktor Lowell Paraguas. Ani Dr. Paraguas, nananatiling matatag at maganda ang samahan ng PCC sa CMU at ng LGU na handang magbigay tulong sa mga magsasakang nagkakalabawan.

Bilang livestock coordinator ng Don Carlos, ang unang programa kung saan nakasama ni Raymundo Arroz ang PCC ay ang pagsasagawa ng AI sa lahat ng barangay ng Don Carlos.  Itinuturing niyang malaking tulong ang pagpapahiram ng sasakyan ng PCC upang mapuntahan ang mga magsasakang nangagailangan ng serbisyong AI lalo na sa mga liblib na lugar.

Para kay Arroz na siya ngayong tagapangulo ng Bukidnon Artificial Insemination Technician Association, ang mga pagsasanay na ginagawa ng PCC ay nakatutulong upang madagdagan ang kaalaman niya sa pagkakalabaw na naipapasa naman niya sa mga kababayan.

Dahil dito’y lumawak ang kaalaman ng mga magsasaka sa kanilang bayan hanggang sa kanila na ring maibigan ang mga benepisyo ng programang Carabao-Based Enterprise Development (CBED). Di naglao’y nabigyan ang ilang magsasaka ng gatasang kalabaw na nagbunsod sa pagkakatatag ng Don Carlos Buffalo Dairy Farmers Association at Muleta Side Dairy Buffalo Association.

“Di matatawaran ang pag-agapay ng PCC sa USM lalo na sa aspeto ng CBED na pinapangunahan ni Nasrola Ibrahim bilang CBED coordinator. Nagkaroon ng mga pagsasanay sa pagproseso ng gatas at naturuan ang mga miyembro ng asosasyon ng mga teknolohiya na magagamit sa pagpapanatili ng magandang kalusugan ng kalabaw”.

-Aquino Perida, Village-based Artificial Insemination Technician

Sa South Cotabato

Tinatanaw na malaking utang na loob ni Aquino Perida, Village-Based Artificial Insemination Technician (VBAIT) mula sa Municipal Agriculture Office ng LGU Sto. Niño, South Cotabato, ang tulong na naibahagi ng PCC sa kaniya buhat noong 2007 nang siya’y sumailalim sa pagsasanay ng PCC sa CMU. Dito natutunan niya ang artipisyal na pagpapalahi at pagtukoy sa pagbubuntis ng kalabaw na nakatulong ng lubos sa kanyang trabaho bilang VBAIT.

Ayon kay Benjamin John Basilio, direktor ng PCC sa USM na saklaw ang South Cotabato, maganda ang relasyong naitatag sa pagitan ng LGU Sto. Niño, ng pamahalaang panlalawigan nito at ng PCC. Aniya, makikita ang ibayong pagsuporta ng mga opisyales ng gobyerno sa nasasakupang ito ng PCC sa kanilang pagkukusang mag-ambag ng tulong.

Sa kabilang banda, ani Perida, ang AI ay naging daan upang makapagparami sila ng kalabaw lalo pa’t bihira ang bulugan sa bayan. Dagdag niya, ng dahil sa PCC, kung dati ay maliliit ang mga kalabaw at pangtrabaho lang, ngayon ay nagkaron na rin sila ng mga crossbred na maaari nilang gatasan. Mula sa pag-imbentaryo niya ng mga crossbred ay na-organisa ang Sto. Niño Dairy Farmers Association.

“Di matatawaran ang pag-agapay ng PCC sa USM lalo na sa aspeto ng CBED na pinapangunahan ni Nasrola Ibrahim bilang CBED coordinator. Nagkaroon ng mga pagsasanay sa pagproseso ng gatas at naturuan ang mga miyembro ng asosasyon ng mga teknolohiya na magagamit sa pagpapanatili ng magandang kalusugan ng kalabaw”, paglalahad ni Perida.

Sa ngayon ay marami nang produktong naiproproseso ang asosasyon mula sa gatas tulad ng lactojuice, ice cream at pastries gaya ng butterscotch, macaroons, chiffon cake, brazo de mercedes, brownies at yema cake.

 

Author

0 Response