Pagyabong ng industriya ng paggagatasan sa San Agustin, Isabela

 

Sa isang malawak at madamong lupain kung saan nagsasalitan ang pagkakausbong ng sari-saring mga puno sa isang bulubunduking bayan sa Isabela, nakakubli ang kayamanang hindi pa gaanong namimina.

Sa bayang ito matatagpuan ang mina hindi ng ginto kundi ng mayabong na industriya ng pagkakalabawan at paggagatasan.

Ang susi sa kaganapan ng potensyal na ito ay ang mga gatasang kalabaw na laganap sa bayan na nasa pangangalaga ng mga magsasakang inaasistehan ng Philippine Carabao Center (PCC).

Sa kasalukuyan, 4,207 na ang kabuuang bilang ng mga gatasang kalabaw sa San Agustin, Isabela. Ang potensyal na makapagprodyus ng maraming gatas at ang sumisiglang pagkakalabawan sa San Agustin ang siyang nagbunsod para sa proyektong “Strengthening the San Agustin Crossbred Carabao-Based Enterprise Development (CBED) Model” na pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic, and Natural Resources Research and Development (PCAARRD) at ipinatutupad naman ng PCC.

Tinatawag ding Project 5, ang proyektong ito na sinimulan noong Enero 2016 at magtatapos sa taong 2019 ay naglalayong matulungan ang mga kooperatiba sa 23 barangay sa San Agustin. Labingdalawa sa mga ito ang pangunahing tututukan ng PCC.

Ayon kay Dr. Kevin Dave Cho, project attending veterinarian, makakamtan ang layuning ito kung makikiisa at makikipagtulungan ang lahat ng 23 barangay sa bayan ng San Agustin.   Kaya naman aniya, “ninanais naming makabuo ng bagong asosasyon mula sa sampung ‘di pa rehistradong mga grupo.” Sa panig ng PCC ay patuloy itong ginagawa sa pakikipagtulungan nina Hannah Jalotjot, Armando Reyes, at Celso Quinet mula sa PCC sa Cagayan State University (PCC@CSU).

Kaugnay ng proyektong pagpapaunlad sa industriya ng paggagatasan, isinasagawa rin ang apat pang proyektong kaagapay ang PCAARRD patungkol naman sa nutrisyon, pagpapalahi, pangkalusugan, at pagsiguro sa kalidad ng gatas ng kalabaw. Bukod sa mga nabanggit, tuturuan din ang mga magsasaka kung paanong mapananatili ang mabuting samahan at pagtutulungan sa samahan para sa mas maunlad na kabuhayan salig sa gatas ng kalabaw.

Ani Dr. Cho, bagama’t sanay sa pag-aalaga ng kalabaw ang mga magsasaka sa lugar, marami pa rin ang tradisyunal ang pamamaraan kung kaya’t makabubuti aniya ang pagpapakilala sa mga teknolohiya ng PCC tungkol sa pagkakalabawan upang lalong mapagbuti ang kanilang kabuhayan.

Kabilang sina Ruby de Leon at Florante de Leon ng Salay Dairy Cooperative (SDC) at Eddie Allado ng Sinoangan Sur Dairy Association (SSDA) sa mga benepisyaryo ng proyekto. Ang bawa’t nakolektang gatas ay binibili ng San Agustin Dairy Cooperative (SADACO) sa halagang Php50 kada litro na binabayaran tuwing kinsenas at katapusan ng buwan.

May pinakamataas na ani ng gatas ang SSDA na pinamumunuan ni Chairman Genielex Raymundo. Ito ay bunga ng kanilang aktibong panghihikayat na maggatas ang lahat ng miyembro.

Ang SADACO ang nagsisilbing market o tagabili ng naaning gatas ng lahat ng benepisyaryo ng proyekto sa San Agustin. Ang planta o pagawaan ng mga produkto ng SADACO ay nasa pangangasiwa ni Joel Cabading na siya ngayong manager ng SADACO.

Tinitingnang nasa 197,000 litro ng gatas ang mapoprodyus sa loob ng tatlong taon ng proyekto at maaari pang tumaas kung madaragdagan ang mga maggagatas dahil na rin sa patuloy na kampanya ng PCC.

“Dapat makita ng bawa’t isa rito sa San Agustin na ito’y hindi nagsasariling gampanin ng PCC at PCAARRD kundi ng lahat lalo na ang mga opisyales ng barangay”, paliwanag ni Dr. Cho.

Dahil sa sumisigasig na pagtutulungan, makikita na ngayon ang malaking pagbabago sa pamamaraan ng mga nag-aalaga ng kalabaw. Kung dati ay inilalaan ang gatas ng ina sa bulo kung kaya’t maraming gatas ang hindi naipo-proseso at naibebenta, ngayon ay unti-unti na itong nababago.

Lumalawak na rin at lumalago ang kaalaman ng mga maggagatas patungkol sa mga serbisyong teknikal at teknolohiya ng PCC kung kaya’t ito’y inaasahang magpapabilis sa pagyabong ng industriya ng paggagatas sa bayan ng San Agustin.

Ang naging kultura ng pag-aalaaga ng kalabaw sa bayan ng San Agustin, Isabela ay hindi na maiwawaglit lalo na at unti-unti ay nararamdaman ng mga tagaroon ang mga kaiga-igayang benepisyo ng alagang hayop.

Kung dati ito ay maituturing na tagong-yaman, hindi maglalaon at mabubunyag na ang dating liblib na bayan ng San Agustin ay titingalaing daluyan ng masaganang yaman na mula sa gatas ng kalabaw.

 

Author

0 Response