Paggagatasan sa Ilocos Sur inaasahang solusyon sa malnutrisyon

 

Hindi matatawaran ang sustansya ng gatas ng kalabaw. Kaya’t kung bakit ito ang karaniwang ipinaiinom sa mga batang benepisyaryo ng mga programang milk feeding ay hindi na nakapagtataka.

Sa katunayan, ang chocolate milk na kalimitang isa sa paborito ng mga bata ay mayaman sa protina, fats, bitamina at mineral.

Batid ito ng pamahalaang panlalawigan ng Ilocos Sur  na nagsusulong ngayon ng proyektong “Ilocos Sur Dairy Production and Processing Center” na layong wakasan ang malnutrisyon sa pamamagitan ng produksyon ng gatas, pagproseso at pagpapainom ng chocolate milk sa mga batang kulang sa nutrisyon. 

Sa proyektong ito, ang ilang bahagi ng 21 ektarya na lupain sa Barangay Cabangaran, Santa, Ilocos Sur ang pinaglagakan ng dairy processing center, kural ng mga kalabaw at taniman ng pakain.

Tinulungan ng PCC ang pamahalaang panlalawigan ng Ilocos Sur sa pagpili ng mga kalabaw na bibilhin. Nagpayo rin ito tungkol sa mga kailangan sa dairy processing center at nagbahagi ng ilang kaalamang teknikal tungkol sa pagproseso ng gatas. Sa ngayon, may portable milking machine, refrigerator at ice cream maker na ang processing center.

 “Masaya ang PCC na maging kabahagi sa pagsusulong ng mga umuusbong na inisyatibo sa pagkakalabawan na tulad nito,” ani Grace Marjorie Recta, center director ng PCC sa Mariano Marcos State University na matatagpuan sa Batac, Ilocos Norte.

Nang nakaraang taon ay pormal na ininagurahan ang dairy processing center sa Santa na siyang pinagkukunan ng gatas sa milk feeding program ng Ilocos Sur.

“Ang dairy processing center sa Santa ang kauna-unahan dito sa lalawigan,” ani Dr. Joey Warren Bragado, provincial veterinarian at isa sa mga tagapanguna ng proyekto kasama ni Governor Ryan Singson.

Unang nabigyan ng rasyon ng gatas ang bayan ng Nagbukel kung saan pinakamataas ang kaso ng malnutrisyon sa lalawigan. Nakatakda na ring magsagawa ng milk feeding program sa dalawa pang bayan sa Ilocos Sur.

 “Anim na buwan ang itatagal ng milk feeding at 200 ml na chocolate milk ang ipaiinom sa bawa’t isang batang nasa dalawa hanggang anim na taong gulang,” ani Dr. Bragado.

Dagdag ni Dr. Bragado, positibo ang naging resulta ng inisyatibo lalo pa’t 49 sa 58 na mga naunang batang benepisyaryo ay nakaalpas na mula sa malnutrisyon. 

 “Nais namin na magkaroon ang lalawigan ng sariling kuhanan ng gatas at nais naming gamitin ang proyekto bilang sagot sa malnutrisyon,” pagbabahagi ni Gov. Singson sa kanyang mensahe nang magbukas ang dairy processing center.

Ang pinagkukunan ng gatas ay ang dairy farm na tahanan ng may aabot sa 15 na gatasang kalabaw at dalawang bulugan. Ito’y pinangangasiwaan din ng pamahalaang panlalawigan.

Ayon kay Edgar Ballesteros, isa sa tagapag-alaga ng mga gatasang hayop, 15 litro ng gatas kada araw ang nakukuha mula sa limang kalabaw.  Dinadala nila ito sa processing center at iniimbak sa palamigan. Kinukuha ng mga empleyadong mula sa lokal na pamahalaan ng Ilocos Sur na nakasaklaw sa nutrisyon ang mga naipon na gatas kada tatlong araw o batay sa mapagkakasunduang araw ng pangongolekta rito.

Sa pangkalahatan, nagkakahalaga ng Php14 milyon ang pondong ginamit sa pagpapatayo ng mga istruktura at pagbili ng kagamitan sa center.  Karagdagang Php4 milyon kada taon naman ang inilaan ng lalawigan para sa operasyon sa Santa.  

Kaugnay ng proyekto,  nakatakdang makipagtulungan ang lokal na pamahalaan ng Ilocos Sur sa isang Unibersidad sa Thailand upang higit na mapaunlad ang aspetong  imprastraktura  at  produksyon ng gatas.

 (May karagdagang impormasyon mula sa Knowledge Product na isinagawa nina Mina Abella, Patrizia Camille Saturno at Teresita Baltazar)

 

Author

0 Response