Mga kwento ng tagumpay ng kooperatiba, Basta’t sama-sama, nagiging maganda ang bunga Mar 2018 Karbaw kwento ng tagumpay, Eastern Primary Multi-Purpose Cooperative, General Trias Dairy Raisers Multi-Purpose Cooperative, Catalanacan Multi-Purpose Cooperative, Nueva Ecija Federation of Dairy Carabao Cooperatives (NEFEDCCO), Bohol Dairy Cooperative By Khrizie Evert Padre Nagbago na ang gampaning papel ng kalabaw sa buhay ng mga magsasaka. Kung noon ay hirap kami sa kung saan dadalhin ang aming mga gatas, ngayon ay nagkukulang pa at kailangan nang hati-hatiin ang mga gatas sa aming mga regular na mamimili.-Melchor Correa Chairman, EPMPC Saksi ang Philippine Carabao Center (PCC), na itinatag 25 taon na ang nakalilipas, na mula sa pagiging simpleng kaagapay sa mga gawain sa bukid, ang kalabaw ay nagbubunsod ngayon ng maraming magagandang pangyayari sa buhay at kabuhayan ng mga magsasaka, mga pamilya, pamayanan at iba pa. Nagkaroon ng kaganapan ang mga pag-unlad na ito sa pamamagitan ng pinaangat na lahi ng katutubong kalabaw sa tulong ng “Carabao Development Program” (CDP) na ngayo’y nagbibigay hindi lamang ng lakas-kalabaw kundi maging ng gatas, karne, at iba’t iba pang produkto. Patotoo ang maraming kooperatiba na sumubok sa mga kabuhayang salig sa kalabaw sa mga dumaraming kwento ng tagumpay sa industriya ng pagkakalabawan. Eastern Primary Multi-Purpose Cooperative Itinanghal ng PCC bilang “Best Dairy Cooperative” ang Eastern Primary Multi-Purpose Cooperative (EPMPC) ng Brgy. Sibut, San Jose City, Nueva Ecija noong 2013, 2015, at 2017. Patunay ang parangal na ito sa hindi matatawarang kahusayan ng EPMPC sa pagkakalabawan sa dakong ito ng Nueva Ecija. Si Marcelino Mislang, o Ka Marcing, ang noo’y tagapangulo ng koop. Palibhasa’y nagpakita ng nag-iibayong sigla, ang koop ay nabiyayaan ng mga gatasang kalabaw sa ilalim ng mga itinakdang kundisyones. Ayon Kay Ka Marcing, malaking biyaya ang idinulot nang maipagkaloob sa kanya ang isang 16 na buwang Murrah bufffalo. Hindi nagtagal nanganak ito at nagsimulang gumatas ng apat na litro sa isang araw na pagkaraan naman ng apat na buwan ay umabot na sa 10 litro. Naging katumbas nito’y Php8,400 na (buwanang) kita, ‘di hamak na mas mainam kaysa sa pagsisibuyasan. Ang kanyang magandang ani ay nagtuluy-tuloy hanggang sa kilalanin ang pinakamagaling niyang maggatas na kalabaw noong 2012 na “Best Dairy Buffalo Cow (Senior Category)” na nakapagtala ng 2,714.80 kilogramo ng gatas sa edad na mahigit 13 taon. Nguni’t hindi lahat ng miyembro ay katulad niya ang naging karanasan. Ang ibang napahiraman ng kalabaw ay “nangasilat bunga ng iba’t ibang pansariling dahilan.” Ipinaubaya nila sa ibang miyembro ang pag-aalaga nito habang ang ibang miyembro na nagtiyaga tulad ni Ka Marcing ang siyang umani ng magandang resulta sa paggagatas. Kasabay ng pagdami ng ani ng gatas ay ang pakikilahok ng koop sa milk feeding program sa pangunguna ng National Dairy Authority (NDA) at pakikipagtulungan sa Nueva Ecija Provincial Government at lokal na pamahalaan ng siyudad ng San Jose para sa mga malnourished na mga bata. Naging pangunahing supplier ang EPMPC ng gatas ng kalabaw sa San Jose City simula 2004 hanggang sa kasalukuyan. Lahat halos ng ani nilang gatas ay pinoproseso bilang choco milk at lacto juice na siyang ipinapainom sa mga malnourished na bata sa mga pampublikong paaralan sa lungsod. Taong 2006 nang magsimula silang magproseso ng iba pang mga produkto tulad ng kesong puti, pastillas de leche at lechetin sa ilalim ng pangalang “San Jose Caramilk”. Nagtapos ang proyekto ng EPMPC at NDA noong 2007. Sa tulong ng San Jose City LGU, nagtuloy ang milk feeding program, na tinawag na “Alay sa Bata”” sa mga lugar na may mataas na resulta ng malnutrisyon mula 2007 hanggang 2009. Ito ay nagbigay ng magandang kita sa koop. Gayunpaman, hindi maiiwasan ang pagkakaroon muli ng problema ng koop pagdating sa pagsasapamilihan ng gatas. Dahil sa pag-angat ng produksyon ng gatas at kawalan ng mapagdadalhan nito ay huminto ang koop sa pagkulekta ng gatas sa mga miyembro. Ito ang nagsilbing malaking hamon sa panunungkulan ni Melchor Correa bilang Chairman noong taong 2012. Mula sa orihinal na 25 miyembro ay naging 13 na lamang ang mga kasapi. Marami ang umalis at inilipat sa ibang kasapi ang pag-aalaga ng kanilang gatasang kalabaw. “Yung pagbawi sa tiwala ng mga miyembro ay matagal na proseso. Kaya ang una ko munang ginawa ay pasiglahin muli ang samahan at hanapin ang mga mamimili ng gatas,” ani Chairman Melchor. “Salamat sa Diyos, dahil hindi kami nabigo. May nakilala kaming buyer sa Dairycon na taga-Alcala sa Cagayan,” ani Chairman Melchor. Ang DairyCon o Dairy Confederation of the Philippines ay isang pederasyon ng mga kooperatibang maggagatas sa Pilipinas. Taunan itong nagsasagawa ng mga kumperensya na ang layunin ay pagsama-samahin ang mga negosyante, mga magsasaka at iba pang mga samahan upang talakayin ang mga napapanahong isyu patungkol sa industriya ng gatas. “Nang makatagpo ng buyer, nagsimulang bumalik ang sigla ng mga miyembro sa pag-aalaga ng kalabaw dahil nasisiguro na nilang magiging pera ang gatas na nakokolekta nila,” dagdag pa niya. Simula noon ay naging aktibong katuwang ang koop sa carabao-based enterprise development at pagsusulong sa pag-inom ng mga bata ng gatas ng kalabaw. Sa tulong ng provincial office ng Departmentof Trade and Industry (DTI), Department of Agrarian Reform (DAR), Small and Medium Enterprise Council (SMEDC), LGU-SJC at PCC, madalas nang lumalahok sa iba’t ibang trade fairs at exhibits ang kooperatiba upang maipakilala ang kanilang produkto. “Kung noon ay hirap kami sa kung saan dadalhin ang aming mga gatas ngayon ay nagkukulang pa at kailangan nang hati-hatiin ang mga gatas sa aming mga regular na mamimili,” sabi ni Chairman. Mula sa 25 kalabaw, umaabot na sa mahigit 450 na kalabaw ang nakatala sa koop na nasa pangangalaga ng 61 nitong miyembro. Nakapagtala naman ito ng 145,099.45 litrong gatas mula sa 91 gatasang kalabaw noong nakaraang taon. Ang EPMPC ay itinuturing na isa sa mga kooperatibang may pinakamaraming aning gatas na naibebenta sa ngayon. Dahil sa patuloy na pagsisikap at pagkakaisa ng samahan ay patuloy din ang katagumpayang kanila na ngayong inaani. General Trias Dairy Raisers Multi-Purpose Cooperative “Ang diwa ng bayanihan ng samahan ang naging susi ng tagumpay ng aming kooperatiba”. Ito ang naging pahayag ni Alonzo Reyes, unang tagapangulo ng General Trias Dairy Raisers Multi-Purpose Cooperative (GTDRMPC). “Dahil sa sama-samang pagtutulungan at pagkakapit-bisig ng mga miyembro sa panahong kami ay hirap sa pagsisimula ang siyang naging daan upang matamasa namin ang ginhawa na mayroon kami ngayon,” dagdag niya. Si Nerissa P. Marquez, kasalukuyang City Agriculturist ng Gen. Trias ay isa sa mga nanguna sa pagsisimula ng programa ukol sa pagkakalabaw sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Luis A. Ferrer noon. “Nakita ko kung gaano na lang ang dedikasyon ng mga magsasakang kasapi sa koop. Hindi mahalaga kung paanong naging napakahirap ng panimula. Ang importante ay nagtutulungan kaming lahat. Kung ano ‘yong meron kami ay pinagkakasya namin. Higit ko silang hinangaan dahil binago nila ‘yong kanilang pananaw dati na hindi kayang mabuo ang kanilang samahan nguni’t heto na sila ngayon matatag at kumikita”, ani Marquez. Ayon kay Samuel Potante, kasalukuyang Chairman, 10 maggagatas na miyembro lamang ang kinokolektahan nila noon at ngayo’y nasa 55 na maggagatas na ang kanilang kinukuhanan. Sa tulong ng local government unit (LGU) ng General Trias, ang GTDRMPC ay nagkaroon ng sarili nitong mga pasilidad sa pagproseso ng gatas. Ito ang kauna-unahan at bukod tanging processing center sa probinsya ng Cavite na naging posible dahil sa magandang ugnayan at pakikipagtulungan ng LGU, GTDRMPC, Korea International Cooperation Agency (KOICA) at ng PCC. Ang milyun-milyong pisong proyektong ito ay may kakayahang magproseso ng 500 litrong gatas. “Sa kasalukuyan, maraming paraan ng pagsasapamilihan ang isinasagawa ng koop tulad ng direktang pagbebenta ng produkto sa aming product outlet, paggawa ng produkto para sa aming mga kapartner na tindahan tulad ng Mr. Moo Milk Planet Co. na may walong sangay sa iba’t ibang lugar, YG Green to Gold Corp. sa Cavite, mga distributor na pribadong indibidwal, at pagbebenta ng produkto sa city hall ng Gen. Trias na kung saan ang Gentri’s Best ay itinampok bilang One Town, One Product (OTOP) ng siyudad”, ani Chairman Potante. Hindi maikakaila na ang GTDRMPC ngayon ay isang magandang halimbawa na ang magandang kooperasyon sa pagitan ng mga ahensya tulad ng PCC, KOICA, LGU-Gen.Trias, at DA-RFU IV ay magbubunga ng maganda at maraming kapakinabangan para sa mga miyembro nito. Catalanacan Multi-Purpose Cooperative Dalawampu’t-walong taon na ang nakalilipas, ang Catalanacan Multi-Purpose Cooperative (CAMPC) ay isa lamang payak at maliit na kooperatibang nagpapahiram ng agricultural loans sa kanilang mga kasapi. Ngayon, dahil sa ibayong pagsisikap at sakripisyo ng mga pinuno at miyembro nito ay isa na itong matagumpay na kooperatiba. Si Chairman De Gracia ang nagsilbing pinuno ng koop noong 1999. Ayon sa kanya ay nakaranas ng hirap sa pag-aalaga ang halos lahat ng miyembro na nabiyayaan ng kalabaw sa pagsisimula ng mga ito. Dumaan man sa matinding hamon sa pag-aalaga ng mga gatasang buffalo ay hindi naman ito naging dahilan upang tuluyang panghinaan ng loob ang mga kasapi ng koop hanggang dumating ang taong 2002 kung saan nakaranas na ang mga miyembro na makakulekta ng gatas mula sa mga alagang buffalo. Ang pagsasapamilihan ng nakulektang gatas ang sumunod nilang naging pagsubok. “Naging malaking hamon din sa samahan ang pagbebenta ng mga ani naming gatas dahil sa wala kaming mapagbentahan kundi sa kumunidad lamang na kung saan ay nagkaroon ng kumpetisyon sa pagbebenta ng mga ito. Taon 2002 na lamang nang kami ay pinayagang magbenta ng gatas sa PCC sa CLSU,” ani Chairman. Taong 2002 nang pasimulang itatag ang Nueva Ecija Federation of Dairy Carabao Cooperatives (NEFEDCCO) na kung saan ay naging miyembro ang mga kooperatibang pinahiraman ng PCC ng mga gatasang kalabaw. Layunin ng samahan na tulungan ang mga miyembrong kooperatiba sa pagsasapamilihan ng kanilang mga aning gatas. Ang CAMPC ay isa sa naging miyembro nito. “Taong 2003 nang kami ay magsimula nang magdala ng aning gatas sa NEFEDCCO at nagpatuloy ang pagdadala namin ng aning gatas hanggang taon 2013,” ani Chairman De Gracia. Kung ang ibang miyembro ay nakaranas ng hirap, ginhawa naman agad ang ibinigay ng gatasang kalabaw na naipahiram kay Leoncio Callo, isa sa mga miyembro na naging matagumpay sa pag-aalaga ng gatasang kalabaw. “Isa ako sa mapalad na nakatanggap ng gatasang kalabaw dahil pagkaraan lamang ng anim na buwan ay naglandi na ang aking kalabaw at taong 2001 ay nanganak na nga ito at nakapagbigay agad ng gatas. At simula nga noo’y taun-taon na ito kung manganak na umabot sa 12 anak hanggang sa ito ay bawian ng buhay noong 2015,” saad ni Callo. Mula sa isang gatasang kalabaw ay umabot sa 40 ang kanyang mga alaga noong 2013. Nakapagtala siya ng kitang Php1,500 mula sa 30 hanggang 40 litrong gatas na kanyang nakukulekta noon araw-araw. Taong 2012 ay umabot sa 9,468.5 litrong gatas ang kanyang inani na may katumbas na kitang Php359,803. Ang kada litro ay nagkakahalaga noon ng Php38. “Wala akong masabi kundi Wow! Malaki ang naitulong sa akin ng koop nguni’t mas malaki ang naging tulong ng PCC dahil binigyan kaming buong mag-anak ng mainam na kabuhayan. Hindi hirap kundi ginhawa ang naging sukli sa akin nito,” natutuwang kwento ni Callo. Ang kanyang mga kinita ng maraming taon sa paggagatas ay naging daan upang mapaayos at mapaganda ang kanilang bahay, makabili ng mga sasakyan tulad ng kotse, motor, handtractor, owner-type jeep, mga gadgets at mapagpatapos ng pag-aaral ang kanyang apat na anak. “Naging matagal man sa ibang miyembro bago makaranas ng ginhawa mula sa kalabaw hindi naman sila nawalan ng pag-asa dahil sa nakikita nilang magandang bunga nito sa iba nilang kasamahan. Pati mga anak at kapitbahay namin ay naengganyo na ring mag-alaga sa nakikita nilang pag-angat ng kalidad ng buhay ng mga miyembro,” dagdag ni Chairman. Dahil sa pagsisikap ng mga opisyales at miyembro ng koop ay nakapagpatayo ito ng sariling processing center sa pangunguna ng naitalagang Chairman noon na si Callo. Ito ay naging posible sa pakikipagtulungan ng koop sa DA technician ng Science City of Muñoz na si Eufrocina F. Honorio. Naging hudyat ito upang magsimula nang magproseso ang koop ng sarili nilang produkto. “Mga chocomilk ang dinadala namin sa mga eskwelahan at piling barangay ng Muñoz hanggang sa gumawa na rin kami ng iba pang produkto tulad ng espasol sa tulong ng Business Development and Commercialization Unit (BDCU) ng PCC. Nang ito ay maipasa namin base sa kanilang itinakdang kalidad ay nagsimula na rin kaming mag-display ng aming mga produkto saMilka Krem. Doon na nagsimulang dumami ang mga order sa amin mula sa 30 piraso ito ay naging 100 hanggang sa naging 200,” ani Callo. Lalong lumawak ang kanilang pagsasapamilihan ng produkto nang sila ay mapiling maging tagapangasiwa ng Dairy Box Delicatessen one stop shop taong 2015 na pinagtibay ng isang kasunduan sa pagitan ng PCC at ng kooperatiba. Ito ay matatagpuan malapit sa Milka Krem dairy outlet sa Science City of Munoz, Nueva Ecija. Tampok sa Dairy Box Delicatessen ang mga produktong pampasalubong at iba’t ibang pastries na gawa ng CAMPC at ng iba pang samahan ng mga magsasakang-maggagatas sa Nueva Ecija. Naging tuluy-tuloy ang mga biyayang natanggap ng koop hindi lamang mula sa PCC kundi maging sa iba pang sangay ng gobyerno. Kasabay ng pagbubukas ng Dairy Box ay ang pagtanggap nila ng karagdagang financial assistance mula sa Department of Agrarian Reform (DAR). Ang ayudang ito ay upang lubos na maisaayos ang kanilang processing center at maparehistro sa Food and Drug Administration (FDA) ang kanilang pwesto. Base sa kanilang naitalang rekord, mula taong 2010 hanggang 2016 ay umaabot na sa 294,414.21 litrong gatas ang kanilang naisapamilihan at ito ay may katumbas na kitang Php9,889,498.56. Nueva Ecija Federation of Dairy Carabao Cooperatives (NEFEDCCO) “Sa gitna ng mga sunud-sunod na pagsubok sa samahan, nanatili ang positibo naming pananaw para sa pederasyon,” pahayag ni Gerardo F. Santos, pinuno ng Nueva Ecija Federation of Dairy Carabao Cooperatives (NEFEDCCO). Kabilang sa mga produktong kanilang pinoproseso ay iba’t ibang flavor ng pastillas de leche, fresh milk, kesong puti, paneer cheese, flavored milk drink tulad ng strawberry milk, green milk at choco milk at iba’t ibang flavor ng yogurt drink. Ang kanilang produkto ay pinangalanan na Cremeria Ecijana. Ayon kay Chairman Santos naging posible ang lahat ng ito dahil na rin sa malaking tulong na naibahagi ng PCC upang maitatag ang samahan. “Noon nagsisimula pa lamang ang samahan, naging malaking instrumento ang PCC upang mabuo ito. Sa pakikipagtulungan sa iba’t ibang ahensya tulad ng DTI, DAR, Korean International Cooperation Agency (KOICA) at ng lokal na pamahalaan ng Talavera ay nagkaroon ng sariling processing center, products outlet at kumpletong kagamitan sa pagpoproseso ang NEFEDCCO. Taong 2003 nang ito ay maitatag,” saad ni Santos. Mula nang ito ay maitatag ay nagtuluy-tuloy na ang pederasyon sa pag-aangkat ng aning gatas mula sa kanilang mga miyembro. Naging pangunahin nilang bagsakan ng produkto ang Bulacan at hindi nagtagal ay nagdadala na rin sila ng kanilang mga produkto sa Batangas, Bulacan, Pangasinan, Cagayan, Makati at Quezon City. Nguni’t hindi naging madali ang lahat para sa NEFEDCCO dahil sa mga pagsubok na kanilang pinagdaanan. “May kakulangan noon sa imbakan ng gatas ang samahan kung kaya’t dumating sa punto na hindi na kayang iimbak ng NEFEDCCO ang mga nakukulektang gatas mula sa mga kasapi. Pero salamat at tumulong agad ang PCC na i-absorb ang surplus namin sa gatas,” dagdag ni Santos. Naging aktibo rin na supplier ng gatas ang pederasyon para sa feeding program na pinangunahan ng National Dairy Authority sa pakikipagtulungan ng LGU, Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Education (DepED) mula taong 2002 hanggang 2007. Umabot sa 18,751 na malnourished na mga bata ang nakabenepisyo mula rito. Nasundan muli ang milk feeding program sa tatlong distrito ng Quezon City ng taong 2014-2015 na nakapagbigay ng magandang kita para sa samahan. Sa kasalukuyan ay may 11 primary cooperatives ang nagdadala o inaangkatan ng gatas ng samahan. Ito ay ang Casile Dairy Cooperative, Pulong Buli Primary Multi-Purpose Cooperative Inc., San Vicente Dairy Cooperative, Nag-iisang Masikap PMPC, Buklod Producers Cooperative, Makabagong Kooperatiba ng Bantug PMPC, Bagong Pag-Asa sa Bagong Talavera PMPC, Aglipay Producers Cooperative, Kapitbahayan sa A. Mabini Producers Cooperative, Riverdale/Joson Farm at Pamayanang Umuunlad na Lakas Ani (PUNLA) PMPC. Noong Pebrero 2017 ay isa ang NEFEDCCO sa napiling pagkalooban ng kagamitan sa ilalim ng proyektong “Building Capacity and Strengthening Partnership for Carabao Development Program (CDP)” ng Component 3 ng proyektong isinasagawa ng Southeast Asian Regional Center for Graduate Study and Research in Agriculture (SEARCA) na pinondohan ng PCC. Sila ay nabigyan ng isang stainless milk cooling tank na may kapasidad na maglaman ng 500 litrong gatas. Sa pamamagitan nito ay mas may kakayahan nang makapag-imbak ng aning gatas mula sa mga primary cooperatives ang NEFEDCCO. Base sa kanilang tala, umabot sa 49,000 litrong gatas ang kanilang naproseso at ito ay nakapagbigay sa samahan ng kabuuang kita na Php4.5 milyon noong taong 2017. Bohol Dairy Cooperative “Hindi mabibilang ang mga biyayang nakamit na namin mula sa gatas ng kalabaw.” Ito ang masayang ibinahaging mga opisyales ng Bohol Dairy Producers Association (BODPA) patungkol sa kanilang kabuhayang salig sa pagkakalabaw. Taong 1998 ay naitatag ang isang maliit na kooperatiba na tinawag na Ubay Dairy Multi-Purpose Cooperative (UDAMCO). Sila ang mga unang nakatanggap ng Bulgarian Murrah buffalo mula sa PCC sa Ubay Stock Farm (PCC sa USF). Nasundan pa ito ng isang bagong kooperatiba, ang Mabini Dairy Multi-Purpose Cooperative (MADAMCO). Pinasimulan ng PCC sa USF ang pagsasanay sa mga miyembro ng samahang nabanggit ukol sa pagpoproseso ng mga produktong gawa sa gatas ng kalabaw, tamang pamamahala sa kanilang pondo at kung paano pamunuan at patatagin ang kanilang samahan. Dahil sa ipinakitang magandang potensyal na kumita mula sa gatas, nahikayat ang mga miyembro na magproseso ng gatas ng kalabaw sa mga produktong tulad ng chocomilk, pasteurized milk, milk bars, at pastillas de leche. Upang mas lalong tutukan ang pagsasapamilihan ng mga produktong ito, pinag-isa na lamang ang dalawang grupo kabilang ang Ubay Carabao Raisers Association, at ito ay tinawag na Ubay Federation of Carabao Raisers and Related Associations (UFECARRA). Nguni’t dumating sa panahong mas nangibabaw ang pagbebenta ng ibang produkto tulad ng aning gulay ng ibang miyembro ng pederasyon noong 2013 kung kaya’t unti-unting tumamlay ang mga opisyales nito. Dahil dito ay napagdesisyunan ng mga aktibong miyembro na mag-organisa ng panibangong samahan na limitado sa mga miyembrong maggagatas at tututok lamang sa mga produktong gawa sa gatas ng kalabaw. Taong 2014 ay nabuo ang isang bagong samahan na tinawag ngang BoDPA. Kabilang sa mga naging miyembro nito ay mula sa mga bayan ng Ubay, Mabini, Alicia, San Miguel, at Dagohoy. Nagsimulang magproseso ang samahan nang sumunod na taon sa tulong na rin ng PCC sa USF. “Dahil wala pa kaming sariling processing center, nagsimula kaming magbayad ng Php7 kada litro para sa toll processing fee ng PCC sa USF upang maproseso ang aming gatas at magawang produkto tulad ng chocolate milk, flavored buffalo’s milk, ice cream, torta, yema, cheese at yogurt,” ani Shirley Molina, General Manager ng BoDPA. Pagkaraan ng isang taon ay nakapagtala ang samahan ng kabuuang kita na Php6,048,057.84 mula sa kanilang mga naibentang produkto. Nagsimula rin itong magbahagi ng patronage refund at interest sa share capital ng kanilang mga miyembro. Ang kitang ito ay umangat pa nang mga sumunod na taon at noong taong 2017 ay umabot sa Php15,646,549.17 ang kanilang kabuuang kita na may netong kita na Php973,013.17 o 6.64% return on investment. Taong 2016 ay napagdesisyunan na irehistro ang BoDPA sa Cooperative Development Authority (CDA) sa panibago nitong pangalan, ang Bohol Dairy Cooperative (BODACO) upang mas maging madali sa kanila na makakuha ng karagdagang pinansiyal na tulong mula sa Philippine Rural Development Project (PRDP) na aabot sa mahigit na siyam na milyong piso. Kasabay ng pag-apruba ng CDA sa kanilang samahan bilang BODACO ay ang paggawad naman sa kanila ng PRDP ng karagdagang pondo noong 2017. “Malaki ang pasasalamat namin na napili kami ng PRDP upang pagkalooban ng pinansiyal na tulong. Sa pamamagitan ng pondong ito, mabibili na namin ang mga pangunahing suplay na kailangan sa pagpoproseso ng aming mga produkto bukod pa sa siguradong bayad na matatanggap na ngayon ng mga miyembro sa mga aning gatas na inaangkat namin mula sa kanila. Makakabili na rin kami ng karagdagang kagamitan tulad ng chiller o refrigerated van para mas maging malayo pa ang marating ng aming mga produkto,” dagdag ni Molina. Bukod sa kanilang natanggap na karagdagang pondo ay nabigyan rin ng panibagong oportunidad ang BODACO na mas mapalawak pa ang pagsasapamilihan nila ng kanilang mga produkto. Napili rin ng PCC ang BODACO na maging tagapangasiwa ng pangalawa at pangatlong Dairy Box outlet sa Bohol na matatagpuan sa Brgy. Tamboan, Carmen at sa Island City Mall sa Tagbilaran City. Sa kasalukuyan ay umaabot na sa mahigit 500 ang miyembro ng BoDPA na pawang magsasaka-maggagatas mula sa 26 na mga cluster member o asosasyon nito. Nasa 262 naman ang bilang ng magsasaka-maggagatas na nakulektahan ng 118,940.80 litrong gatas noong taong 2017. Ang pagtitiyaga, sama-samang pagsisikap na maitaguyod ang nabuong mga kooperatiba at pagpapanatili ng bukas at magandang relasyon sa pagitan ng PCC ang naging susi upang patuloy na matamasa ng mga samahan ito ang pag-angat sa buhay sa larangan ng paggagatasan. Ang kanilang mga kwento ang nagsisilbing buhay na patotoo na kaya nilang maabot ang tagumpay dahil sa gatasang kalabaw.
Terms and Conditions Welcome to DA-PCC Knowledge Portal (K-Portal)! Thank you for visiting k-portal.pcc.gov.ph website. Subscription to the K-Portal is free. We don’t charge you to use or access this platform. Your privacy and security are very important to us. Please read the information below for your guidance. Data Policy To provide you with the services of our K-Portal, we must process information about you. We do not collect your personal information unless you choose to provide them. Rest assured that we do not share or sell your personal information but we do collect technical information about your visit to our website. When you visit k-portal.pcc.gov.ph website, our system automatically stores: Your personal information that you provided for subscription (email, password, name) Date and time of subscription Words or information you searched for The publications/ categories you viewed on our website The items you clicked on our website Your comments Items you downloaded from our website This process does not collect or track any of your personal information but makes our website more useful to visitors. Through such information, we learn about the number of visitors to our website, detect operational problems, and continuously improve the website’s overall functionality and security. Your comments will be visible to the public. Please make sure to not share information that you do not want made available to the public. We will not be responsible for how other visitors may use your information. Please be reminded that when you voluntarily submit information, it constitutes your voluntary consent to the use of the information you submit for the website’s improvement and maintenance. General Disclaimer and Copyright Notice All the contents uploaded to our website are considered public information, which can be used as reference and may be shared but we strictly request that our agency, DA-PCC, and our knowledge portal website including authors of knowledge products be cited as the source of any information, photos, and images copied from this site and that any photo credits or bylines be similarly credited to the photographer or author. The articles, publications pdf, AVPs, books, manuals and other materials owned by DA-PCC should be directly acquired from the knowledge portal and not through other sources that may change the information in some way or exclude material crucial to the understanding of that information. Disclaimer While we make every effort to provide accurate and complete information, some information may change between site updates. With a lot of articles and documents available and uploaded within short deadlines, we cannot guarantee that there will be no errors. We make no claims, promises or guarantees about the accuracy, completeness or adequacy of the contents of this website and expressly disclaim liability for errors and omissions in the contents of this website.