May puhunan sa 'Plea': 'Tulong sa negosyong pagkakalabawan'

 

Laking pasasalamat ni Allan Benitez, 43, magsasakang-maggagatas mula sa Brgy. Porais, San Jose City, Nueva Ecija matapos niyang maipagpatayo ng koral ang kanyang mga kalabaw sa tulong ng Production Loan Easy Access o PLEA.

Aniya, dahil sa PCC, naging posible ang paglapit ng mga katulad niyang magsasakang-maggagatas sa Agricultural Credit Policy Council (ACPC) ng Department of Agriculture na siyang naglunsad ng programang PLEA. Layon nito na mapahiraman ng pera o loan ang maliliit na magsasaka at mangingisda upang tulungang mapalago ang kanilang mga kabuhayan. 

Isa lamang si Allan sa 44 na kasapi ng Simula ng Panibagong Bukas Multi-Purpose Cooperative (SIPBU MPC) na nakakuha ng loan na hindi hihigit sa Php50,000 at may taunang interes na 6%.

Para sa negosyong salig sa kalabaw, maaaring mag-loan para sa pambili ng mga gatasang hayop, mga kagamitan sa pagproproseso ng gatas, at iba pang pasilidad katulad ng koral. 

Pag-ahon sa Kahirapan sa Tulong ng Dairy

Biyaya kung ituring ni Allan ang kanyang pagkakalabawan na naging dahilan upang makapagpundar siya ng apat na ektaryang bukirin at magkaroon ng sapat na kita para sa pamilya.

Hindi niya malilimutan ang mga dinanas na hirap noong kanyang kabataan kapag tumutulong sa kanyang ama sa paghahanap-buhay. 

“Panganay ako sa tatlong magkakapatid. Hindi ako nakatapos ng pag-aaral kasi ako ‘yung katu-katulong ng tatay ko sa pagsasaka sa aming dalawang ektaryang bukirin,” kwento pa ni Allan.

Dagdag pa niya, “Pangarap ko kasi para sa dalawang anak ko na itong negosyo ko ngayon sa paggagatasan balang araw ay puwede ko nang ipamana sa kanila.  Sisiguraduhin ko ang maganda nilang kinabukasan para hindi nila maranasan ‘yung ganun sa naranasan kong hirap. Bagama’t pagtratrabahuan pa rin nila, mas madali na lang dahil andiyan na ‘yung mga kalabaw at ang kailangan na lang ay patakbuhin ng wasto ang negosyo.”

Emosyunal din niyang ibinahagi na minsa’y naranasan niya sa kaniyang buhay bilang padre de pamilya na wala man lang siyang maipakain sa pamilya.

Kaya naman ibayong pagsisikap ang ginawa niya upang maparami ang isa niyang kalabaw na natanggap niya mula sa PCC. Ngayon ay aabot na sa 27 kalabaw ang kanyang inaalagaan at ginagatasan. Kumikita siya ng ‘di bababa sa Php1,200 hanggang Php1,500 kada araw. Dahil sa patuloy na pagdami ng kaniyang mga alagang kalabaw, minabuti niyang pagawan ang mga ito ng mas maayos na koral.  

Ang PLEA, PCC at Kooperatiba

Taong 2012 nang manungkulan si Allan bilang Chairman ng SIPBU MPC. Ang nasabing kooperatiba ay kabilang sa mga inilakad ng PCC na maging ‘‘credit conduit’’ o tagasingil at tagapagpadala ng perang nasingil sa ACPC para sa PLEA.  PCC din ang tumutulong sa mga magsasaka upang makahanap ng ‘‘credit conduit’’ kung saan maaaring makipag-ugnayan ukol sa PLEA.

Bukod sa mababang interes ay walang kolateral ang PLEA. Ayon kay Allan, ang anim na porsiyentong interes ay mapupunta sa kooperatiba bilang pondo at ang aktuwal na kabuuang halaga lang ng inutang ang siyang ibabalik sa ACPC. Kung kaya’t bukod sa kanyang personal na paglago, kasabay ding uunlad ang kooperatiba. 

Ayon kay Joshua Villanueva, financial analyst ng PCC Business Development and Commercialization Unit, kayang bayaran ng isang magsasakang-maggagatas ang loan sa PLEA sa loob ng isa hanggang dalawang taon. Aniya bilang enabler, PCC ang tumutulong sa paglakad ng aplikasyon ng mga kooperatiba na maaaring maging isang credit conduit ng ACPC base sa itinalagang kuwalipikasyon.

Kabilang sa mga kooperatibang tinulungan ng PCC ang mga credit conduits na ng PLEA katulad ng SIPBU MPC, Eastern Primary Multi-Purpose Cooperative, Parcutela Multi-Purpose Cooperative, Pulong Buli Primary Multi-Purpose Cooperative at Catalanacan Multi-Purpose Cooperative sa Luzon at Lamac Multi-Purpose Cooperative sa Visayas.

 “Wala na marahil ang tatapat sa relasyon namin sa PCC kung mga benepisyo lang ang pag-uusapan. Hindi bubuti ang aming pamumuhay kundi dahil sa PCC at ang maganda pa roon ay hindi natatapos ang pagtulong nito katulad ng pagbibigay sa amin ng mga kinakailangang pagsasanay upang lalo naming mapagbuti ang pagkakalabaw.”

Ani Allan, masaya siya dahil kaunting panahon na lang ay matatapos na niyang bayaran ang loan mula sa PLEA na mag-iisang taon na sa Oktubre.

 

Author

0 Response