Dagdag-kita sa de-kalidad na gatas

 

Malaki ang panghihinayang ni Eliseo “Eli” Mislang ng Eastern Primary Multipurpose Cooperative sa San Jose City sa ani niyang gatas araw-araw na hindi pumapasa sa pagsusuri na karaniwang umaabot sa 14 na litro.

Bunga nito, ang inaasahan sana niyang dagdag-kita ay ni hindi dumapo sa kaniyang palad.

Binibili ng kanilang kooperatiba ang gatas sa halagang Php60 kada litro. Kung kukwentahin, nasa Php800 ang kitang nawawala sa kanya araw-araw.

“Hindi pala sapat na maayos lang ang paraan mo ng paggagatas. Dapat ay maayos din ang lalagyan ng gatas kapag dinala mo ito sa pamilihan,” ani Eli.

Nakasanayan ni Eli na ilagay sa galon o plastik na lalagyan ang gatas na idedeliver niya sa kanilang kooperatiba na mahigit-kumulang tatlong kilometro ang layo mula sa kanilang bahay.

Naobserbahan niya na nagiging sanhi ng pagkapanis ng gatas o pagka-reject nito ang hindi masyadong napapalamigang gatas at nalilinisang lalagyan.

Dalawang beses sa isang araw maggatas ng kalabaw si Eli kung kaya’t kinakailangan niyang madala ang nakulekta sa hapon.

“Pinipilit kong maideliver ‘yong gatas sa hapon bago magsara ‘yong koop kasi kapag hindi umabot ay patung-patong sa freezer namin ‘yong gatas at ‘yong iba ay napapanis dahil sa lalagyan,” kwento ni Eli.

Proyekto ng PCC at PCAARRD

Laking pasasalamat ni Eli nang maging isa siya sa mga benepisyaryo ng proyektong “Milk Quality and Safety Assurance from Farm to Milk Processing Plant” na pinangungunahan ni Mina Abella, supervising science research specialist ng PCC.

Ang proyekto, na gagawin sa loob ng tatlong taon, ay bahagi ng programang “Enhancing Milk Production of Water Buffaloes through S&T Interventions” ng PCC at Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (PCAARRD) na siyang nagpondo para sa nasabing programa. 

Ayon kay Abella, layunin nitong mapataas ang produksyon ng gatas ng kalabaw sa Nueva Ecija at San Agustin, Isabela sa pamamagitan ng mga S&T interventions na kung saan kabilang ang proyektong ukol sa pagpapanatili ng magandang kalidad at ligtas na inuming gatas.

“Isa sa mga nagiging problema ng mga maggagatas natin ay mababang kalidad ng gatas. Hindi lang dapat kung paano mapatataas ang produksyon ng gatas ang itinuturo natin dapat ay maibahagi rin natin ang mga teknolohiya sa kung paano mapananatili at mapabubuti ang kalidad ng gatas mula sa farm, sa planta, hanggang makarating sa mga mamimili,” paliwanag ni Abella.

Dagdag niya, layon din ng proyekto na ihanda ang mga maggagatas sa pagsunod sa Dairy Safety Regulations sa ilalim ng Food Safety Act of 2013 kung saan binabanggit ang mga responsibilidad at gampanin nila sa pagseguro ng kalidad ng gatas at kaligtasan ng mga mamimili.

Layunin ng proyekto na mapababa ang insidente ng pagkasira ng gatas sa pamamagitan ng maayos at pinagbuting sistema ng pagpapanatili sa kalidad at kalinisan nito.

“Kahit maganda ang kalidad ng gatas sa antas ng magsasaka kung hindi naman malinis at maayos ang handling practices ng taga-kolekta ng gatas, maaaring pagdating ng gatas sa planta ay mababa na ang kalidad nito na siyang nagiging sanhi ng pagka-reject nito,” sabi ni Abella.

Kinapapalooban ng tatlong aktibidades ang proyekto. Una ay ang “Assessment of Existing Milk Handling Practices and Farm Level Milk Quality”, pangalawa ay ang “Provision of Interventions for Improved Milk quality” tulad ng mga pagsasanay, coaching at mentoring, pagkakaloob ng support facilities at milk testing kit, at ang pangatlo ay “Monitoring and Evaluation”.

“Para maipatupad nila ang pagsusuri ng gatas sa kooperatiba, nagbigay din kami ng milk testing kit na sa tingin namin ay magagamit nila sa simpleng pagsusuri ng kalidad ng gatas tulad ng alcohol test, lactometer test, at organoleptic test,” ani Abella.

Bagama’t hindi pa tapos ang proyekto ay may mga positibo na ring pagbabago ang nadokumento ng research team ni Abella partikular na ang pagtalima (conformance) ng mga magsasaka na sumunod sa mga tamang kagamitan at pamamaraan sa paggagatas, pangongolekta at pagdedeliver ng gatas.

Ayon sa tala ng processing plant ng PCC, bumaba ang rejection rate sa mga nadedeliver na gatas mula sa 7.94% noong 2016 sa 1.07% nitong Mayo.

Dahil naman sa ipinamalas na sigasig at malugod na pagtanggap sa proyekto ni Eli, napagkalooban siya ng isang milk can na may kapasidad na maglaman ng 20 litrong gatas, isang stainless na timba sa paggagatas, at isang insulated box.

“Simula noong milk can na ang gamit kong lalagyan ng gatas ay hindi na ako napapanisan,” masayang patotoo ni Eli.

Isa rin, aniya, sa natutunan niya sa proyekto na mainam sa katulad niyang dalawang beses kung maggatas sa isang araw ay ang paggamit ng insulated box na nilalagyan ng yelo at asin bilang alternatibong paraan sa pagpapalamig ng gatas.

“Wala pong narereject kahit na kinabukasan ng umaga ko na ideliver ‘yong gatas na nakolekta ko sa hapon dahil sa paggamit ko ng insulated box. Napakalaking tipid din dahil hindi ko na kailangan gumamit ng kuryente para magpalamig ng gatas,” salaysay ni Eli.

Sa kasalukuyan, 23 ang inaalagang kalabaw ni Eli na kung saan 10 ang kumpirmadong buntis at inaasahang manganganak sa taong ito.

Nakakokolekta siya ng 25 litrong gatas mula sa mga ginagatasang kalabaw na dinadala niya sa kanilang kooperatiba.

Batay sa mga natutunan ni Eli sa mga pagsasanay na isinagawa ng PCC, para mapanatili ang ligtas at magandang kalidad ng gatas dapat malinis ang mga sumusunod: lugar ng pinaggagatasan, alagang kalabaw na gagatasan, taong maggagatas, lalagyan, at katsa na pansala ng gatas.

“Ngayon, buung-buo ko nang nakukuha ang kita ko sa gatas dahil wala nang narereject. Nagpapasalamat ako sa napakagandang proyekto ng PCC at PCAARRD para mapaganda ang kalidad at masegurong ligtas na maisapamilihan ang gatas na nakokolekta ko,” nakangiting sabi ni Eli.

 

Author

0 Response