Wastong paraan, kalidad ng pagpapakain mahalagang aspeto sa mataas na produksyon ng gatas ng kalabaw

 

Importanteng mapanatili ang maayos at wastong nutrisyon ng mga alagang hayop para maibigay ang inaasahang kumpletong pakinabang mula rito gaya ng pagbibigay nito ng mataas na produksyon ng gatas.

Kung tututukan ang nutrisyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng sapat at dekalidad na pakain sa mga alagang hayop, inaasahang positibo rin ang resultang ibabalik nito sa nag-aalaga.

Isa ito sa mga aspetong pinagtuunan ng atensyon ng programang “Enhancing Milk Production of Water Buffaloes Through S&T Interventions” ng PCC at Philippine Council for Agriculture, Aquatic, and Natural Resources Research and Development (PCAARRD).

Isa sa mga bahagi ng programa ay ang proyektong “Development of Feeding Protocols and Practices to Support the Nutritional Requirement of Dairy Buffaloes” na pinangungunahan ni Dr. Daniel Aquino, center director ng PCC sa Central Luzon State University (PCC@CLSU).

Ayon kay Dr. Aquino, layunin ng tatlong taong proyekto na mapataas ang produksyon ng gatas ng kalabaw at matamo ang karaniwang pitong litrong produksyon kada araw sa mababang halaga sa pamamagitan ng pinagbuting sistema ng pagpapakain.

“Kung hindi sapat at mababa ang kalidad ng nutrisyon ay nagdudulot ito ng mababang body condition score (BCS) ng kalabaw. Ang resulta niyan ay mababang produksyon ng gatas, madaling pagkakasakit o ang pagkamatay ng kalabaw, at siyempre mababa ang kita ng mga magsasaka. Kaya naman mahalagang matutukan ang tamang pakain sa mga hayop,” ani Dr. Aquino.

Ang proyekto ay alinsunod sa adhikain ng programa na mapataas mula sa 500,000 kg hanggang 2,000,000 kg ang produksyon ng gatas sa Nueva Ecija na itinalagang National Impact Zone para sa Carabao Development Program ng PCC.

Maliban sa Nueva Ecija, kasama rin sa lugar ng pananaliksik ang San Agustin, Isabela na kung saan sa loob ng panahon ng implementasyon ng programa ay gagawing 190,000 kg ang produksyon ng gatas nito na dati ay 17,000 kg. Ito ay inaasahang magreresulta ng kapakinabangan at karagdagang kita para sa mga magsasakang-maggagatas.

Pagtanggap sa teknolohiya

Ayon sa research team, ilan sa mga problemang nakalap nila base sa survey questionnaire na isinagawa sa mga piling magsasakang-maggagatas sa Nueva Ecija at San Agustin ay ang kakulangan sa pakain at maayos na pamamahala, walang sariling taniman ng damo o legumbre (forage garden) at ang hindi pagsunod sa tamang (standard) rasyon ng pakain. 

“Kung ano ang problema sa pagkain, ‘yon ang tutugunan ng proyekto at ang paggamit ng mga magsasaka  sa mga teknolohiya na akma sa kanilang bukid gaya ng pagtatanim ng damo at legumbre. Kaya ang ginawa namin, nagpunla kami ng mahigit 600,000 pirasong legumbre sa PCC@CLSU bilang forage nursery at ibinahagi sa mga magsasaka para itanim sa kani-kanilang mga bakuran,” salaysay ni Christian Lacanilao, science research assistant ng PCC at isa sa mga miyembro ng research team.

Ang mga benepisyaryong magsasaka ay pinagbukud-bukod ayon sa dami ng kalabaw na inaalagaan, lawak ng taniman ng pakain, at uri ng lugar kung sahod-ulan (rainfed) o may patubig (irrigated).

Nakapagbahagi sila ng 134,420 potted legume seedlings (Gliricidia sepium, Leucaena leucocephala, Desmodium rensoni, at Indigofera anil) at 619,000 cuttings ng Pakchong sa 60 magsasakangmaggagatas sa Nueva Ecija para sa rainfed at irrigated areas. Sa San Agustin, Isabela naman ay 29,250 legume seedlings ang ipinamahagi sa 33 na magsasakang maggagatas na may crossbreds.

Ayon kay Lacanilao, nagtanim din ang research team ng improved grasses (4 hektarya) at legumes (6 hektarya) sa Digdig, Carranglan para sa commercial seed production. Isang paraan ito upang may sapat na suplay na buto para sa mga magsasaka na gustong makapagprodyus ng sapat at masustansyang pagkain mula sa pinaghalong sangkap na grass-legumes feeding technology.

Maaari ding bumili ng buto sa Digdig ang mga interesadong magsasaka na hindi kasali sa proyekto. Ito rin ay ibebenta, aniya, sa DairyBox (isang tindahan ng mga pasalubong na pinamamahalaan ng kooperatiba) nang sa gayon ay kumalat ang teknolohiyang ito sa pakain.

Pamantayan sa pagpapakain

Kasama sa layunin ng proyekto na maturuan ang mga magsasaka na magtanim ng pakain sa kani-kanilang sariling mga bakuran o homegrown forage production. Isang paraan ito para hindi na sila kung saan-saan pang lugar maghahanap at magsasakate ng pakain sa mga alagang kalabaw. 

“Kapag may sariling tanim na sila, makakasanayan na rin nila ang total confinement para sa mga alaga nila. Hindi na nila ito isusuga kaya naman maiiwasan na rin ang pagkakasakit o pagkamatay mula sa parasitikong liverfluke,” ani Dr. Aquino.

Mahalaga rin, aniya, na magkaroon ng standard ration (grass-legumes-feeds) ng pakain ang mga magsasaka para sa mga alagang kalabaw. Magsisilbing kanin ng kalabaw ang damo, habang ulam naman ang legumbre na ipinamahagi ng research team.

“Kinukwenta namin kung ano ang feeding requirements para sa isang buong taon base sa dami ng alaga nilang kalabaw. Kung ilan ang dapat na katumbas na dami ng kanin at ulam. Karaniwan kasi nasa 70%-80% ang kanin o damo habang 20%-30% naman ang ulam o legumes,” paliwanag ni Dr. Aquino.

Inirerekomenda ng research team ang ganitong formulation o ang tinatawag na “Total Mixed Ration” ng pakain sa isang araw para sa isang ginagatasan at inahing kalabaw: 50 kg na damo, limang kilong dahon o usbong ng legumbre, at dalawang kilong konsentreyt. Ang ganitong formulation ng pagkain ay kumpleto na, anila, sa energy, protein, vitamins at minerals.

Kasalukuyang nagsasagawa ng magkakaibang pagpapakain (feeding trials) ang research team para sa lumalaking kalabaw (growing) at ginagatasang (lactating) kalabaw.

Tig 10 piling lumalaki at ginagatasang kalabaw ang nasa ilalim ng treated group o iyong pinakakain ng formulated ration at tig 10 rin para sa control o iyong nakagawiang paraan ng pagpapakain.

Ito ay paraan para malaman ang pinagkaiba ng epekto ng dalawang sistema ng pagpapakain batay sa average daily gain ng growing at produksyon ng gatas ng lactating na hayop.

Maliban dito, nagsagawa rin ang research team ng calf rearing trial para sa mga bulo gamit ang milk substitute. Hinati rin ito sa dalawang grupo para sa control at treated.

“Inaasahan natin ngayon na kapag gumanda ang katawan o BCS noong hayop, madali na itong mabuntis, matibay siya sa sakit, at siyempre dadami na ang gatas. Kaya ang kontribusyon ng nutrisyon doon sa produksyon ng gatas ay mahalaga. ‘Yon ang tungkulin ng nutrisyon sa pagtamo ng layunin nating dalawang milyong litro ng produksyon ng gatas,” pagbibigay-diin ni Dr. Aquino.

Patotoo ng benepisyaryo

Bagama’t kasalukuyan pang isinasagawa ang proyekto na inaasahang matatapos sa Pebrero sa susunod na taon, may mga inisyal ng obserbasyon ang isa sa mga benepisyaryo ng proyekto na si Ferdinand Urbano ng Nag-iisang Masikap Multi-Purpose Cooperative.

Naobserbahan niya na simula noong sinunod niya ang “grass-legumes-feeds feeding”, mabilis nang maglandi ang kanyang kalabaw. Isang buwan matapos itong manganak ay nabuntis ito kaagad.

“Dati kasi ‘yong kalabaw ko na ‘yan hindi ganoon kabilis mabuntis kasi walang legumes ‘yong pakain ko, buti na lang ngayon at may tanim na ako. Naobserbahan ko rin na kahit noong nanganak siya, hindi bumababa ‘yong BCS niya,” patotoo ni Urbano.

Dagdag pa niya: “Para sa’kin at talagang nakita ko na mahalaga na maayos ang pakain natin sa mga alagang kalabaw para mataas din ang ibigay nitong gatas.”

Maliban sa nutrisyon at pakain, kasama rin sa mga mahahalagang bahagi o intervention ng programa ang Reproductive Biotechnology, Animal Health Management, Milk quality evaluation and safety assurance, at field application of science-based technologies para mapataas ang produksyon ng gatas.

 

 

Author

0 Response