Dalawang haligi ng kooperatiba sa pagkakalabawan mula pa noon

 

Sa isang samahan, malaki man ito o maliit, mahalaga ang bahaging ginagampanan ng tagapanguna o pinuno para sa pagtatatag nito.

Sa kanilang pamumuno nakasalalay kung paano masusustinihan ang paglago ng samahan at matitiyak ang patuloy na aktibong pakikilahok at kaukulang nakaatang na mga pananagutan ng mga kasapi nito.

Sa industriya ng paggagatasan, may mga ilang samahan o kooperatiba na sa mahabang panahon ay nananatiling matibay at matatag. Tulad halimbawa ng mga kooperatibang nabuo sa pangunguna ng mga lider na sina Primo Natividad ng Pulong Buli Primary Multi-Purpose Cooperative Inc. (PBPMPCI) at Anthony Alonzo ng Brotherskeepers Multi-Purpose Cooperative (BMPC). Mula noon, hanggang ngayon, sila at ang kanilang kooperatiba ay nakatindig pa at patuloy pang sumusulong sa pag-unlad.

Di mapasusubalian na sila ay mga lider na nais makatulong sa mga kapwa magsasaka kaya’t naglakas-loob na mangunang bumuo ng kooperatiba at sumali sa programang pagkakalabawan na itinataguyod ng Philippine Carabao Center (PCC). 

Si Ka Primo

Tapat at lantad kung maghayag ng kanyang opinyon at saloobin.

Ito si Primo Natividad, mas kilala bilang “Ka Primo”,  na ngayo’y 66 na taon na. Siya ang tagapamuno ng Pulong Buli Primary Multi-Purpose Cooperative Inc. (PBPMPCI) na nakabase sa brgy. Pulong Buli ng Sto. Domingo, Nueva Ecija. 

Taong 1991 nang maitatag ang PBPMPCI. Buong pagkakaisang hinirang si Ka Primo bilang chairman ng grupo na noo’y 27 ang miyembro.

Ayon sa kanya, isa lang ang nasa isip niya noong mga panahong naitatag ang kooperatiba at iyon ay “kung paano mapaaangat ang buhay ng mga magsasaka na miyembro ng kooperatiba”.

Ang una nilang naging operasyon ay crop production at iba’t ibang programa sa pagpapautang tulad ng provident, educational, at emergency loan.

Taong 1999 nang mapahiraman ng 50 Bulgarian Murrah at dalawang bulugan ang kanilang kooperatiba. Naghahanap noon ang PCC ng mga recipients at dahil sila lamang ang natitirang matatag na kooperatiba sa kanilang bayan, inirekomenda sila ng kanilang munisipyo.

Sa kasalukuyan, ang PBPMPCI ay may 98 aktibong miyembro at panlima sa mayroong pinakamaraming gatasang kalabaw sa 47 kooperatiba sa paggagatas sa buong National Impact Zone (probinsya ng Nueva Ecija).

Mula sa 50 ay naparami ang mga gatasang kalabaw sa 144 na nasa pangangalaga ng mga kasapi. Dalawampu’t anim sa mga ito ang kasalukuyang ginagatasan na umaabot sa 147 litro ng gatas ang nakokolekta araw-araw. Kanilang ipinagbibili ang aning gatas sa Nueva Ecija Federation of Dairy Carabao Cooperatives (NEFEDCCO).

Noong 2017, nagtala ang koop ng 32,877.39 litro ng inaning gatas na nagkakahalaga ng Php1,695,636.35.

Bilang isang lider, mahalaga kay Ka Primo ang katapatan ng namumuno at mga pinamumunuan nito.

“Kapag hindi ka matapat, lalong hindi mo maaasahan na magiging matapat ‘yong miyembro mo sa’yo. ‘Yong miyembro naman na nagbabalak ng hindi maganda para masira ang koop dapat kausapin at pagsabihan mo,” ani Ka Primo.

Dagdag pa niya: “May mga anay sa samahan. ‘Yon ang binabantayan ko. Kung hindi ko ginagawa ‘yon, marahil ay matagal nang wala ang koop na ito.”

Dahil nga sa pagiging masigasig at disiplinadong lider ni Ka Primo ay nabigyan siya ng “leadership award” ng PCC.

Maliban dito, ang kanilang kooperatiba, ay pinagkalooban ng mga kagamitan, makinarya at proyekto ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno upang maging tulong sa paglago pa ng kooperatiba.

“Maraming offer na mga proyekto ang DA. Tinatanggihan ko na ‘yong iba kasi ayoko naman na tanggap ka nang tanggap ‘di mo naman kayang ituloy at patakbuhin. Kaya tina-timing ko lang, pinag-aaralan ko rin kasi kung kaya ba ng mga miyembro na itaguyod ito,” paliwanag niya.

Ibinahagi rin ni Ka Primo na naranasan niyang magkaroon ng kaunting tampo sa kanya ang pamilya niya dahil sa pagiging “hands-on” niya sa kooperatiba.

Ayon sa kanya, malaki rin ang naging pakinabang ng mga programa ng kooperatiba na ipinanukala niyang ilunsad partikular na ang educational loan program sa mga anak ng mga miyembro at maging sa kanyang mga anak. Aniya, marami sa mga anak ng mga miyembro ang nakapagtapos na ng pag-aaral kabilang ang kanyang dalawang anak dahil sa programang ito ng kanilang koop.

Dahil sa maayos na pamamalakad at pagkakaroon ng disiplina ng bawa’t miyembro, ang PBPMPCI ay nananatiling isang matatag na samahan ng mga magsasakang-maggagatas.

Si ka Anthony

Dala ang hangaring makatulong sa mas nakararami, sinimulan ni Anthony Alonzo na buuin ang Brotherskeepers Multi-Purpose Cooperative (BMPC) na matatagpuan sa brgy. Malasin, San Jose City, Nueva Ecija. Ang naging operasyon nito ay financing at pagkakalabawan.

Karamihan sa mga naging miyembro nito ay mga kasamahan niya sa simbahan, empleyado, at mga good customers ng kanyang sariling appliance center business.

“Mula noong mabago ako ng Panginoon, ang naging nasa isip ko na lang ay kung paano mapalalawak ang mapagkakakitaan para marami akong matulungan,” ani Ka Anthony, ngayo’y 71 na.

Nagsimula sa 25 miyembro, ang BMPC ay may 1,000 miyembro ngayon sa buong Nueva Ecija. Nguni’t aminado rin si Ka Anthony na hindi lahat ng mga miyembro ay nahikayat na sumuong sa pagkakalabawan.

Isa ang BMPC sa nabiyayaan ng 25 gatasang kalabaw ng PCC.

Nagsimula sa tatlong kalabaw lamang, ngayon ay umabot na sa 30 ang inaalagaang kalabaw ni Ka Anthony. Sa bilang na ito, lima ang ginagatasan, apat ang buntis, at pito ang palahian.

“Bumibili ako ng paisa-isa. Kung ipagbibili namin ‘yong lalaki, papalitan agad ng babae kasi ang programa ko d’yan ay ang produksyon ng gatas,” aniya.

Nakakukuha sila ng 18-20 litro ng gatas araw-araw na ipinagbibili naman nila sa Eastern Primary Multi-Purpose Cooperative, isang kooperatiba rin ng mga maggagatas na inaasistehan ng PCC. 

“Siguro pagkalipas ng dalawang taon, isa na rin ‘yong mga inaalagaan ko sa maraming magbigay ng gatas dahil ‘yong sa iba ay matatanda na,” ani Ka Anthony. “Wala silang next generation, ‘di katulad nang sa ‘kin na inihahanda ko talaga ang pagpapalit sa mga humina na. Kapag nanganak ‘yong apat kong buntis, mayroong mga nakasunod na manganganak ulit na pinapalaki namin,” dagdag niya.

Ayon kay Ka Anthony, plano pa niyang paramihin ang mga inaalagaang kalabaw para kung halimbawang wala pang stock ng kalabaw ang PCC ay siya ang magpapahiram sa miyembro nila na nais mag-alaga ng kalabaw o gustong madagdagan ang inaalagaang kalabaw.

“May seminar kami sa PCC na dinaluhan. Ang sabi nila maganda ang kinabukasan dito. Ang kailangan lang ay paghandaan, palakihin, at paramihin namin ang kawan. Sinusunod ko lang ‘yon kasi tama naman sila, e. Awa ng Diyos, maganda naman ang farm operation namin para marami rin akong matulungan,” aniya.

May apat siyang tauhan sa pag-aalaga ng kalabaw at pagtatanim na natutulungan din niya sa iba’t ibang paraan.

“Maliban sa sinusuwelduhan ko sila, may karagdagang tulong sa kanila kapag umaani ang aming fish pond. May porsiyento din sila kapag umani naman sa gulayan. Hindi na nila problema ang pagkain,” wika niya.

Si Ka Primo… si Ka Anthony… Dalawa silang matitibay na haligi mula noon hanggang ngayon. At, puspos pa sila ng pag-asa na magbubunga pa ng marami ang kanilang pagsisikap sa pagkakalabawan para sa kapakinabangan din ng iba.

 

Author

0 Response