Umuunlad na pagkakalabawan sa Leon, Iloilo

 

Base sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) mula Abril hanggang Hunyo ng kasalukuyang taon, ang mga nangungunang limang rehiyon na may pinakamataas na imbentaryo ng kalabaw sa buong bansa ay Bicol, Western Visayas, Cagayan Valley, Central Luzon at Eastern Visayas. Ang mga rehiyong ito ay may 44.87% ng kabuuang 2.9 milyong populasyon ng mga kalabaw sa bansa.

Sa limang rehiyong nabanggit ay pumapangalawa ang Western Visayas na nagtala ng 300,958 na bilang ng kalabaw.  Karamihan sa mga ito ay matatagpuan sa Panay Island, partikular na sa Iloilo. 

Ayon kay Arn Granada, center director ng Philippine Carabao Center sa Western Visayas State University (PCC sa WVSU), isa ang Leon, Iloilo sa aktibong kaagapay ngayon sa pagsusulong ng industriya ng pagkakalabaw sa Kabisayaan.

Ang bayan ng Leon

Ang bayan ng Leon ay isang 2nd Class municipality na binubuo ng 85 na mga barangay. Tinagurian itong “Vegetable Basket of Iloilo Province” dahil ito’y pinag-aanihan ng suplay na gulay at prutas tulad ng asparagus, repolyo, Baguio beans, sayote, talong, saging at strawberries.

Sa bayang ito, tanyag ang Sitio Tabionan sa Barangay Bucari bilang “Little Baguio” ng Western Visayas dahil ito’y isang bulubunduking lugar na ang temperatura ay nasa malamig na karaniwang mula 18-20 °C at kung minsan pa’y bumababa sa 10 ° C sa mga buwan ng Disyembre hanggang Pebrero.

Pag-aani ng buko ng niyog ang isa sa pangunahing pinagkakakitaan ng mga naninirahan dito. Gayunman,  hindi sa lahat ng panahon ay may napipitas na buko. Dahilan ito kung kaya’t naisipan ng mga miyembro ng samahang “Confederation of Coconut Farmers’ Organizations of the Philippines” sa pangunguna ng kanilang regional chair na si Perlito Echeche na gawin nilang proyekto ang pag-aalaga ng mga kalabaw dahil wala naman silang puwedeng ipanghalili sa maaaring pagkakitaan mula sa pag-aani ng buko.

Taong 2000 nang pasimulan ang carabao upgrading sa ilang piling barangay sa Leon. Iyon ang naging simula ng pagkakaroon ng mga naipanganganak na mga bulong crossbreds. Sa kabila nito, wala namang nanguna upang i-organisa ang samahan ng mga crossbred owners. Karaniwang  ibinibenta ang mga crossbred kapag sapat na ang edad  na karaniwang mas mataas naman ang halaga sa kanilang auction market upang gawing karne.

“Iyong samahan namin, wala naman talagang pera. Tuluy-tuloy lang ang daloy ng impormasyon sa mga kasapi sa madalas naming pagpupulong upang maisagawa ang pagsasaayos ng aming mga programa. Kadalasan nga, ambag-ambag lang kami sa aming pagkain kapag nagpupulong,” ani Echeche.

Dagdag niya, pumasok sa kanyang isip ang paglulunsad ng livestock development project dahil wala naman silang maisip na pananim na maaaring ma-intercrop sa mga tanim nilang niyog. Sa nakuha niyang datos, may panganib na tuluyang maubos ang kalabaw na inaalagaan nila.

Upang lalong mapabilis ang pagpaparami ng crossbred sa Leon, ay lumapit sila sa kinauukulan at noong 2013 ay pinahiraman ang mga kwalipikadong miyembro ng kanilang samahan ng 40 bulugan na Bulgarian Murrah Buffalo (BMB). Kaugnay nito, isinagawa naman ng PCC sa WVSU ang mga aktibidad na magpapatatag sa samahan na tulad ng program orientation, trainings, technical support at on-site visit sa mga napahiraman ng mga bulugang kalabaw.

Pagkaraan ng ilang taon ay nakita na ang magandang resulta ng kanilang ginawang inisyatiba. Taong 2016 ay umangat na ang bilang ng crossbreds sa lugar at dahil dito ay mas naganyak ang samahan na pagkakitaan ito sa pamamagitan ng pagpapalaki sa mga babaeng kalabaw upang gawing gatasan sa    halip na ibenta sa pamilihan para gawing karne.

Tulong ng PCC

Sa tulong na rin ng PCC sa WVSU, pinagbuklod ang mga crossbred buffalo owners at bull loan recipients sa samahang “Leon Confed Farmers Dairy Association (LECOFADA)” noong Oktubre 7, 2017. Nilayon ng samahan na sumuong  ang mga miyembro sa kabuhayang salig sa pagkakalabawan para maiangat ang kanilang pamumuhay.

Nagsimula sa 100 miyembro ang samahan. Nang lumaon, umabot ito sa 160 na ang 130 sa kanila ay  may alagang crossbreds.

“Nagsasagawa kami ng mga libreng serbisyo tulad ng artificial insemination upang maparami pa ang populasyon ng kalabaw sa Panay Island. Ang mga crossbred ay may kakayahang magbigay ng gatas mula apat hanggang anim na litro at maaaring ibenta sa halagang Php50 kada litro,”ani Direktor Granada.

Idinugtong niya na sa nakalipas na pitong taon, dahil sa pangunguna ng LECOFADA, ay nagawa nilang makapagparami ng 433 crossbreds.

“Nang taong 2017 ay nakaranas na makapaggatas ang ilang miyembro ng samahan. Isa sa kanila ay si Pol Camposano ng Nagbangi, Leon. Sa umpisa, ang nakuha lang niya ay kalahating baso pero hinikayat ko siyang magpatuloy sa paggagatas. Pagkaraan ng 10 araw ay nasa kalahating litro na ang kanyang nakuhang gatas,” sabi ni Echeche.

Pagkaraan ng 15 araw, sabi ni Echeche, umabot sa isang litro at kalahati ang nakuhang gatas ni Camposano at sa kalaunan ay umabot na ito sa limang litro.

Si Echeche mismo ang siyang bumibili ng nakukuhang gatas ni Camposano sa halagang Php50 kada litro.

Inilahad pa rin ng panrehiyong tagapangulo na dating sa construction lamang nagtatrabaho si Camposano. Ang kita lamang niya noon ay Php270 sa walong oras na pagtatrabaho kada araw.

Sa dati niyang gawain, tagtag at hirap ang kanyang katawan sa mga gawain. Nguni’t mula nang siya’y maggatasan, sa 30 minuto lang ay kinikita na niya ang halagang kinikita noon sa dating gawain. Kaya, kahit mapilit ang pagyaya na muli siyang sumama sa gawain sa construction projects ay hindi na niya tinanggap ito at mas pinili na lamang na tutukan ang hanapbuhay niya sa paggagatas.

“Isa siya sa mga nagsisilbing modelo ko sa mga miyembro na nagsisimula na ring gumatas upang mas lalo silang maganyak na pag-ibayuhin ang pag-aalaga sa kanilang mga kalabaw,” sabi ni Echeche.

Nakapagtala na ang LECOFADA simula noong Oktubre hanggang Disyembre ng 2017 ng 296.5 litro ng gatas na inani samantalang nitong Enero hanggang Marso ay nakakulekta ito ng 151 litro ng gatas.

“Nakita ko ang malaking potensyal na puwedeng maiambag ng paggagatas sa kabuhayan ng mga magsasaka. Habang naghihintay kami ng ani sa aming mga tanim na buko, dito kami nagbubuhos ng panahon sa aming mga kalabaw,” sabi ng tagapangulo.

Idinagdag niya na simula nang makita ng mga kasapi at naninirahan sa natukoy na barangay ang kayang maibigay ng crossbred, ibinibenta na nila ang kanilang mga native na kalabaw at bumibili na ng crossbred.

Pagproproseso ng gatas

Mula sa mga nakokolektang gatas ay pinasimulan ni Echeche ang pagpoproseso nito sa isang maliit na puwesto na kanyang ipinagawa sa tabi ng kaniyang bahay. Katulong niya ang kanyang anak na si Kimberly na isa ring Village-Based Artificial Insemination Technician (VBAIT) sa pagpoproseso ng gatas.

“Sa isang linggo ay tatlong beses kami kung mag-proseso ng gatas upang gawing flavored milk. Kada proseso ay nakagagamit kami ng 12 litrong gatas. Umaabot naman sa 300 piraso ng 330 ml na iba’t ibang flavor na gatas, tulad ng strawberry, chocolate, melon at pandan ang aming nagagawa mula sa naprosesong gatas kada linggo,” sabi ni Kimberly.

Ang mga produkto, anya, ay naibebenta nila sa halagang Php25, bawat 330 ml na pakete na dinadala nila alinman sa bagsakan center, koop ng bayan at dalawang eskwelahan.

Sa ipinakitang interes ng mga nag-aalaga ng kalabaw sa Kabisayaan ay naging daan ito upang mapiling pilot site ang Leon, Iloilo sa pagsasagawa ng Communication for Development Campaign na inilunsad ng PCC National Headquarters sa pangunguna ng Knowledge Management Division. Ito ay pinasimulan sa Panay Island sa pakikipagtulungan ng PCC sa WVSU. Kabilang sa mga napili ring lugar ay ang Sapian, Capiz at Aklan.

Pinasimulan noong 2017, layunin ng kampanyang ito na tinawag na “Karbawan” na palawakin ang kaalaman ng mga magsasaka sa wastong pag-aalaga ng kalabaw, wastong pagpapalahi at pagpaparami ng kalabaw, at mga kabuhayang maaaring pagkakakitaan sa pag-aalaga at paggagatas ng kalabaw.

Kabilang sa mga estratehiya upang maisakatuparan ang kampanya ay ang pagsasagawa ng radio plug and release, school-on-the-air (SOA), farmer livestock school on dairy buffalo production (FLS-DBP), manual on proper management of dairy buffaloes, testimonial videos, jingle, advocacy kit, pastillas diplomacy, comics, billboard at engagement flip chart.

Nitong Agosto lamang ay inilunsad na ang SOA on Dairy Buffalo Production upang mapaigting ang kaalaman at kasanayan ng mga may alagang kalabaw sa Iloilo. Matatapos sa Nobyembre, ang SOA ay sumasahimpapawid tuwing Sabado sa DYFM Bombo Radyo Iloilo. Umabot sa 200 ang nagpatalang kalahok mula sa bayan ng Leon at 300 naman mula sa ibang lugar sa Iloilo.

Ang module ng SOA ay umiikot sa iba’t ibang paksa tulad ng feeding management, health management, breeding management, carabao enterprise at technology adoption.

Habang tumatakbo ang programa, ang mga kalahok ay nagkakaroon ng mga pagsusulit upang matasa ang kanilang naging kaalaman sa mga natapos na mga aralin. Ang mga napiling SOA facilitators mula sa mga kasaling munisipyo ang siyang nagsasagawa ng mga pagsusulit sa mga kalahok.

Bukod sa SOA ay may pinili  ring mga kalahok mula sa Leon para sa 34 na linggong  on-site training course na FLS-DBP.

“Bumili pa talaga ako ng sarili kong AM/FM radio upang matutukan ko ang mga aralin mula sa SOA at isa ako sa mga nagsasanay sa FLS-DBP. Labis akong natutuwa kasi marami akong natututunan sa pakikinig at tuwing may pagsusulit ay nagkakasiyahan kami sa aming pagtitipun-tipon,” ani Echeche.

Kaalinsabay nito ay nagsagawa rin ng isang “Ceremonial Turnover of 1st Batch of Crossbreds” para sa mga miyembro ng LECOFADA nitong nakaraang Agosto 29. Labing-walong crossbreds ang ipinagkaloob sa mga miyembro nito sa ilalim ng paiwi program ng PCC.

Ang mga crossbreds ay nabili mula sa buyback scheme fund ng PCC sa WVSU.

“Hindi naman sa pagmamalaki, pero kapag ang PCC ang nagpunta rito, proud ang mga miyembro. Kung wala ang PCC walang mangyayari sa Leon. Kaya ganoon na lamang ang pagpapasalamat ko sa tulong na naibigay ng PCC,” ani Echeche.

Kanyang idinagdag na hihigitan pa nila ang pagtulong para sa pagpapalago pa ng programa.

“Iba ang pakikisama na naramdaman  namin mula kay Direktor Granada. May puso talaga siya para sa magsasaka,” pagtatapos ni Echeche.

 

Author

0 Response