Kuwento ni Juana

 

Upang kilalanin ang mahalagang papel at ambag ng kakabaihan sa industriya ng gatas at ipagdiwang din ang “2020 National Women’s Month” ngayong Marso, ibinabahagi ng DA-PCC ang kuwento ni Emily Velasco. Siya ay isa sa mga carapreneurs na inaasistehan ng ahensiya sa San Jose City, Nueva Ecija.

Ilang taon na ang lumipas nang suungin ni Emily Velasco, 56, ng Villa Joson, San Jose City, ang mga negosyong salig sa pagkakalabaw. Ang kanyang sipag at tiyaga ang naging susi upang makamit niya ang parangal bilang “Modelong Juana sa Kalabawan” noong 2017 na iginawad ng PCC. 

Kaakibat nito, kanyang pinatunayan na ang carapreneurship o pagnenegosyo sa tulong ng kalabawan ay maaaring gawin ng kahit na sino at hindi hadlang ang kasarian o ano pa man upang umasenso.

“Ang mga babae ay hindi pahuhuli pagdating sa industriya ng gatasan. Hindi natin dapat hayaan na maging dahilan ang ating mga limitasyon para hindi magtagumpay,”ani Emily.

Pumalaot si Emily sa paggagatas upang makatulong sa pampinansiyal na pangangailangan ng kanyang pamilya. Tulad ng marami, kinailangan niyang pag-aralan ang pag-aalaga ng kalabaw.

Sumali si Emily sa Simula ng Panibagong Bukas Producers Cooperative (SIPBUPCO) kung saan nagsilbi siyang sekretarya nito sa loob ng apat na taon. Kabilang si Velasco sa mga miyembro ng SIPBUPCO na naging benepisyaryo ng gatasang kalabaw sa ilalim ng “25 Dairy Cow Module” ng PCC. 

Siya pa lamang noon ang nag-iisang babaeng maggagatas na miyembro ng SIPBUPCO. Taong 2012,   napasama siya sa Board of Directors ng nasabing samahan. Siya ay naging tagakolekta naman ng gatas mula sa mga miyembro ng koop simula ng maging multi-purpose cooperative ito.

Sa kasalukuyan ay mayroon nang walong kalabaw si Emily at tatlo rito ay pahiram ng PCC. Nakalagak ang mga ito sa kaniyang dalawang ektaryang lupain sa Villa Joson. Nandito rin ang kawan at taniman ng damong pakain para sa kaniyang mga alaga.

Katulong niya sa pagkakalabaw ang kaniyang asawa na isang empleyado sa San Jose City. Naranasan nilang kumita ng Php1,000 araw-araw buhat sa pagbebenta ng 10 litrong gatas mula sa isang kalabaw lamang. Kanilang ipinagbili ang gatas sa halagang Php60 kada litro.

Ani Velasco, ang perang kaniyang kinikita sa paggagatas ay sapat na para sa pangangailangan ng kanyang pamilya at mas malaki kung ikukumpara sa suweldo ng kanyang asawa. Kung kaya’t nilayon niyang pag-igihan ang pag-aalaga sa kaniyang mga kalabaw gayundin ang  pagbalanse niya ng oras para sa kaniyang pamilya at mga gampanin sa koop.

Bukod sa paggagatas ay kumikita rin si Emily sa iba pang paraan sa tulong ng mga alaga.

“Sa panahong ‘di inaasahang may pangangailangan sa pera, ibinebenta ko ang ilan sa aking mga kalabaw. Ito ay lubos na nakatulong para matustusan ko ang pag-aaral ng aking panganay na anak, na ngayon ay isa nang civil engineer,” pagbabahagi ni Emily.

Isa pang pinanggagalingan ng kita ni Emily ay vermicomposting. Ang nasabing teknolohiya ay gumagamit ng dumi ng kalabaw at bulateng African Night Crawlers para sa produksyon ng organikong pataba na “vermicompost”. Kada dalawang buwan ay nakakokolekta si Velasco ng 10 sako ng pataba mula sa kaniyang bakuran na kanyang naipagbibili sa halagang Php2,500.

Ang kaalaman ni Emily sa naturang teknolohiya ay kaniyang natutunan sa Farmer Livestock School on Dairy Buffalo Production (FLS-DBP) na kanyang nilahukan noong 2016. Ang FLS-DBP ay isang pagsasanay na isinasagawa ng PCC.

Saklaw ng FLS-DBP ang iba’t ibang teknolohiya at pamamaraan sa pag-aalaga ng gatasang kalabaw maging ang mga negosyong salig dito na  maaaring pagpilian ng mga magsasaka base sa kanilang pangangailangan.

“Mainam mag-alaga ng kalabaw ang mga kababaihan lalo’t natural kaming mapag-alaga. Kung natututukan ang kalabaw mas maraming biyaya ang ibibigay nito,” ani Emily.

Sa hinaharap ay pangarap ni Velasco na mas maparami pa ang kanyang mga kalabaw at magproseso na rin ng mga produktong may gatas. Kaya naman, noong ika-27 hanggang ika-28 ng Pebrero ay dumalo siya at ang ilang mga miyembro ng kanilang koop sa pagsasanay na isinagawa ng PCC ukol sa pagpoproseso ng mga produktong may gatas ng kalabaw.

 

Author

0 Response