'Export Quality' ice cream na may gatas ng kalabaw patok sa Pinas

 

Kung ang hanap ay ice cream na sumasalamin sa kultura at panlasang Pinoy na pang-world class, tiyak na magugustuhan ang mga produkto ng Magnolia Ice Cream (MIC) – partikular ang dalawang ice cream lines nito na “The Best of the Philippines” at “Premium Classic” na may gatas ng kalabaw.

Ayon kay Camille Dimaculangan, MIC assistant product manager,  taong 1925 nang  magsimula ang MIC na magbenta ng  ice cream popsicles at buhat noon, unti-unting dumami ang produkto nito.

Kalaunan ay nakilala ang MIC sa patok nilang “Magnolia flavor of the month” kung saan kada buwan ay pumipili ang MIC ng ice cream flavor na ihahain sa mamimili.

Unang gumamit ang MIC ng gatas ng kalabaw sa kanilang kesong puti flavor noong 2013.  Ayon kay Joel Galareta, MIC product development manager, ibinase nila ang lasa nito sa kesong puti ng Nueva Ecija na may gatas ng kalabaw. Nguni’t, ito ay hindi na nasundan pa.

Taong 2018 na nang magdesisyon ang MIC na gumamit ulit ng gatas ng kalabaw sa mga piling produkto nito. Bukod sa layuning mas mapasarap pa ang kanilang produkto, ito rin ay parte ng adbokasiya na matulungan ang mga magsasakang maggagatas ng kalabaw.

“Nais namin na matulungan ang mga magsasaka na magkaroon ng siguradong mapagbebentahan ng ani nilang gatas,” paglalahad ni Dimaculangan.

Bumibili ang MIC ng pirming dami ng gatas mula sa PCC, Nueva Ecija Federation of Dairy Carabao Cooperatives, at isang pribadong farm. Tinitipon ang gatas sa planta ng PCC at ipinapasteurize saka ipinapasa ng PCC sa MIC.

Upang masiguro ang kalidad ng gatas, direktang kinukuha ng MIC ang gatas sa planta ng PCC sa Nueva Ecija. Inilalagak ang mga ito sa mga milk cans at iniimbak sa kanilang planta kasama ng iba pang sangkap ng ice cream.  Matatagpuan ang planta ng MIC sa Laguna. 

Sa ngayon, ang paboritong flavors ng Best of the Philippines line na tinatangkilik ng consumers ay  Tablea Yema, Taro White Cheese, at Avocado Macchiato.  Ang iba pang flavors nito ay Quezo Mangosteen, Ube Salted Carmel Waffle, Turon Dulce De Leche, Mango Dark Chocolate, at Ube Keso.

Sa Premium Classic line naman, ang mga flavors ay Avocado, Pastillas, at Kesong Puti. Ang mga flavors na ito ay piniling patuloy na i-prodyus ng MIC dahil mula noon hanggang ngayon ay tinatangkilik  pa rin ng masa. 

 “Sa tuwing nag-iisip kami ng flavors, isinasaalang-alang namin ang panlasang Pinoy. Kaiba sa kalimitang flavor, may ‘twist’ yung sa’min dahil pinaghahalo namin ang sangkap na ‘di mo akalaing masarap pala ‘pag magkasama,”ani Galareta.

Dagdag niya, mas lalo pang naging creamy at masustansiya ang kanilang ice cream lalo’t nilagyan ng gatas ng kalabaw. Napansin din niya na may mga sangkap na natutulungan ng gatas ng kalabaw na mas maging malasa kaya mas sumasarap ang ice cream.

Taun-taon ay naglalabas ang MIC ng bagong flavor na dumadaan sa sensory assessment upang masiguro ang kalidad ng kanilang ice cream. Ipinatitikim ito at tinitingnan kung ito ay kanilang magugustuhan. Kung mayroong negatibong komento rito ay agad-agad na inaayos o pinapalitan ang isang flavor.

Hindi lamang sa Pilipinas ibinibenta ang mga produkto ng MIC kundi ini-export din sa Middle East, Singapore, Australia, at Japan. Samantalang kilala ang mga produkto ng MIC bilang San Miguel Gold Label sa US at Canada.

Kabilang ang MIC sa mga saklaw ng Magnolia Inc. na isang subsidiary ng San Miguel Food and Beverage Inc. na nasa ilalim ng San Miguel Corporation (SMC). Ang SMC ay pinamumunuan ni SMC President Ramon Ang habang ang MIC ay nasa pamamalakad naman ni Judah Ruiz na siyang vice president at marketing manager ng Magnolia.

 

Author

0 Response