Anang isang magsasaka sa Maramag, Bukidnon ‘Walang tagumpay kung susuko sa buhay’

 

Kaakibat na ng buhay ang anumang pagsubok. Kaya naman kailangan na maging matatag, tanggapin ang mga hamon, at huwag sumuko upang marating ang minimithing pagtatagumpay.

Ganito inilalarawan ni Zosimo Tejano, isa sa mga magsasakang maggagatas na ginagabayan ng PCC sa CMU sa Maramag, Bukidnon, ang kanyang pananaw at naging gawi sa dinanas niya sa buhay.

Taong 2015 nang siya’y mapahiraman  ng gatasang kalabaw na may lahing Italian Mediterranean Buffalo mula sa PCC sa CMU.  Ito ang naging panimula niya sa pagsuong sa pag-aalaga at paggagatasan ng kalabaw  na kasama ang ilan pa sa kanilang lugar.

Lubhang mahirap ang panimula, na naging dahilan para ang kanyang mga kasama ay panghinaan ng loob at bumitaw. Karaniwang naging dahilan ay ang pagkainip sa pagbubuntis ng kani-kanilang alaga. Pero hinarap ni Zosimo ang problema at siya’y hindi sumuko. Ang resulta? Siya na lang ang natirang nakatindig at nagtatamasa ng mga ganansiyang dulot ng pagkakalabawan.

Laki sa hirap

Si Zosimo, na ngayo’y patuloy na ginagabayan ng PCC sa CMU, ay mailalarawang medyo angat na sa buhay kumpara sa kapwa niya magsasaka. Palibhasa’y lumaki sa kahirapan, hindi niya alintana ang pagtitiis sa kalagayan at gawain sa buhay katulad ng nag-iisa siya sa pag-aalaga sa kanyang mga kalabaw, walang daloy ng kuryente sa kanilang lugar para sa pagpapagaan ng mga gawain sa pagkakalabawan, at sa araw-araw ay nagtatrabaho pa siya sa kanyang bukid.

Pag-ahon sa kahirapan ang nakasilid sa isip niya kung kaya’t walang pag-aatubili siyang  sumali noong 2014 sa programa ng PCC sa CMU na pagpapahiram ng gatasang kalabaw. Naririnig niya noon sa isang himpilan ng radio ang programang ito ng PCC sa CMU at ang kabutihang maidudulot nito.

Ama ng limang anak sa asawang si Grace, nairaraos lang niya noon ang buhay sa pagiging isang kasama sa dalawang ektaryang lupa na dating tinatamnan ng mais nguni’t ngayo’y may mga tanim ng “rubber tree”, isang ektaryang taniman ng tubo, at pag-aalaga ng baboy. Umaabot lang sa 75% ng tubo ang kita sa lupa na lubhang hindi naman kalakihan ang naaani.

Ngayon, sa kanyang pagkakalabawan, solong-solo niya ang buong kita na ayon na rin sa kanya ay mas malaki pa kumpara sa kinikita niya sa pagtatrabaho sa lupa.

Pagkakalabawan

Inamin ni Zosimo na sadyang hindi naman madali ang mga gawain sa pagkakalabawan lalo pa nga’t wala na silang daloy ng  kuryente sa kanilang lugar na magpapadali sana sa mga gawain. Manu-mano niyang tiniis ang mga gawaing kaakibat ng pag-aalaga ng kanyang mga kalabaw.

Sa ibabaw nito, tambak din ang aniya’y lubhang nakasusubok ng katatagang mga gawain o mga pagtitiis, na katulad ng:

(1) pagkumpleto  sa mga kailanganing kahingian o requirements na pagtitindig ng kulungan ng kalabaw, pagtatanim ng napier grass sa isang ektaryang inuupahan niyang lupa, at paglahok sa mga kailanganing pagsasanay sa pag-aalaga ng kalabaw;

(2) matagal na paghihintay sa pagbubuntis ng ilan sa mga alaga niyang kalabaw;

(3) pagkamatay ng pitong bulo dahil sa pagkakaroon ng sakit ng mga ito, at

(4) kawalan ng pagkakataon para makapagproseso ng gatas dahil sa wala ngang daloy ng kuryente sa kanilang barangay.

Pero, patuloy  pa rin si Zosimo sa pagpupursige sa pagkakalabawan sa kabila ng mga hamong ito. At, hindi naman siya nabibigo.

Sa katunayan, tinatamasa niya ngayon ang mga ganansiya sa pag-aalaga ng 14 na kalabaw na binubuo ng 10 babaeng gatasan, isang bulugan at tatlong bulo na kinabibilangan ng Italian Mediterranean Buffalo at Bulgarian Murrah Buffalo.

Mula nang taong mag-alaga siya ng gatasang kalabaw, siya’y kumita na ng kabuuang Php837,221 mula sa 15,222.20 litrong gatas na naibenta niya sa PCC sa CMU. Bunga nito,  aniya, patuloy na napag-aaral niya ang mga anak sa eskwelahan, nakapagpundar na rin ng mga gamit na lutuang de gasul mula sa dati-rati’y de-kahoy lang na lutuan na kanilang gamit, at generator set na nagbibigay ng daloy ng kuryente para sa kanilang ilaw at washing machine; at milking machine na ang halaga’y Php52,000.

Gamit ang kanyang milking machine,  dalawang beses sa maghapon ang paggagatas niya sa kanyang 10 kalabaw. Bawa’t isa sa mga ito ay nagbibigay ng limang litrong gatas, na papahina na dahil papaatras na (drying off period) ang gatas ng mga ito,  at naibebenta naman niya sa PCC sa CMU sa halagang Php60 kada litro.

Pinakakain niya ng isang kilong lactating feeds bawa’t kalabaw na ginagatasan kada araw. Nasa halagang Php10,000 din ang karaniwan niyang gastos sa pakaing ito. Bumibili rin siya ng yelo  na ginagamit para sa pagpapalamig ng gatas at krudo para sa kanyang makina. Umaabot sa halagang Php40,000 hanggang Php50,000 ang kita niya ngayon bawa’t buwan mula sa kanyang paggagatasan samantalang nasa halagang Php15,000 naman ang kabuuan niyang gastos.

“Buong akala ko noon ay hindi ko na magagawang maiaangat ang aming kabuhayan at makapagpundar ng mga gamit namin sa bahay. Salamat sa pagkakalabawan, at salamat din sa naging paninindigan ko na huwag sumuko sa mga matitinding hamon kaugnay ng kinakailangang gawain,” buong saya at pagmamalaking sabi ni Zosimo.

 

Author

0 Response