Kumpletong karanasan sa paghahayupan hatid ng isang Learning Site

 

May kasabihan na kapag gusto at pursigido ang isang tao sa kanyang ginagawa o gagawin, maraming paraan ang maiisip at mahahanap niya para makamit at mapagtagumpayan ito.

Ganito ang mentalidad ni Lodivico Guieb, Sr., 63, ng Ayos Lomboy, Guimba, Nueva Ecija sa pagnanais niya na maging isang mabuting ehemplo sa pagkakalabawan at makapagbahagi ng kaalaman ukol sa mga gawaing kalakip nito para tularan ng kapwa magsasaka.

Para maisakatuparan ito, sa pakikipagtulungan ng Philippine Carabao Center (PCC), inapplay niya ang kanyang dairy farm bilang Learning Site for Agriculture (LSA) sa Agricultural Training Institute (ATI).

Noong Abril 2019, nagbunga ang kanyang pagpapagal dahil mapalad na naging akreditado ng ATI ang Guieb Dairy Farm (GDF) bilang LSA (Animal Production on Small and Large Ruminants). Ito ngayon ang itinuturing na kauna-unahang dairy farm sa Nueva Ecija na inaasistehan ng PCC na itinalaga bilang LSA.

Makikita sa GDF ang iba’t ibang uri ng hayop. Sa 1.5 ektaryang lupain niya ay naroon ang mahigit 20 kambing, 20 tupa, 20 baka, 20 native na baboy at 30 manok, na ang lahat ay may kani-kanilang kulungan.

Nakahiwalay naman ng lugar at kulungan ang kanyang mga kalabaw. Sa kasalukuyan, 42 ang inaalagaang kalabaw ng mag-asawang Lodivico at Carmen, habang 10 sa mga ito ang ginagatasan.

“Dito sa farm ko ay integrated farming. May crops at livestock. Gusto ko na mahikayat ‘yong mga kapwa ko magsasaka na mag-integrated farming din sila para hindi lang sila nakadepende sa kikitain sa iisang produkto,” paliwanag niya.

Bilang learning site

Nguni’t bago pa man maging ganap na LSA ang farm ni Lodivico, tiniyak muna niya na handa siya sa responsibilidad na kaakibat nito. Batid niya na bago siya makapagbahagi ng kaalaman sa iba ay dapat sapat din ang kanyang kaalaman at kakayahan.

Lumahok siya sa pagsasanay sa isang farm noong 2017 sa Bulacan na accredited ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), pagkaraan ng 45 araw na pagsasanay, nakatanggap siya ng NC II o National Certificate II on Animal Production (large ruminants) para mas maging lehitimo at epektibong tagapagsanay.

Baon ang ganap na kakayahan, teknolohiya, at kaalaman sa animal production partikular na sa pagkakalabaw, handang-handa na si Lodivico at ang kanyang farm bilang LSA na maging lugar para sa pagsasanay ng mga naghahangad na pumalaot sa paggagatas sa loob at labas ng bansa.

Magkakaloob ng Php150,000 ang ATI bilang ayuda para sa pagpapaunlad pa ng pasilidad ng GDF bilang LSA. Quarterly ang pagmomonitor dito ng ATI-Regional Training Center at pagsusumite ni Lodivico ng mga kaugnay na dokumento at ulat sa progreso ng kanyang farm.

Ayon kay Lodivico, bahagi sa introduksyon na ginagawa niya ang pagpapaintindi sa mga magsasanay ukol sa kasalukuyang sitwasyon ng lokal na industriya ng paggagatasan. Kabilang dito ang mga hamon na kailangang tugunan para mapataas ang produksyon ng gatas sa bansa kaya naman hinihikayat din niya na hangga’t maaari ay dito sila sa bansa manungkulan.

Karaniwang tumatagal ng tatlong buwan ang pagsasanay na isinasagawa niya. Sa panahong iyon, itinuturo niya ang mga natutunan niyang teorya, teknolohiya, at aktwal na pamamaraan sa wastong pangangalaga ng gatasang kalabaw at iba pang mga hayop.

Aniya, may hands-on training ang mga nagsasanay upang aktuwal nilang maisagawa ang mga gawain sa pag-aalaga ng hayop tulad ng wastong paggagatas nang manu-mano, paggamit ng milking machine, pagpupurga, pagpuputol ng sungay (para sa alagang baka), paggagamot, pag-iineksiyon ng bitamina, at iba pa.

Higit sa lahat, dagdag niya, itinuturo rin niya ang tamang disiplina at pag-uugali na dapat taglayin ng isang tagapag-alaga ng hayop.

Nasa Php15,000 ang standard training fee ng mga magsasanay sa loob ng tatlong buwan.

Ayon kay Lodivico, may memorandum of agreement (MOA) sila ng Tarlac Agricultural University (TAU) na sa GDF dadalhin ang mga on-the-job trainees (OJT) ng TAU para doon magsanay ng libre. Bilang ganti, ipapasuri naman ni Lodivico sa TESDA na nakabase sa TAU ang kakayahan ng mga sinasanay niya para makakuha ng NC II sa animal production.

Plano rin ni Lodivico na ipa-accredit sa TESDA ang GDF para direkta na ang pagbibigay niya ng NC II.

Paraan ng pag-aalaga

Aminado si Lodivico na sadyang hindi madali ang pag-aalaga ng kalabaw.

“Napakabigat na responsibilidad ng pag-aalaga ng kalabaw. Kung hindi mo gusto ‘yong ginagawa mo, mabilis kang susuko. Pero kung mahal mo ‘yong ginagawa mo, gagawin mo ang lahat para mapagbuti ito,” aniya.

Ilan sa mga “best practices” o mga pinagbuting gawain niya ay ang pagpapastol sa mga alagang kalabaw mula 6:00 a.m. hanggang 5:00 p.m. para manginain ng sariwang damo, regular milk testing, pagpupurga at pagbibigay ng bitamina.

Nakatutok din siya at hindi inaasa sa mga tauhan ang pag-aalaga sa mga hayop. Isang beses kung gatasan niya ang mga kalabaw gamit ang milking machine. Sinisiguro niya na palaging malinis ang mga kulungan ng mga alaga niya at ginagawang organikong pataba ang dumi ng kalabaw.

Ang pakain niya sa mga ginagatasan ay feeds at regular na hinahaluan ng soya dahil aniya kailangan ng mga ito ng pakain na mayaman sa protina.

Ibinebenta niya sa Milka Krem, Manila, Tarlac, Guimba at karatig bayan (for pick-up) ang 70-80 litrong gatas na nakokolekta niya araw-araw sa halagang Php70-Php100 kada litro depende sa presyong napagkasunduan nila.

“Kailangan maging matiyaga sa pag-aalaga ng kalabaw. Dapat determinado ka diyan basta pinasok mo yan, ilaan mo ‘yong buong sarili mo. Hindi pwedeng maliit na oras lang ang ilalaan mo kasi talagang maraming pagsubok ang dadating pero laging may paraan kapag pursigido kang gawin ang isang bagay,” ani Lodivico.

May dagdag na mensahe rin siya para himukin ang mga kapwa niya maggagatas:

“Pag-igihan pa natin ang pag-aalaga para maraming maprodyus na gatas. Magsilbi sanang motibasyon sa atin ang hamon sa lokal na industriya ng paggagatas. Sama-sama tayong mag-ambag sa paglago nito at tumulong solusyunan ang malnutrisyon sa bansa.”

 

Author

0 Response