Malasakit sa industriya ng pagkakalabawan

 

Taglay ang matinding hangaring makatulong sa pagpaparami ng mga kalabaw at makapag-ambag sa produksyon ng gatas sa bansa, buong-loob na sinuong ni Rafaelle Arca, isang licensed agriculturist, ang pagiging maggagatas at village-based artificial insemination technician (VBAIT).

Ngayon ay 10 taon na siyang VBAIT at siyam na taon nang masigasig na nag-aalaga ng mga gatasang kalabaw.

Nguni’t, ayon kay Rafaelle, 36, o mas kilala bilang Raffy, hindi naging mabilis para sa kanya ang pagtupad sa hangaring makatulong sa industriya ng pagkakalabawan. Kinailangan niya muna ng sapat na kaalaman, kakayahan, at kahandaan bago tuluyang pasukin ang negosyong nakasalig dito.

Pagsisimula

Mula nang makapagtapos siya ng kursong Animal Science sa Pampanga Agricultural College noong 2004, tatlong iba’t ibang trabaho ang una niyang pinasukan sa lugar na iyon. Naging farm supervisor siya sa isang pribadong kumpanya, meat inspector sa slaughterhouse, at production staff sa kilalang meat processing corporation.

Gamit ang karanasan at kaalamang natamo niya sa mga una niyang naging trabaho, nagdesisyon siyang bumalik sa kanilang lugar sa Pantay Laud, Vigan City noong 2009 at doon ay sinimulan na niyang isakatuparan ang matagal nang hangarin.

“Plano ko talaga na pagkagraduate, susubukan ko ang paggagatas. Nababasa ko kasi noong nag-aaral pa lang ako na mababa ang produksyon ng gatas sa bansa,” ani Raffy.

“Mistulang naging hamon sa’kin ‘yon. Noong handa na ako ay gumawa naman ng paraan ang tadhana para maumpisahan ko ang negosyo sa paggagatas,” dagdag niya. 

Sa pagbabalik ni Raffy sa Vigan City, nagkataon naman na naghahanap ang PCC sa Mariano Marcos State University (PCC@MMSU) ng pwedeng magsanay tungkol sa “Artificial Insemination and Pregnancy Diagnosis of Large Ruminants” sa PCC sa University of the Philippines Los Baños. Si Raffy ang napili ng city government na sumailalimsa nasabing pagsasanay.

Hindi naglaon, siya ay naging ganap na VBAIT na kabalikat ng PCC@MMSU sa pagsasagawa ng AI sa mga kalabaw ng mga magsasaka.

Noong 2010, napag-alaman niyang may potensiyal ang merkado ng gatas ng kalabaw sa Vigan City. Hindi siya nag-atubili na bumili ng dalawang dumalagang Bulgarian Murrah buffaloes at tuluyang sinuong ang negosyong salig sa pagkakalabaw.  

Bilang VBAIT

Si Raffy ay miyembro ng Ilocano Artificial Inseminators Agriculture Cooperative. Limang lugar ang sakop ng pinagseserbisyuhan niya ng AI kabilang ang Vigan, Caoayan, Bantay, Sta.  Catalina, at San Vicente.

Sa kasalukuyan, umaabot ng Php700 hanggang Php1000 bawa’t AI sa kalabaw ang singil niya depende sa layo ng lugar.

Ibinahagi ni Raffy na sa gawaing ito kailangang malimit ang pagmomonitor sa mga alagang kalabaw.  Mahalaga, aniya, ang timing o tamang araw sa pagpapabuntis kaya dapat obserbahang mabuti ng may-ari ang paglalandi ng kanilang alagang hayop.

Maliban sa kalabaw, nagbibigay din siya ng AI service sa mga baka, kambing, at baboy.

“Pagdating sa animal health, isa rin ako sa tinatawagan ng mga kliyente gaya ng pagpupurga, pagbibigay ng bitamina, pagkakapon, at pagbabakuna,” ani Raffy.

Bilang magsasakang maggagatas

Sa kasalukuyan, siyam ang kalabaw na inaalagaan at pagmamay-ari ni Raffy.  Ang mga lahi nito ay isang Italian at ang iba ay Bulgarian, at Brazilian Murrah buffaloes. Isa sa mga ito ay buntis at inaasahang manganganak sa Setyembre habang na-AI naman ang lahat ng iba pang babaing kalabaw.

Kamakailan, aniya, tatlo ang ginagatasan niyang kalabaw bago ang mga ito ay nagdry-off noong Enero. Aniya pa, nasa kabuuang anim na litro ang karaniwang nakukuha niya sa sa mga ito habang binibili naman ng mga Indian nationals sa halagang Php90 kada litro ang sariwang gatas na naaani niya.

Sa kanyang paglalahad, isa sa mga itinuturing niyang magandang pangyayari sa buhay niya bilang magsasakang maggagatas ay noong nakatapos at nakakuha siya ng sertipiko sa “Farmer Livestock School on Dairy Buffalo Production (FLS-DBP)” na isinagawa ng PCC noong 2017.

Ayon sa kanya, malaki ang naitulong ng FLS-DBP sa paraan niya ng pag-aalaga ng mga kalabaw. Ina-aplay na rin niya ang mga natutunan niya gaya ng pagpapakain ng urea-treated rice straws, vermicomposting gamit ang dumi ng kalabaw, at ang dalawang beses (umaga at hapon) na paggagatas sa mga kalabaw.

“Base sa obserbasyon ko, simula noong dalawang beses kong ginagatasan ‘yong mga kalabaw ko nadagdagan ng halos kalahating litro ‘yong gatas na nakukuha ko sa isang kalabaw,” patotoo ni Raffy.

“Ibinabahagi ko sa mga kliyente ko ‘yong natutunan ko sa kahalagahan ng pakain, na nakadepende rin dito ang magandang kalusugan at nutrisyon ng mga hayop. Kapag maganda ang pakain, mas malakas ang pagbibigay nila ng gatas,” dagdag niya.

Plano ni Raffy sa hinaharap na mapalawak pa ang pinagtataniman niya ng magandang klase ng pakain para sa mga alaga niyang kalabaw dahil limitado lang ang lupa niya. Ang naisip niyang paraan ay mangupahan ng lupa na maaari niyang pagtamnan ng karagdagang pakain.

 

Author

0 Response