Pag-ibig at malasakit para sa maunlad na komunidad

 

Ang yamang taglay ng Sta. Catalina Farm sa Botolan ay unti-unting nagiging isang sentro ng kaunlaran sa lalawigan ng Zambales.

Ang kultura ng pag-ibig at kooperasyon ay lumalaganap sa komunidad bilang oportunidad na umusbong para sa mga taong-bayan.

“Pagmamahal at malasakit ‘di lamang sa mga hayop, lalong higit sa mga tao sa komunidad ang nasa likod ng aming mapagpakumbaba nguni’t makabuluhang pagsasaka," sabi ni Roger Mactal, ang may-ari ng Sta. Catalina Farm.

Ang farm na ito ay korporasyong pagmamay-ari ng pamilya ng mga Mactal at nakasandig sa masisipag na Aetas para sa araw-araw na gawain. Sinabi ni Ka Roger na bumuti ang buhay ng mga katutubong ito sa pagpapakilala ng mga gatasang kalabaw. Dati-rati, aniya, ang mga Aetas ay umaasa lamang sa pagtatanim ng mga mais at palay na nagbibigay lamang sa kanila ng panapanahong kita.

Nang magsimulang mag-alaga ng mga kalabaw ang mga katutubong magsasaka, napagtanto nila na ang kanilang oras, pagpapagal, at kabuhayan ay maaaring maging higit na kapaki-pakinabang sa pamamagitan ng pagkakaroon ng tuluy-tuloy at kumikitang negosyo. Sila ay nagsimulang kumita na dahilan para matugunan nila ang kanilang mga pangunahing pangangailangan sapagka’t may regular na market ang mga aning gatas.

Mula sa 10 gatasang kalabaw, 55 litro ng gatas (40 litro sa umaga at 15 litro sa hapon) ang kanilang nakokolekta mula sa dalawang beses na paggagatas kada araw.  Habang inaayos  ang permit para sa kanilang processing facility, isinusuplay naman nila ang mga gatas sa isang pagawaan ng pastillas sa Palauig.

Nagsasagawa rin ang Sta. Catalina Farm ng libreng milk supplementation  para sa mga batang Aeta. Ito ay karaniwang idinaraos tuwing may okasyon sa simbahan.

Maliban sa produksyon ng gatas, kumikita rin sila sa paggawa ng “silage” o burong damo bilang pakain sa mga gatasang kalabaw at vermicomposting naman mula sa dumi ng mga ito.

Itinuturing na yaman ng Sta. Catalina farm ang mga gatasang kalabaw at masisipag na Aetas. Sa kasalukuyan, ito ay may 11 regular na empleyado, kung saan ang isa ay AI teknisyan na nagsanay sa PCC at Central Luzon State University (PCC@CLSU).

Apat sa mga empleyado ng Sta. Catalina Farm ang bumubuo ng “carabao group” na pangunahing nakatutok sa kalagayan at pangangailangan ng mga gatasang kalabaw.

“Kung ano ‘yong nararapat para sa mga tauhan, talagang nakalaan para sa kanila. Mayroong maayos na pakikitungo sa bawa’t isa kaya naman nakagisnan na rin dito sa farm ang pagtutulungan at pagkakaisa,” pahayag ni Ka Roger.

Sinimulan noong 2016, itinuturing ang Sta. Catalina Farm bilang nag-iisang “carabao farm” sa Zambales. Nitong nakalipas na taon, kinilala ito ng Agricultural Training Institute (ATI) bilang learning site for agriculture (LSA)  dahil sa pagkakaroon nito ng angkop na pasilidad, iba’t ibang uri ng mga inaalagaang hayop, mga pananim, at mga teknolohiyang pang-agrikultura.

Sa tatlong magkakasunod na taon, tumatanggap rin ito ng mga on-the-job (OJT) trainees na karaniwang mula sa Ramon Magsaysay Technological University (RMTU). Natututo ang mga estudyante sa iba’t ibang gawi sa farm upang mapahusay ang kanilang kaalaman, kasanayan, at pag-uugali.

Bilang LSA, patuloy rin ang pagkakaroon nito ng mga bisita na binibigyan ng “tour” o lakbay-aral sa farm. Nabibigyan ng pagkakataon ang mga bisita para maranasan ang mga gawaing may kinalaman sa pag-aalaga ng kalabaw gaya ng pagpapaligo, pagpapakain at aktwal na paggagatas. Mayroon din itong camp site at pavilion bilang pahingahan na angkop matapos ang adventure activities kabilang ang pag-akyat sa Mt. Pinatubo. Sa lalong madaling panahon, ang farm ay magkakaroon din ng isang swimming pool sa tuktok ng burol.

Sa kasalukuyan, ang Sta. Catalina Farm ay mayroong lawak na 32 ektarya na matatagpuan sa kabundukan ng Zambales. Masigla ang paghahayupan sa Farm na ito na bukod sa mga kalabaw ay mayroon ding mga manok, baboy, kambing, at kuneho.

Ang mga alagang kalabaw ay nagsimula lamang sa isang bulugan na pinangalanang “Bruno” na nanggaling sa PCC@CLSU. Sa ngayon, mayroon nang 23 purong lahi (purebred) gatasang kalabaw na na tinatawag nilang “caraballa”, 13 na mga bulo at isang babaing native na kalabaw.  

Maliban sa mga gawaing pagpapalahi na sinusubaybayan ni Erwin Encarnacion ng PCC@CLSU, sadyang mahilig din ang Sta. Catalina Farm sa pamimili ng mga gatasang kalabaw na nakatulong sa pagdami nito.

Mga plano sa hinaharap

Kaugnay sa layunin ng Sta. Catalina Farm na pagpaparami ng mga kalabaw, ninanais din nito na makapagprodyus ng 100 litro ng gatas sa lalong madaling panahon buhat sa mga inaalagaang hayop. Gayundin, ang makapagproseso ng iba’t ibang produktong gatas upang akitin ang mga turista at dumaraming mga bisita na nagpupunta rito.

Batid ni Ka Roger ang kahalagahan ng pagtataguyod at pagtitiwala sa mga tauhang gumaganap sa kanyang farm kaya naman ninanais din niya na magkaroon ng pagsasanay ang mga ito at lumawak pa ang kaalaman ukol sa agrikultura.

Si Ka Roger, bagama’t nagtapos ng kurso sa pagnenegosyo, ang hilig niya sa agrikultura ang nagsisilbi niyang motibasyon sa pagpapatakbo ng Sta. Catalina Farm para makatulong sa seguridad ng pagkakaroon ng pagkain sa bansa sa pamamagitan ng maunlad na pagsasaka kabilang ang paghahayupan, pagtatanim, at pagsasagawa ng iba’t ibang uri ng produktong pang-agrikultura.

Sinabi ni Ka Roger na nagpaplano siyang magdala ng iba pang mga hayop sa Farm nguni’t ang mga kalabaw ay mananatiling pokus nito. Sa ngayon ay pinaghahandaan din nila na magtatag ng organic farm sa kalapit ng Sta. Catalina Farm. Binigyang-diin din niya na ang pangangalaga ng mga gatasang kalabaw ay higit na maginhawa sa maraming paraan kumpara sa iba pang mga hayop sa bukid.

“Ikinagagalak ko ang kultura ng pagtutulungan at pagmamalasakitan sa Sta. Catalina Farm, unang-una dahil ako mismo ay buhat rin sa kabutihang loob ng isang pari na siyang gumabay sa akin at naging tulay upang makilala ko ang aking kabiyak. Lagi kong makikita ang Sta. Catalina Farm sa konteksto ng pag-ibig,” saad ni Ka Roger.

 

Author

0 Response