Sa Zamboanga Del Norte, May gatas na sa Sindangan

 

Mga malalawak na kabukirang napaliligiran ng masaganang bulubundukin ang tatambad sa iyo sa pagbisita sa bayan ng Sindangan sa Zamboanga del Norte. Bukod sa nakasanayan ng mga residente dito na tradisyunal na paggamit sa kalabaw sa pag-aararo sa bukid, ngayo’y ginagatasan na din ito ng mga taga-Sindangan.

Ayon kay Fe Emelda Academia, Carabao-Based Enterprise Development (CBED) coordinator ng Philippine Carabao Center sa Mindanao Livestock Production Complex (PCC@MLPC), tinipon nila ang ilan sa mga magsasaka noong 2015 at mula dito ay nabuo ang Sindangan Crossbred Buffalo Raisers Association na itinuturing na ngayon na pinakaprogresibong asosasyon ng mga nagkakalabaw sa nasabing bayan.

Ang asosasyon ay binubuo ng higit 30 miyembrong lahat ay may sariling kalabaw. Mayroon  silang kitchen-type na processing center na pinagtulungang itayo ng mga miyembro. Binigyan sila ng PCC ng mga kagamitan sa pagproseso tulad ng milk cans at nagbigay din ang LGU-Sindangan ng isang freezer.

Nagproproseso ang asosasyon ng chocomilk, pasteurized milk, at flavored milk. Ibinebenta nila ang 100 ml na gatas sa halagang Php7 kung wholesale o maramihan ang bibilhin.  Kabilang din sila sa mga taga-supply ng 200 ml na gatas sa mga milk supplementation programs na isinasagawa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD)-Sindangan.

Ganansiyang hatid ng gatas sa mga magsasaka

Unang naranasang maggatas ng ilan sa mga miyembro ng asosasyon noong 2017.  Buhat noon ay nagsimulang makita ng mga miyembro  ang kagandahan ng pagkakaroon ng gatasang kalabaw lalo’t kumikita na ang ilan mula sa pagbebenta ng gatas. 

Alaala ni Allan Ton-ogan, presidente ng asosasyon, dati ay ibinebenta lamang  niya ang mga crossbred. Mas malaki aniya ang kita niya dito dahil mas malaki ito kumpara sa native na kalabaw. Hindi niya inaasahan na ang pagkakataon na makadaupang palad ang mga taga PCC@MLPC ang siyang magiging daan upang sumuong siya sa paggagatas ng kalabaw.

“Noong una, nag-dadalawang isip ako na sumuong sa paggagatas pero noong naranasan ko, talagang pinagtiyagaan ko kahit alas-kwatro ng umaga dahil araw-araw may kita,” ani Ton-ogan.

Dalawang kalabaw ngayon ang ginagatasan niya. Sa isang crossbred ay nakakukuha si Ton-ogan ng aabot sa tatlong litro na binibili sa halagang Php60 kada litro. Kinokolekta ito ng nakatalagang tagakuha ng gatas ng asosasyon at dinadala sa kanilang processing center.

Samantala, ang misis naman ni Ton-ogan  na si Violeta ay gumagawa naman ng produktong  may gatas gaya ng Milk-O-Jel na kanilang ipinagbibili.

May pitong kalabaw na si Ton-ogan. Lima ang pahiram mula sa PCC. Bukod sa gatasang kalabaw ay nakakuha na din si Ton-ogan ng bulugan sa ilalim ng Bull Loan Program ng PCC. Tatlong beses na siyang nakadalo sa taunang National Carabao Conference ng PCC na ginaganap sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas at nakapunta na din sa Nueva Ecija kung saan siya  natuto pang lalo sa kabuhayang salig sa kalabaw.

“Matibay ang samahan ng asosasyon at ng PCC. Kung wala sila, wala din kami.  Sila ‘yong gumabay sa amin upang matuto kami sa kabuhayang ito,” pagsasaad ni Ton-ogan. 

Para naman kay Lito Mendoza Jr., bise presidente ng asosasyon, “krisis” kung kanyang ilarawan ang kanilang buhay mag-anak noong hindi pa siya kumikita sa paggagatas. Kung kaya’t itinuturing niyang malaking tulong ang gatasan lalo’t di na nahihirapan ang kanyang pamilya sa pang-araw-araw na pangangailangan.

Kumikita si Mendoza ng Php5,500 kada buwan sa tatlong crossbred na kanyang kinukuhanan ng gatas tuwing umaga. Kung kinakailangan ay hinahalinhinan siya ng labing-isang taong gulang niyang anak na lalaki sa pagkuha ng gatas.

Kumikita rin siya sa pagbebenta ng anak ng kalabaw niya na ani Mendoza ay maari  niyang maibenta ng kulang sa Php20,000.

“Naniniwala akong dadami pa ang gatas na makukuha ko pagdating ng araw at uunlad ako sa kabuhayang ito,” kanyang ibinahagi.

Sa kabilang banda, kung si Franciso Mandate, ang tatanungin, adisyunal na mapagkakakitaan naman ang hatid ng gatas ng kalabaw sa tulad niyang magsasaka ng palay.

“Ang maganda sa paggagatas, sa panahong hindi pa ako umaani, mayroon pa rin akong mapagkukunan ng kita. Di ko din kailangan gumastos ng malaki sa pag-aalaga ng kalabaw kumpara kung magtatanim ka na kailangan pang bumili ng abono at iba pang gamit sa pagsasaka,” ani Mandate.

Naranasan niya na kumuha ng limang litro sa isa niyang kalabaw na naipagbili  ng Php60 kada litro sa asosasyon.   May opsyon ang mga miyembrong tulad niyang kunin ang kita tuwing Ika-15 o katapusan ng bawa’t buwan mula sa asosasyon. Kung kaya’t nakapagtatabi ng pera ang maggagatas na tulad ni Mandate na magagamit sa oras ng pangangailangan.

Ang asosasyon, PCC at LGU-Sindangan

Bago pa man nagsimulang maggatas ang ilan sa mga miyembro ng asosasyon ay marami nang kalabaw sa Sindangan.  Buhat noong 2015, may mataas nang calf drop (bilang ng ipinanganak na bulo) ang bayan. Sa isang taon, karaniwang 20-30 na kalabaw ang naipapanganak at wala pa dito ang mga hindi naitala na mga kalabaw.

Ayon kay CBED Coordinator Academia, base sa imbentaryo na isinagawa noong 2017 ay aabot sa 2,055 na kalabaw ang mayroon sa 41 barangay ng Sindangan.

“Madami nang kalabaw kaya hinikayat natin ang mga may-ari nito na pataasin ang lahi ng kanilang kalabaw at gatasan ang mga ito. Nagbigay tayo ng mga pagsasanay at kaalaman dito,” dagdag niya.

Isa ang bayan ng Sindangan sa mga munisipalidad  na pinanggalingan ng mga representante na dumalo sa 1st Regional Forum on Carabao Development “Emphasis on: 1) Carabao  Upgrading through A.I/Bull Loan 2) Carabao Based Enterprises Development” na isinagawa ng PCC@MLPC. Ito ay ginanap sa Dipolog City noong Ika-19 at Ika-20 ng Nobyembre noong isang taon. Nilayon dito na tipunin ang mga katulong o kasama ng PCC sa pagpapalakas ng inisyatiba sa pagpapaangat ng lahi ng mga kalabaw at pagsusulong ng CBED.

Base sa datos noong isang taon, nakatanggap na ang Sindangan Crossbred Buffalo Raisers Association ng 19 na babaing kalabaw.

Nang magpatupad and DSWD-Sindangan ng mga milk supplementation programs mula Hunyo 2018 hanggang Marso 2019,  isa ang asosasyon sa kinuhanan ng gatas na pinainom sa mga batang benepisyaryo. 

Sa kada 40 litro ng gatas na nakokolekta ng asosasyon, nakakakuha ng 125 na piraso ng 200 ml gatas. Tumulong din ang PCC@MLPC sa pagkamit ng kinailangang gatas ng DSWD-Sindangan na 41,145 pakete ng gatas para sa  prinobisyunang 1,172 bata mula sa 35 na daycare centers sa Sindangan sa loob ng tig-120 araw.

“Sa halip na noodles o iba pang pakain sa bata ay nagdesisyon ang DSWD ng Sindangan na gumamit na lamang ng gatas ng kalabaw sa mga programa nito,” saad ni Delecia Crieta, Agricultural Technologist ng LGU-Sindangan na nakikipagtulungan sa PCC@MLPC sa mga inisyatibang isinasagawa nito sa Sindangan.

Tumutulong din ang LGU- Sindangan kasama ng PCC@MLPC sa pagmimintina ng kalusugan ng mga hayop gayundin sa pagpaparami nito. Ang LGU ay nagbibigay ng bitamina at mayroon ding schedule ng libreng AI ng kalabaw sa lahat ng mga barangay ng Sindangan. May on-call na mga AI technicians na nagtratrabaho maging tuwing Sabado at Linggo kung kinakailangan.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang pagsasagawa ng mga inisyatiba upang mas lalo pang mapalawig ang industriya ng gatasan at pagkakalabaw sa Sindangan.

Author

0 Response