Epektibong pagpapalahi, pag-alam kung buntis na ang kalabaw, susi sa pag-igi ng paggagatasan

 

Kalimitang isang malaking hamon sa magsasakang maggagatas ang pagpapabuntis at pag-aantay sa muling pagpapabuntis (calving interval) ng alagang kalabaw. Sa panahon ng paghihintay, walang kitang pumapasok sa pamilya ng magsasaka.

Bilang tugon sa mga hamong ito, inilunsad ng PCC at Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (PCAARRD) ang proyekto na tinawag na “Development of Reproductive Management Program for Increased Efficiency of Artificial Insemination (AI) in Dairy Buffaloes.”

“Layunin ng proyekto na ‘di lang mapahusay ang paraan ng pagpapalahi sa kalabaw gamit ang AI kundi mapaiksi din ang calving interval (pagitan ng huling panganganak at susunod na panganganak) sa pamamagitan ng paggamit ng Triple E strategy,” ani Dr. Edwin Atabay na siyang tagapamuno ng proyekto.

Kasama niya sa proyekto sina Dr. Eufrocina Atabay, Dr. Jessica Gay Ortiz, Jhon Paul Apolinario at Erwin Encarnacion.

Ang kahulugan ng “Triple E” ay Enhancing Pregnancy Rate, Effective Rebreeding Program at Early Detection of Pregnancy.

Tinitingnan sa proyekto ang pagpapataas ng bilang ng napagbuntis na mga kalabaw gamit ang mas pinabisang AI. Kaugnay din sa proyekto ang maagang pag-determina ng pagbubuntis at pagpapataas ng kita sa gatas dahil sa pinaikling calving interval.

Ayon kay Dr. Edwin Atabay, kung dati ang pagiging epektibo ng AI ay umaabot lamang sa 20-25%, umangat na ito sa 35%-40% sa nakaraang tatlong taon na pagsasagawa ng proyekto.

Dagdag niya, isinusulong din ng proyekto na mapaikli ang calving interval sa pamamagitan ng maagang deteksyon ng pagbubuntis.

Ang proyekto ay nagsimula noong 2016 at matatapos ngayong taon. Ito ay isinasagawa sa National Impact Zone (NIZ) o Nueva Ecija at sa San Agustin, Isabela. Ang mga kalabaw na may body condition score na 3-4 at may obaryong may laki na aabot sa 2 cm ang na-kunsidera na ilahok sa proyekto.

Tulong sa magsasasaka

“Dati kailangan ko pang maghintay ng dalawa hanggang tatlong taon para mabuntis ang kalabaw ko. Ngayon sa sunud-sunod na taon ay may nabubuntis sa aking mga alaga at may siguradong gatas akong nakukuha,” pagbabahagi ni Eddie Allado.

Kabilang si Allado sa mga magsasakang maggagatas mula sa San Agustin, Isabela na ayon sa kanya ay hindi nagdalawang isip na mapabilang sa proyekto. Lalo’t aminado siya na sa kulang isang dekada niyang pagsuong sa paggagatas ay naparami niya ang kaniyang kalabaw mula apat hanggang labing-anim sa tulong ng Artificial Insemination (AI) at nitong huli ay buhat sa Fixed Time AI (FTAI).

“Buhat sa pagsisimula ng proyekto, dumami na ang nagpapa-FTAI sa San Agustin dahil nakita ng mga maggagatas na epektibo ito,” ani Dr. Atabay.

Ang FTAI ay mas pinainam na pamamaraan ng pagpapalahi na ginagamitan ng mga hormones upang itakda ang panahon ng pagpapabuntis ng kalabaw at hindi na hihintayin pa ang natural na paglalandi nito.

Base sa datos nang nakaraang taon, nakapagsagawa ng FTAI sa 609 purebred na kalabaw sa NIZ at 122 crossbred na kalabaw sa San Agustin.

“Dahil dumami ang aking mga alagang kalabaw, mas tumaas ang aking kita mula sa gatas,” ani Allado.

Sa tatlong kalabaw ay nakakukuha siya ng 12-13 litro ng gatas. Ayon sa kaniya, siya ay kumita ng higit sa Php100,000 sa loob ng walong buwan.

Bukod sa natugunan niya ang pang-araw-araw na pangangailangan ng pamilya, unti-unti na rin niyang naipaayos ang kanyang bahay at nakapagpundar din siya ng dalawang motorsiklo mula sa kita sa gatas. 

Pagsusulong ng Proyekto

Ayon kay Dr. Jessica Gay Ortiz, isa sa nagsasagawa ng proyekto, pinag-aralan ng husto ang “estrous cycle” ng kalabaw upang makapag-determina at mapagbuti ang mga paraan na gagamitin sa pagpapalahi pati na rin sa pag-alam ng pagbubuntis ng kalabaw. Isinagawa at sinuri ang mga pamamaraan sa ilang kalabaw sa PCC Gene Pool bago gawin sa kanilang target sites.

 “Kailangan nating mapataas ang porsiyento ng pagbubuntis ng mga kalabaw upang mapakinabangan nang husto ang mga inaalagaan,” ani Dr. Atabay.

Upang madetermina sa pinakamabilis na panahon kung nagtagumpay ang pagpapabuntis ay gumagamit naman ng ultrasonography o ultrasound at protein-associated glycoprotein (PAG) assay.

Gamit ang mga nasabing pamamaraan, maaring mabawasan ng anim na buwan ang calving interval na maaaring umabot ng kulang dalawang taon o higit pa at ang magsasaka ay posibleng kumita ng hanggang Php45,000.

Dagdag niya, dapat pagbuntisin agad ang kalabaw sapagka’t nalulugi ang magasasaka sa panahong walang gatas na nakukuha mula rito habang gumagastos sa pangangailangan ng alaga.  Mainam din, aniya, ang ultrasound dahil nagagawang ma-determina kung nakunan ang kalabaw o nagkaroon ng “early embryonic death”.

Sa nasabing pangyayari ay nalulusaw ang ipinagbubuntis sa sinapupunan at karaniwang di nalalaman ito ng magsasaka dahil walang sintomas na ipinakikita ang kalabaw. Bunga nito, nagtatamo rin ng pagkalugi ang  magsasaka.

 “Isa pang kagandahan ng ultrasound ay nalalaman kung may problema ang obaryo ng kalabaw at kung mainam ito na buntisin,’ dagdag ni Dr. Atabay.

Mas lalo pang pinaiigting ang mga inisyatiba upang makamtam ang layunin ng proyekto sa nalalabing panahon nito.

 

Author

0 Response