Istorya ng isang nag-aalaga ng manok-panabong, dagdag-kita nasumpungan sa pag-aalaga ng kalabaw

 

Taglay ang sariling kakayahan, sikap, tiyaga, at pagiging likas na mapamaraan, sinuong ni Carlos Cruz, 55, mas kilala bilang “Charlie” sa kanilang lugar, ang pag-aalaga ng kalabaw upang magkaroon ng karagdagang pagkakakitaan.

Siya’y kilala sa pag-aalaga ng manok na pansabong bilang pangunahin niyang pinagkakakitaan. Sa gawaing ito, nagkamit na siya ng di-iilang parangal.

Daan-daang manok ang makikita sa halos limang ektaryang lupain ni Charlie na matatagpuan sa barangay Tandang Kutyo, Tanay, Rizal. Limang beses sa isang linggo siya bumibisita sa kanyang farm. Tumatagal sa mahigit na isang oras ang kanyang biyahe bago niya marating ang kanyang lugar sa Tanay mula sa tahanan niya sa Marikina.

Para lubos na mapakinabangan ang kanyang farm at mga resources na mayroon dito, at gayundin para masulit ang pagbiyahe, sumuong siya sa larangan ng pag-aalaga ng kalabaw.

“Dati kumukuha lang ako ng balat ng mais sa palengke ng Marikina para ipakaskas sa manok. Nanghihinayang ako sa balat at busal ng mais na tinatapon lang sa palengke e pagkain na ‘yon ng kalabaw. Sino’ng mag-aakala na ‘yong basurang itinatapon nila ay grasya pala para sa’kin?,” pagsasalaysay ni Charlie. 

Palibhasa’y marunong nang mag-alaga at maggatas ng kalabaw dahil sa nakagawian na ito ng kanyang mga magulang noon, bumili siya ng isang kalabaw hanggang sa naparami niya ito.

Sa kasalukuyan, 24 lahat ang kalabaw niya na may lahing Italian at Bulgarian. Sa bilang na ito, 19 ang babae, na lima sa mga ito ang kumpirmadong buntis, at apat ang ginagatasan.

Milking machine ang gamit niya sa paggagatas na tinitiyak niyang nalinis itong mabuti bago gamitin. Aniya, kapag nakakuha na siya ng apat hanggang limang litro sa isang kalabaw ay inihihinto na niya ang paggagatas at hinahayaang pakinabangan ang nalalabi para sa bulo upang mamintina ang magandang kalusugan nito.

Tinitiyak din ni Charlie na maayos ang kalidad ng gatas na nakokolekta niya at ibinibenta. Pinaliliguan niyang mabuti ang mga kalabaw at pinatutuyo ang balahibo nito gamit ang blower para masiguro niya na walang tutulong tubig sa gatas na kinokolekta niya.

Milk cans ang gamit niyang sisidlan ng gatas. Hindi siya gumagamit ng plastic containers dahil, aniya, mahirap linisin ang mga sulok nito na maaaring magdulot ng kontaminasyon sa gatas.

 “Maraming magaling magprodyus ng gatas pero hindi lahat ay napapangasiwaan ng maayos kaya nababarat ang presyo nito. Nasa isip ko kasi, kapag umayaw sa’yo ang customer mo, mahirap mo na siyang pabalikin. Hindi ko sinasabing ganap na malinis na malinis ‘yong gatas ko, pero naroroon ang effort ko para talagang mapanatili ang kalidad ng gatas,” dagdag niya.

Sa Marikina at Manila ang karaniwang pinagdadalhan ng gatas ni Charlie. Ibinibenta niya ito sa halagang Php30 kada 330ml. May kumukuha rin sa kanyang mga Indian nationals sa halagang Php80 kada litro.

Maliban sa pagbebenta ng sariwang gatas, nagpoproseso na rin ang pamilya ni Charlie, na kinabibilangan ng kanyang asawang si Floraida at kanilang anak, ng iba’t ibang produktong gatas. Gayunman, hindi ito gasinong karamihan.

Ang mga produkto nila ay kesong puti na isinu-suplay nila sa isang Italian restaurant. May ginagawa rin silang ice cream na iba’t ibang flavors, chocomilk at yogurt.

“Sagot na ng kita ko sa pag-aalaga ng kalabaw ang pang araw-araw na gastos ng aking pamilya,” wika ni Charlie.

Apat ang kanilang anak na ang dalawa sa mga ito ay propesyonal na. Ang panganay niyang si Carlo Angelo ay isa nang abugado at ang sumunod namang si Naida Felicia ay isang arkitekto. Si Angelo Rafael naman ay kasalukuyang medical intern sa Phil. General Hospital at naka schedule na rin mag board exam ngayong taon habang ang bunso naman na si Anna Felicia ay 3rd year high school. 

Pagiging tandem ng manok at kalabaw

Dahil sa pagnanais niya na mapakinabangan ang bawa’t sulok ng kanyang farm, nagtanim na rin ng mais at napier grass si Charlie para pakain sa mga alagang kalabaw.

Ang taniman niya ng napier ay nilalagyan niya ng dumi ng kalabaw bilang pataba nito na kinakaykay naman ng kanyang mga alagang manok.

“Kapag kasi malapit sa napier grass, maraming natutukang insekto ang manok ko kaya mas malulusog sila. Maganda na ‘yong mga napier grass ko at dahil dito’y maganda rin ‘yong mga manok ko,” aniya.

Nakaplano rin siyang mag-vermicomposting gamit ang dumi ng kalabaw.

Ayon kay Charlie, napakikinabangan din ng kanyang alagang mga manok at kalabaw ang mga balat ng mais na ipinapakaykay nga niya sa manok bilang pang-ehersisyo at nagsisilbi naman itong pagkain ng kanyang kalabaw pagkatapos.

Karaniwang nasa 12-15 sako ng busal at balat ng mais ang nakukuha nila sa apat na tindahan sa palengke. Kung minsan naman ay umaabot ito hanggang 25 sako. 

Maliban dito, nagpapakain din sila ng sapal ng taho na hinahaluan ng molasses at tubig at mayroon din silang imbakan ng dayami.

Si Charlie ay miyembro ng Buffalo Raisers Philippines, isang Facebook Group na kinabibilangan ng mga nag-aalaga ng kalabaw. Aniya, dito natututunan din niya ang iba’t ibang sistema ng pag-aalaga dahil sa pagbabahagi ng kaalaman ng mga miyembro sa pamamagitan ng group discussion at mga uploaded videos.

Hangarin pa para sa hinaharap

Isa sa mga panuntunan sa buhay ni Charlie ang “huwag matakot sumubok na gawin ang isang bagay para walang pagsisisi sa huli.”

Maligaya siya, aniya, na makamit kung ano man ang mayroon siya ngayon dahil sa kanyang sariling pagsisikap. Hindi siya dumidepende sa tulong na makukuha niya galing sa gobyerno o anumang ahensiya.

“Marami akong kakilala, kamag-anak na matataas ang posisyon na maaaring tumulong sa’kin pero hindi ako dumidepende sa kanila. Kung hindi ako makakuha ng assistance sa iba’t ibang programa, iniisip ko na lang na may sistema sila at baka may mas deserving na matulungan kaysa sa’kin,” aniya.

Plano ngayon ni Charlie na magkaroon ng 20 inahing kalabaw at palawigin pa ang kanyang pagpoproseso ng mga produktong gatas.

Target din niyang makapagpatayo ng sariling gawaan ng pastillas sa Tanay, Rizal sa susunod na taon para magbukas din ng oportunidad sa nagnanais magkaroon ng trabaho.

Sa kasalukuyan, nakaplano na rin ang pagsasagawa niya ng lingguhang milk feeding program sa mga bata sa isang elementary school.

Sa naipakita na niyang sigasig at pagsusumikap, hindi malayo na maging ganap na katotohanan ang mga balaking ito ni Charlie sa hinaharap.

 

Author

0 Response