Dekalidad nakarneng kalabaw

 

Upang masiguro ang magandang kalidad ng karne, kailangan nagtataglay ng magandang “genes” ang kalabaw na pangkatay.

“Nais namin na magkaroon ng lahi ng kalabaw para sa produksyon ng mataas na kalidad ng karne,” ani Dr. Kristine Joy Prades  nang tanungin kung ano ang layon niya at ng kanyang mga kasamahan sa ginagawang pagsasaliksik.

Si Dr. Prades ay senior science research specialist ng Philippine Carabao Center (PCC) at kabilang sa mga nagsasagawa ng dalawang pananaliksik ng ahensya na salig sa produksyon ng karne ng kalabaw. 

Ang unang pananaliksik ay “Real-Time Ultrasonographic Evaluation of Carcass Traits: A Potential Tool for Improving Meat Quality Traits in Buffaloes” nina Dr. Prades, Emmanuel Bacual at Dr. Ester Flores.

Layon nito na magkarooon ng tiyak na pamamaraan sa pagtukoy ng mga importanteng katangian ng karne. Nais din na magkaroon ng impormasyon gamit ang ultrasound upang matukoy ang mga importanteng katangian ng karne habang buhay pa ang hayop.

Ginagamit ng PCC ang real time ultrasound scanning (RTUS) upang matukoy ang mga lalaking kalabaw na may dekalidad na karne sa batang edad na 12 buwan. Mahalaga ito lalo’t maiiwasan ang pagkakaroon ng mababang kalidad ng karne na naibebenta sa mas murang halaga dahil  nakakaapekto ang edad ng kalabaw sa lambot ng karne nito.

Sa tulong ng RTUS, mas napaikli din ang kalimitang matagal at mahal na proseso ng progeny testing  na ginagamit sa pagtukoy ng mga katangian ng karne.

“Niraranggo ng PCC ang mga lalakeng kalabaw base sa kanilang breeding value sa gatas. Ang mga may mabababang breeding values ay kalimitang kinakatay na lamang. Nasasayangan kami kaya ginagamit namin sila sa aming pananaliksik,” ani Dr. Prades.

Binigyan diin niya na mahalaga ang genetics ng mga magulang  dahil ang isang kalabaw ay nagtataglay ng 50/50 na genes mula sa kanyang ama at ina. Kung kaya’t ang pagkakaroon ng magandang genes ay nangangahulugan ng karneng may magandang kalidad.

Kung ang RTUS ay nakatutulong sa pagdetermina ng mga kalabaw na magandang pang-karne,  ang kasabay nitong pananaliksik na “Association of Bovine Genetic Markers with Marbling and Tenderness in Cattle and Buffaloes” ay tutok naman sa pagpapainam ng kalidad ng karne sa pamamagitan pagtunton sa mga genetic markers.

Ito ay isinasagawa nina Dr. Prades, Melinda Reyes, Niña Alyssa Barroga, Dr. Flores, at Paulene Pineda.

Mga magandang katangian ng karne

“Ang karne ng kalabaw ay masasabing may magandang kalidad base sa back fat, laki ng loin eye, marbling, at nutritional value nito, ” pagbabahagi ni Dr. Prades. Ang marbling ay ang salansan ng taba sa pagitan ng laman ng karne.

Ayon sa kanya, kumpara sa karne ng baka, ang karne ng kalabaw ay mas mababa ang cholesterol, mababa ang calories, mas maraming protina, at mas maraming mineral.

Nadetermina ng PCC na ang lahing Brazilian Murrah ng kalabaw ay mainam pangkarne dahil sa malaki nitong loin eye.

Base sa predicted growth curve o tayang paglaki ng kalabaw, tumitigil sa paglaki ang loin eye pagtungtong ng kalabaw sa edad 27 buwan. Kung kaya’t sa panahong ito o pagkaraan ng dalawang buwan pinakamainam na patabain ang kalabaw. Sa ganitong paraan, naiiwasan ng nagkakalabaw ang adisyunal na gastos sa pagpapalaki ng kalabaw na pangkatay.

Noong nakaraang ika-26 na anibersaryo ng PCC, ipinakita ang mga produkto mula sa karne ng kalabaw tulad ng carabeef , tapa, at sausage. Ito ay ipinatikim sa mga nagsidalo sa Farmer’s Field Day at tinatantiya ang marketability nito base sa pagtanggap dito ng mga nakatikim.

Sa hinaharap

Base sa pananaliksik sa karne na isinasagawa ng PCC, maaaring makakuha ng 48% yield o 240 kg. karne sa kalabaw na may bigat na 500 kg. Maaari pa itong tumaas ng higit sa 51% kung patatabain.

Upang mas lalo pang mapalawig ang mga inisyatiba sa  produksyon ng karne, ani Dr. Prades dapat magkaroon ng panuntunan sa pagpapakain ng kalabaw lalo’t importante ang pagkakaroon ng magandang nutrisyon at kalusugan sa matagumpay na pag-aalaga ng kalabaw. 

Ayon kay Dr. Prades, maaring magkaroon ng marketing research upang madetermina ang supply, at pangangailangan sa karne ng kalabaw. Dagdag niya, kanila din na kinukunsidera ang paggamit ng native, mestiso o crossbred, at iba pang lahi ng kalabaw na maaaring maging daan upang magkaroon ng lahi ng kalabaw na pangkarne.

 

Author

0 Response