Bunga ng pagtutulungan, aplikasyon ng teknolohiya, inaani na ng CADAFA

 

Sa kabila ng mga hamon at balakid sa pagsisimula ng programa sa paggagatasan sa Canahay, Surallah, hindi nawala ang pag-asang darating ang panahon na magiging bukal ng gatas ng kalabaw ang lugar na ito—hindi lang sa buong bayan, bagkus ay sa buong South Cotabato.

Pagkaraan ng apat na taong matiyagang paghihintay, ang pag-asang ito ay nabigyan ng katuparan. Taong 2019, tuluyan na ngang umarangkada ang paggagatasan sa nasabing lugar. Ang pinagmulan ng gatas? Mga alagang kalabaw ng Canahay Dairy Farmers Association (CADAFA).

Isang malaking biyaya kung ituring ni Jimmy Publico, 48, presidente ng CADAFA, at ng kanyang mga kasamahan ang magandang pagbabago sa kani-kanilang mga buhay simula nang tangkilikin nila nang tuluyan ang programa sa pagkakalabaw.

Nguni’t gaya ng karamihan na nagsisimula pa lamang sa bagong-subok na gawain, inamin din niya na hindi naging madali ang lakbayin nila sa programa.

Naging posible at abot-kamay, aniya, ang mga ganansiyang tinatamasa nila ngayon dahil na rin sa pakikipagtulungan at ugnayan sa University of Southern Mindanao (DA-PCC@USM), lokal na pamahalaan (LGU) ng Surallah, South Cotabato, at Municipal Agriculture Office.

Napagtagumpayang hamon

Naorganisa at narehistro ang CADAFA na may 32 miyembro sa tulong ng PCC@USM noong 2013. Ang pangunahing naging basehan para sa pagtanggap ng mga miyembro ay ang pagkakaroon nila ng crossbred na kalabaw bilang kanilang capital build-up.

Sa mga personal na kadahilanan, 14 lamang ang naging aktibo na sumali sa programa sa pagkakalabaw. Taong 2015 nang mapahiraman sila ng 14 na Italian Mediterranean Buffaloes ng PCC@USM.

Sa simula, maraming pagsubok ang pinagdaanan ng mga miyembro. Ilan sa mga problema ay hindi lahat ng kalabaw na naipahiram ay magaganda ang pangangatawan at hindi rin kaagad nabubuntis dahilan para ang ibang mga miyembro ay mapanghinaan ng loob at magsauli ng kalabaw.

Ayon kay Raquel Bermudez, community organizer ng PCC@USM, kaagad nilang inaksyunan ang mga problemang kinaharap ng mga miyembro patungkol sa breeding ng mga kalabaw. Nagsagawa sila ng artificial insemination (AI) at buwanang pagmomonitor nguni’t hindi pa rin nabuntis dahil mahirap obserbahan ang paglalandi ng kalabaw.

Samantala, isang alternatibong pamamaraan ng pagpapalahi, na hindi kailangan ang heat detection, ang isinagawa ng Reproduction and Physiology Section (RPS) ng DA-PCC sa pangunguna nina Dr. Edwin Atabay at Dr. Eufrocina Atabay, parehong Scientist I. 

Ito ay ang “Fixed Time AI (FTAI)”. Ayon kay Dr. Edwin, nakatakda ang oras ng pagsasagawa ng AI at tinitiyak dito na mangyayari ang ovulation sa inaasahang oras kaya’t mataas ang pregnancy rate ng kalabaw.

Taong 2016, nagtungo ang grupo nina Dr. Edwin para isagawa ang FTAI sa mga kalabaw sa CADAFA. Walong kalabaw ang nakapasa para sa pagsasagawa ng FTAI at anim sa mga ito ang nabuntis.

Matapos manganak ng mga kalabaw ay nagsimula na itong magbigay ng gatas noong 2017 nguni’t karamihan sa mga miyembro ay nag-alinlangan na gumatas dahil naaawa sila sa bulo at walang siguradong merkado noon para sa gatas na makokolekta nila.

Para naman sa rebreeding ng mga kalabaw sa CADAFA, isa ring alternatibong paraan ng pagpapalahi pero mas abot-kaya ang inaplay noong 2018 base sa pag-aaral (“Enhancing Prostaglandin-Based Estrus Synchronization (ES) Protocol for AI in Water Buffaloes”) na isinagawa nina Dr. Edwin at ng kanyang research team. Ito rin ay kilala sa tawag na “Enhanced AI”.

Ayon kay Dr. Edwin, sa pamamaraang ito, tuturukan ng hormone [prostaglandin] ang mga kalabaw na hindi buntis at may corpus luteum na nasa isang lugar at sa ikatlong araw ay seserbisyuhan ng unang AI (sa umaga) at tuturukan ng hCG (ovulatory hormones). Pagkaraan ng walong oras (sa hapon) ay magsasagawa ng follow-up o ikalawang AI.

Ang aplikasyon ng nasabing estratehiya ay tinutukan at pinangunahan ni Nasrola Ibrahim, carabao-based enterprise development coordinator at AI technician ng PCC@USM para sa pagpapabuntis muli ng mga kalabaw sa Canahay.

Hindi nagtagal, nagbunga ang kanilang pagtitiyaga at masinsinang pagtutok sa mga hayop—sunud-sunod na nabuntis ang mga kalabaw, nanganak, at nagbigay ng gatas.

Pag-unlad

Taong 2019, tuluyan nang naresolba ang problema sa breeding sa mga kalabaw dahil sa aplikasyon ng teknolohiya, gumanda rin ang katawan ng mga ito dahil na rin sa mga planting materials na ipinamahagi ng PCC@USM kung kaya’t naisaayos ang paraan ng pagpapakain.

“Pinapaintindi natin sa kanila na itong programang ito ay hindi para sa’tin bagkus ay para sa kanila. Kahit anong gawin natin kung hindi nila aalagaan ng maayos at babantayan ang breeding at hindi sila maggagatas, walang mangyayari. Kailangan tutukan sila para may magandang output,” ani Ibrahim patungkol sa mga magsasakang maggagatas.

Si Yolanda Paches, 58, ang miyembro na kaagad ginatasan ang kalabaw matapos itong unang mabuntis at manganak noong 2017. Noong 2019 ay nakakolekta siya ng kabuuang 1,034 litro ng gatas. Sa kasalukuyan, nakakukuha siya ng 7 litrong gatas mula sa dalawang kalabaw. Aniya, sa limang araw ay kumikita siya ng mahigit Php3,000 sa benta lang ng gatas.

Maraming miyembro ang nahikayat at sumunod kay Yolanda sa paggagatas. Isa rito si presidente Jimmy na, aniya, ay malaki ang naging tulong ng kita sa gatas para mapagtapos niya ng pag-aaral ang dalawa niyang anak na may mga kursong Bachelor of Science in Agriculture at Hotel and Restaurant Management.

Aniya, nanumbalik ang interes ng mga miyembro sa programa at may mga nais pang magpamiyembro nang makita ang pagbabago sa buhay nila. Sa kasalukuyan, 30 ang miyembro ng CADAFA  at 11 rito ang gumagatas. Nasa 36 naman ang bilang ng inaalagaan nilang kalabaw kung saan lima ang buntis at siyam ang ginagatasan.

Base sa talaan ng PCC@USM, noong 2019 ay umabot sa 8,655 litro ang produksyon ng gatas ng CADAFA. Higit itong mas mataas kumpara sa tinarget nitong 3,000 litro.

“Sa katunayan, sobrang swerte namin na suportado kami ng PCC at LGU. Bilang ganti, aalagaan naming mabuti ang mga kalabaw para mapanatiling maganda ang performance nila at tuluy-tuloy ang gatas,” ani Jimmy.

Suporta at pagtutulungan

Ayon naman kay PCC@USM Center Director Benjamin John Basilio, ilan sa mga dahilan kaya umunlad ang CADAFA ay dahil noong nagkaroon ng problema sa simula ay hinamon niya ang mga miyembro at binigyan ng huling pagkakataon para ma-improve ang sistema nila ng pag-aalaga. Patuloy rin ang pagbibigay nila ng suporta at kinakailangang interventions.

“Pagkaraan ng dalawang taon, noong ipinakita ulit sa’kin ‘yong mga kalabaw, talagang nag-improve, may mga buntis at may nanganak na,” ani Dir. Basilio.

Bilang karagdagang suporta, maliban sa mga seminars, trainings, at technical assistance, nagbigay ng pondo na Php125,000 ang PCC@USM para sa pagpapatayo ng milk collection center ng CADAFA.

“May mga miyembro na emosyonal kapag tatanungin mo ‘yong naging tulong sa kanila ng programa kasi mula sa puso talaga ‘yong pagpapatotoo nila. Nasaksihan at naranasan talaga nila ang mga pakinabang at magandang naidulot ng pagkakalabaw sa kabuhayan nila,” wika niya.

Katuwang ng PCC sa pagbibigay ng suporta sa CADAFA ang LGU ng Surallah. Isang makabuluhang ugnayan ang naging sanhi para tuluyang umunlad ang nasabing asosasyon.

Ang bayan ng Surallah ay may mga barangay na natukoy kung saan mataas ang insidente ng malnutrition. Isang foundation ang nakipag-ugnayan sa munisipyo para sa feeding program at isa sa mga iminungkahi ni Surallah Mayor Antonio Bendita na isama sa menu ang pagpapainom ng gatas na kung saan ang magiging supplier ay ang CADAFA.

Maliban dito, magsasagawa rin ng pagsasanay sa cheesemaking at value-adding ng gatas ng kalabaw para sa mga kababaihan ng CADAFA. Nagbigay pa ng pondo na Php500,000 ang munisipyo para sa pagpapatayo ng milk processing at display center, na inaasahang matatapos ngayong taon. 

Kabilang din sa mga suporta ng LGU sa CADAFA ay ang pagha-hire ng isang artificial insemination technician at veterinarian na si Dr. Harold Eslabon, na siyang nagmomonitor sa kalusugan ng mga kalabaw at iba pang hayop sa Surallah at pagbibigay ng freezer at iba pang mga kaugnay na kagamitan.

Dahil sa pagtangkilik sa programa sa paggagatasan, nagdeklara ng mga barangays si Mayor Bendita na mapapabilang sa “Dairy Zone”. Ang mga ito ay Canahay (pilot area), Buenavista, Colongulo, Little Baguio, Moloy, Duengas, Talahik, at Upper Sepaka.  Ito ay sa pakikipagtulungan nila sa PCC@USM dahil ito ang magbibigay ng mestisang kalabaw o crossbreds sa mga barangay na nabanggit sa ilalim ng family module nito.

Isa rin sa punong-abala sa pagtutok at pagsuporta sa CADAFA ay si Municipal Agriculturist Loel Nillos kasama niya ang focal person sa dairy production na si Rosalino Ligahon Jr.

Ibinahagi ni Nillos ang iba pang mga plano ng LGU para sa CADAFA. Kabilang sa mga ito ay maging learning site ang CADAFA na akreditado ng Agricultural Training Institute at ang marehistro ito at mga produkto nito sa Food and Drug Administration.

“Gusto namin na hindi na masyadong nakaasa sa PCC. Para masustain namin ‘yong programa, plano rin na magdagdag ng AI technicians at para sa upland development program naman namin ay ang pagtatanim ng mga forage grasses para mapagkunan ng pakain sa mga kalabaw,” aniya.

Samantala, ang punong barangay ng Canahay na si Rita Escorido ay buo rin ang suporta sa programa dahil naranasan din niyang kumita sa pamamagitan ng paggagatas dahil sa asawa niyang si Reynante, vice president ng asosasyon.

Isang biyaya ngang maituturing ang nangyaring pagtutulungan sa pagitan ng asosasyon, lokal na pamahalahaan, at ahensiya ng gobyerno. Dahil dito, kaakibat ang dedikasyon ng mga miyembro at paggamit ng teknolohiya, ang CADAFA ay isa ngayon sa itinuturing na pinakaprogresibong asosasyon ng magkakalabaw sa buong South Cotabato.

 

Author

0 Response