Agri-tourism site sa Laguna nagbibigay ng tripleng benepisyong kalahok ang kalabaw

 

Kalusugan, kagalingan at kabutihan, edukasyon ng mga bata at pati na rin ang adbokasiya ukol sa higit na pagpapahalaga sa kalikasan ang mga mahahalagang bahagi sa pagkakaroon ng Holy Carabao Farm noong 2007 na matatagpuan sa Sta. Rosa, Laguna.

Ang pangkalahatang farm na nakabatay sa prinsipyo ng organikong pagsasaka, biodynamic agriculture at permaculture, ay sinimulan ni Hindy Weber Tantoco. Nagsimula siya sa pamamagitan ng organikong pagtatanim sa sariling bakuran sa Sta. Elena, Laguna para makapagprodyus ng masarap, masustansya at walang halong kemikal na pagkain para sa kanyang pamilya.

Mula sa isang simpleng inisyatibo, nakapag-ani siya ng mga tanim at nakapagbigay rin sa mga kaibigan at kapitbahay, hindi naglaon ay patuloy na lumago ang mga kanyang mga ani hanggang sa hinikayat siya ng kanyang asawa, at napagdesisyunan nila na gawin itong isang negosyo.

Sa pagsisimula ni Hindy sa nasabing negosyo, tinulungan siya na pamahalaan ang Holy Carabao Farm ng isang kaibigan at katrabaho sa Waldorf School na si Melanie Go. ‘Di nagtagal ay lumawak ang kanilang negosyo at nagsimula na rin na magkaroon ng door-to-door service delivery ng kanilang mga produkto sa ilang bahagi ng Maynila sa pamamagitan ng pag-oorder online. Gayundin, nagkarooon sila ng pagkakataon na makapagmerkado sa ilang mga sikat na supermarket gaya ng S&R at Rustan’s, maliban sa isang outlet store sa Rockwell sa Makati.

Mayroong parehas na pananaw sina Melanie at Hindy na ang maayos na buhay ay buhat na rin sa pagpili ng masusustansyang pagkain, at kanila namang napatunayan na maaaring magmula sa mga produktong organiko at gatas na nagmumula sa kalabaw.

Sa papapatuloy ng Holy Carabao Farm, noong 2015, nagkaroon ito ng parte ng lupa sa tabi ng Waldorf School kung saan naroroon din ang nasabing farm. Naging dahilan ito ng pagkakaroon ng mga lakbay-aral at iba pang uri ng mga adbentyur sa farm.

Tatlong uri ng benepisyo

(1) Kalusugan. “Ang pagkain ay nagbibigay buhay sa pisikal na pangangatawan. Ang mainam na pinagmumulan nito ay naka-aambag sa mahusay na pamumuhay ng isang tao, sa gayon, ito ay nagbibigay daan upang mas mapahalagahan ang buhay,” paliwanag ni Hindy.

(2) Edukasyon ng mga kabataan. Ang maranasan ang buhay sa farm sa pamamagitan ng aktibong pakikisangkot (interactive immersion) ay isang bahagi ng kurikulum ng paaralan kung saan kalahok ang Holy Carabao Farm.

(3) Adbokasiyang pangkalikasan. Ang kalabaw ay ‘di maitatangging katuwang sa pagsasaka, gayundin, ang kaugnayan nito sa kapaligiran kaya naman nakatulong din ito sa pagpapalaganap ng kalakip na abokasiya ng farm. “The more children are removed from nature, the less they will care,” paliwanag ni Melanie. Ang ideya na ito ang nagbigay sa kanila ni Hindy ng inspirasyon upang gumawa ng programa para sa paaralan sa pamamagitan ng Holy Carabao Farm.

Ang kalabaw na nakadepende sa mga puno at lupa sa farm ay nagbigay daan sa pagkakaroon ng carabao cartride sa Holy Carabao Farm.

Ang kakayahan ng kalabaw na makapagprodyus ng gatas ay nakatulong sa pag-iimbento nila ng mga pagkain na may twist para sa pamilya at mga mamimili. Nakagawa sina Melanie at Hindy ng mga masasarap na inumin, minatamis, salads at iba pa na kasalukuyan na ring ibinebenta online, at kung marami ang suplay, ay maaaring tikman sa Farm Shed Cafe, ang coffee shop ng Holy Carabao Farm.

Pakikipag-ugnayan sa inaasistehang kooperatiba ng PCC

Dahil tatlo lang ang mga native carabaos sa farm, kumukuha sila ng suplay ng gatas sa Magdalena Dairy Raisers Association (MDRA) na nakabase sa Magdalena, Laguna. Nasa 200 litro ng gatas kada buwan ang nakokonsumo ng Holy Carabao Farm sa paggawa ng kanilang mga produktong-gatas.                             

Dinedeliber ang gatas ng kalabaw sa tulong ng isang middle man sa pagawaan ng Holy Carabao na matatagpuan sa Cabuyao, Laguna. Dito pinoproseso ang mga produkto na kalaunan ay dinadala naman sa Makati upang ihatid sa mga mamimili. 

Ang fresh at pasteurized milk na ibinebenta nila na frozen ang pinaka karaniwang produkto, pati na rin ang iba’t ibang uri ng keso na inilalagay sa mga salad. Mayroon din silang bagong produktong-gatas gaya ng iba’t ibang flavors ng gelato na sisimulan pa lamang ilabas bilang pansalubong sa pasko at bagong taon. Kabilang rin sa kanilang mga produkto ang mga organikong gulay, karne ng manok at baboy, tonics, at iba pa.

Pagpapangalan sa Holy Carabao Farm

Ayon kay Melanie, ang kakaibang katangian ng pangalang “Holy Carabao Farm” ay dahil sa konsepto nito na ‘local yet global’. Dagdag pa ang kaisipan na malapit sa mga magsasaka ang kalabaw, nais nila na mabigyang pagpapahalaga rin ang mga magsasaka at trabahador sa kanilang farm sa bawa’t produktong inaani na buhat sa kanilang pagpapagal.

Ang konsepto nito ng pagkain na buhat sa pagtatanim o pag-aani hanggang sa makarating sa hapag kainan ng kanilang mga pamilya at tumatangkilik na mga mamimili, ang pagkakaroon ng malasakit sa mga gumagawa sa bukid, ang pagpapahalaga sa bawa’t gumaganap sa kabuuan ng kanilang pagnenegosyo, at tapat o makabuluhang pagpapasahod sa mga farm workers at ang angkop na presyo sa mga dekalidad na produkto ang inspirasyong bumubuo sa Holy Carabao Farm.

Ang pananabik ni Hindy na makapagprodyus ng balanse at mainam na pamumuhay para sa kanyang pamilya ay sumasaklaw rin sa mabuting intensyon niya para sa Holy Carabao Farm na magkaroon ng sarili nitong pagkakakilanlan.

Patunay na mula sa pinagkukunan ng gatas, pati na rin ang kamalayan ng mga kabataan sa tradisyunal na pagsasaka, at ang kaugnayan sa kalikasan para sa higit na pagpapahalaga ay maaaring makamit sa pamamagitan ng kalabaw.

Ang mga nabanggit na aspeto na mayroong pantay na kontribusyon sa atin bilang tao ay natutugunan sa  sa kontribusyong hatid ng kalabaw na patuloy na nag-aambag sa agrikultura. Gaya ng pagtingin ng marami, ang agrikultura na kabahagi ang kalabaw ay may malaking gampanin para sa patuloy na seguridad ng pagkain.

 

Author

0 Response