Sinanay sa Tagumpay

 

“Marami po kaming natutunan sa Social Preparation Training (SPT) ng Department of Agriculture-Philippine Carabao Center (DA-PCC), binigyan kami ng pagsasanay na ito ng pagkakataon na magkaroon ng self-assessment tungkol sa aming kakayanan na makisalamuha at makibahagi sa ibang miyembro ng samahan at maging katuwang sa programang pagkakalabawan,” pahayag ni Moneth Tabuac, isa sa mga kalahok sa isinagawang SPT nitong Setyembre 30 hanggang Oktubre 1.

Ang SPT, na isinasagawa ng DA-PCC Knowledge Management Division-Learning Events Coordination Section (KMD-LECS) at National Impact Zone (NIZ) team, ay isang pangunahing kwalipikasyon ng DA-PCC para mapahiraman ng mga gatasang kalabaw ang isang kooperatiba o asosasyon.

Ang dalawang araw na pagsasanay sa SPT ay taunang isinasagawa ng DA-PCC na nagnanais bigyan ng hustong preparasyon ang bawa’t potensyal na benepisyaryo ng Carabao Development Program (CDP).

Sa pamamagitan ng SPT, inihahanda ang bawa’t magsasaka sa mga dapat gawin kapag naging kalahok na sa programa ng DA-PCC. Kabilang sa mga paksang tinatalakay sa SPT ang tungkol sa kahandaan ng      miyembro ng isang kooperatiba o asosasyon, mga kakayahan at katangian na kinakailangan para sa pagkakaroon ng matatag na samahan, mga posibleng      kaharaping pagsubok sa pag-aalaga ng kalabaw at paglilinaw ng mga prayoridad sa kabuhayan para sa maunlad na kooperatiba at iba pa.

“Ang pagiging kabahagi ng isang layunin o gampanin ay nag-uudyok sa isang indibidwal na magkaroon ng higit pang pagkilala at pagpapahalaga sa sarili. Ang pagkakaroon ng kumpiyansa sa sarili ay may malaking kontribusyon upang maimpluwensyahan din ang iba sa pag-abot ng anumang naisin,” pagpapaliwanag ni Dr. Ericson Dela Cruz, carabao-based enterprise development coordinator ng DA-PCC at nagsilbing tagapagsanay ng SPT.

Samantala, binigyang-diin naman ni Wilma del Rosario, DA-PCC NIZ coordinator, na ang SPT ay panimula lamang sa marami pang pagsasanay na isinasagawa ng DA-PCC para sa mga inaasistehan nitong kooperatiba o asosasyon at iba pang mga kliyente.

“Kasunod ng SPT ay ang pagsasanay sa Basic Buffalo Management para sa mas malalim na kaalamang teknikal tungkol sa pag-aalaga ng mga gatasang kalabaw,” ani del Rosario.

Ayon sa kaniya, ang patuloy na paglinang sa kaalaman ng mga magsasakang-magkakalabaw sa  pagsasanay at pagbabahagi ng kaalaman at teknolohiya ng DA-PCC sa mga kabalikat nito ay may malaking bahagi sa pagnanais ng mga ito na magpatuloy sa programa.

 “Sa Nueva Ecija, 1028 ang nakapagtapos ng SPT at nagpatuloy sa programang salig sa pagkakalabawan. Sa nasabing bilang, 928 na lamang ang aktibo at inaasistehan ng PCC-NIZ,” saad ni del Rosario.

“Tinatayang nasa 2% ng mga nasanay sa SPT kada taon ang napadpad sa ibang kabuhayan maliban sa pagkakalabawan nguni’t mas malaking bahagi pa rin ang nagpatuloy sa CDP,” dagdag niya.

‘Best Practices’ ng mga aktibong kooperatiba ng PCC-NIZ

“Para sa akin, ang pagkakaroon ng matatag na pamumuno, pagiging transparent sa bawa’t miyembro at pagkakaroon ng sapat na kaalaman sa batas at mga patakaran sa loob ng kooperatiba ang susi para sa maunlad na pagpapatuloy ng isang samahan,” pagbabahagi ni Leoncio Callo, dating chairman ng Catalanacan Multi-Purpose Cooperative (CAMPC).

Siya ay isa na rin sa mga progresibong magkakalabaw na inasistehan ng DA-PCC. Taong 1987 nang una siyang naging bahagi ng “Samahang Nayon ng Catalanacan” na ngayon ay mas kilala na sa Nueva Ecija bilang CAMPC.

Aniya, maliban sa mga halimbawa na narinig lamang niya noon sa SPT, mga aktuwal na pagsubok ang lalong humubog sa kooperatiba upang lalo itong maging matatag sa paglipas ng panahon.

Ito’y samantalang tinututukan ng bawa’t miyembro ang pagiging ‘profit-based’ ng kooperatiba o asosasyon para matiyak ang patuloy nitong paglago.

Sa kasalukuyan, ang CAMPC na mayroong 175 miyembro ay may sarili nang pamilihan (DairyBox) at iba’t ibang uri ng mga produktong gatas gaya ng chocomilk, pastillas, polvoron, espasol de leche, ice cream, bibingkang gatas at marami pang iba na mula mismo sa aning gatas ng kalabaw ng kanilang kooperatiba. 

Sa Eastern Primary Multi-Purpose Cooperative (EPMPC) naman, ayon kay Gilbert Daduyo, chairman ng EMPC, ang record keeping at pagiging hands-on sa operations ng kooperatiba ang maituturing niyang susi sa mainam na pagpapatakbo ng negosyong paggagatasan.

Aniya, sariwa pa rin sa kaniyang alaala ang mga aral na natutunan niya sa SPT patungkol sa mararating ng masidhing kagustuhan ng indibidwal kung magdedesisyong makilahok sa isang proyekto. Ang mga katagang “huwag sumali sa proyekto kung napipilitan lang” na mula sa tagapagsanay noon sa SPT taong 2015, ay tumimo sa kaniyang isipan.

Sa kasalukuyan, 64 ang miyembro ng EPMPC na lumilikom ng aning gatas na aabot sa 280 litro kada araw. Ang kanilang kooperatiba ay may sarili ring processing plant at market outlet sa San Jose City, Nueva Ecija. Nagpapatuloy sila sa higit pang pagpapalago ng kanilang negosyo katuwang ang DA-PCC.

Silang nagsanay at nagpatuloy ay mga patunay na ang munting pangarap mula sa isang simpleng magsasaka kung lalakipan ng pagsisikap, tamang oportunidad at suporta ay ‘di malayong umunlad.

 

Author

0 Response