Mula sa gatas ng kalabaw

 

Higit pa sa pagiging katuwang ng mga magsasaka sa bukid ang nakamamanghang angking abilidad ng mga kalabaw. Pinatunayan ito at patuloy na isinasabuhay ng Philippine Carabao Center (PCC), isang ahensyang kasangga ng Department of Agriculture (DA) sa pagpapakilala ng mga produktong nagmula sa kalabaw.

PCC at Milka Krem

Taong 1992 nang itatag ang DA-PCC sa Lungsod Agham ng Muñoz sa bisa ng Republic Act No. 7307 na naglalayong pagtuunan ng atensyon ang carabao farming lalo na at isang agrikultural na bansa ang Pilipinas. Higit pa rito, ninanais din ng PCC na makilala ang kalabaw bilang isa sa mga mapagkukunan ng masustansyang mga pagkain at mga inumin.

Upang maibahagi sa masa ang mga benepisyong kayang ihandog ng mga kalabaw sa bawa’t indibidwal partikular sa pagkain at inumin, binuksan taong 2011 ang Milka Krem. Isa itong gusali kung saan makabibili at makatitikim ng mga produktong gamit ang gatas ng kalabaw.

Bukod pa rito, idinisenyo rin ang Milka Krem na hawig sa istruktura ng mga karaniwang cafeteria upang makapaglaan ng espasyo sa mga taong nais magpahinga rito habang tumitikim ng mga produkto o humihigop ng mainit na kape na maaaring parisan ng tinapay.

Mga tumatangkilik

Maliban sa mga mag-aaral, kawani ng Central Luzon State University (CLSU) at mga naninirahan sa mga kalapit na lugar, tagapagtangkilik din ng mga produkto ng PCC ang mga biyaherong dumadaan sa Milka Krem na nais bumili ng pasalubong  na mabibitbit pauwi.

Mga benepisyo

Kabilang sa mga benepisyong dulot ng pagkonsumo ng gatas ng kalabaw ang mga bitaminang tulad ng A and C na nakapagpapalakas ng immune system. Mayroon din itong calcium, manganese, copper, phosphorus, zinc at potassium na nakatutulong sa maayos na pagdaloy ng dugo patungo sa arteries.

Mga tampok na produkto

Ayon kay Jennica Jove, plant manager, Central Dairy Collecting and Processing Facility ng DA-PCC, kabilang ang pasteurized milk, chocolate milk, yogurt, pastillas at ice cream sa limang pangunahing produkto ng Milka Krem. Gayunpaman, nilinaw ni Jove na nagbabagu-bago ang mga produktong maaaring mabili batay sa produksyon at sa mga tumatangkilik ng mga nabanggit na produkto.

Maliban sa tatak na “fresh at natural”, patuloy na nagiging mabenta sa publiko ang chocolate milk dahil sa linamnam at malasang tsokolate nito. Wala ring pinipiling edad ang ganitong produkto kung kaya’t patok sa kahit sinong mamimili. Sumusunod sa pinakamabentang mga produkto ng Milka Krem ang pasteurized milk at yogurt na swak naman sa panlasa ng mga hindi mahilig sa matatamis na pagkain o mga inumin.

Hindi rin nagpapahuli ang ice cream na all-time favorite ng lahat bukod pa sa dahilang tumatagal ito ng hanggang anim na buwan sa ref. Kung mahilig naman sa matamis, nariyan ang pastillas na may iba’t ibang flavor.

Tumatagal ang mga produktong gatas na walang halong preservative ng pito hanggang 10 araw. Ang pagpapahaba sa shelf life ng mga produktong gatas ang siya ngayong sinasaliksik ng product development team ng DA-PCC upang tumagal ang pag-iimbak sa mga produktong ito o kaya’y maibiyahe sa mas malalayong  lugar. Kung magkagayon, mas darami ang makatitikim ng masustansiyang gatas ng kalabaw at mas lalawig ang industriya ng pagkakalabawan sa bansa. 

(Mula sa CLSU Collegian, Saka, pahina 62, 2019)

 

Author
Author

0 Response