Pinamungahan ng biyaya ang punod

 

“Mapalad” kung ituring ni Apolonia Sabagala, 57, ng Brgy. Punod, Pinamungajan, Cebu, ang sarili lalo’t sa kabila ng mga pinagdaanang hirap sa buhay ay nabigyan siya ng pagkakataong makaahon at maranasan ang mga bagay na hindi niya akalaing abot-kamay sa tulong ng pagkakalabaw.

Aniya, dahil sa gawaing ito ay natupad ang pangarap niya na makasakay ng eroplano, nakapaglalaan na siya ng sapat na perang pambaon ng kaniyang mga anak sa eskuwelahan, at ngayo’y buo na ang loob na kaya na nilang mapagtapos ang mga ito ng pag-aaral.  

Kabilang si Apolonia sa mga miyembro ng Lamac Multi-Purpose Cooperative (LMPC) na napahiraman ng kalabaw mula sa DA-PCC noong 2018. Ang Cebu ay saklaw ng DA-PCC sa Ubay Stock Farm (DA-PCC sa USF).

Dati siyang nagtitinda ng turon sa isang elementary school habang ang kaniyang asawang si Antonio naman ay isang karpentero sa karatig siyudad at kumikita ng nasa Php110 kada araw. Ani Apolonia, ang naturang halaga at kaunting kinikita niya sa pagtitinda ay kadalasang hindi sumasapat para matustusan ang mga pangangailangan ng kanilang anim na anak.

Kung kaya’t nang malaman niya kay LMPC General Manager Elena Limocon na maaaring makahiram ng gatasang kalabaw mula sa DA-PCC ay hindi na nagdalawang-isip pa si Apolonia na sumuong sa pagkakalabaw. 

Sa pagtutulungan ng DA-PCC sa USF at LMPC ay nagkaroon ng dalawang araw na immersion sa Bohol ang ilan sa mga miyembro ng LMPC.

Bagama’t sa una ay may pag-aalinlangan ang asawa ni Apolonia, determinado pa rin siyang ipagpatuloy ang kaniyang nais na sumubok sa pagkakalabaw. Pumunta si Apolonia sa Bohol upang matuto pa sa negosyong kalabawan.

“Gusto namin na masaksihan nila na may kita sa kalabaw kaya pinabisita namin sila sa mga progresibong magsasakang-maggagatas sa Bohol para personal nilang makadaupang-palad ang mga ito,” pagbabahagi ni Elena.

Ayon kay Gaudioso Calibugan, Senior Agriculturist ng DA-PCC sa USF, binisita nina Apolonia ang DA-PCC sa USF farm, nakausap ang mga piling maggagatas ng kalabaw, at natulog sa bahay ng isang maggagatas upang malaman nila ‘di lamang ang mga pamamaraan sa pagkakalabaw kundi maging ang benepisyong hatid ng kita mula rito.

Dagdag ni Gaudioso, hindi nagtagal pagkaraan ng immersion ay nagkaloob ang DA-PCC sa USF ng walong purebred Italian Mediterranean buffaloes sa LMPC. Ang mga ito ay ipinamahagi sa mga nagsipunta sa Bohol kasama na si Apolonia.

Nakatanggap si Apolonia ng isang buntis na kalabaw na pinangalanan ng bunso niyang anak na Flora Mae habang ang naging anak nito ay tinawag na Valentina.

“Nagsimula akong gumatas ng isang litro hanggang sa lumaki nang paunti-unti ang nakukuha ko at umabot ng tatlong litro. Naipagbibili ko ang aning gatas ng Php55 kada litro,” ani Apolonia.

Hindi naglaon ay nakatanggap muli si Apolonia ng isang buntis na kalabaw na ngayo’y nagbibigay na ng gatas.

Aabot sa 7-10 litro ng gatas ang nakukuha sa ngayon nina Apolonia at kumikita siya ng Php6,000 tuwing kinsenas at katapusan ng buwan.

“Noong araw, limang piso lang ang pabaon ko sa anak ko na nag-aaral. Ngayon, kaya ko nang mabigyan ng Php50 kada araw bawa’t isa ‘yong tatlong anak ko na nag-aaral,” salaysay ni Apolonia  ng may halong kalungkutan at tuwa sa pag-aalala.

Dagdag niya, hindi nangangailangan ng maraming oras ang pagkakalabaw kaya naman mayroon pa silang oras para sa ibang gawain.

“Isang pamilya kaming nagtutulung-tulong sa pag-aalaga dahil marunong na ring maggatas ng kalabaw ‘yong mga anak ko,” ani  Apolonia.

Bago gatasan ay pinaliliguan muna ni Apolonia ang dalawang kalabaw nito. Tumutulong ang mga anak nito sa paggagatas tuwing alas-singko ng umaga bago sila pumasok sa paaralan. 

Hindi matatawaran ang tiyaga at sipag na ipinamamalas ng mag-asawa sa pag-aalaga ng kalabaw. Kadalasang bumabangon si Apolonia ng alas-tres ng umaga upang magluto ng agahan at mag-igib ng tubig sa balon sa gilid ng ilog. Araw-araw ay kumukuha silang mag-asawa ng 40 litro ng tubig para sa mga alagang kalabaw.

Dahil nasa mataas na bahagi ang lugar na pinaglalagakan ng mga kalabaw nina Apolonia, kinakailangang magpabalik-balik ng kaniyang asawa sa pagkuha ng tubig gamit ang galon na iilang litro lamang ang kayang lamanin.

“Minsan, dumadaing ang asawa ko na masakit daw ‘yong kamay niya tapos kapag umuulan madulas naman ‘yong daanan. Tinitiis niya lahat ‘yon kasi ito na ang kabuhayan namin. Kailangan masipag ka sa pagkakalabaw para sigurado ring may kita ka,” ani Apolonia.

“Nagpapasalamat ako sa PCC dahil kung hindi dahil sa kanila hindi kami magkakaroon ng siguradong kabuhayan,” dagdag niya.

Napabilang si Apolonia sa mga maggagatas na isinama ng DA-PCC sa National Headquarters nito sa Nueva Ecija noong ika-26 anibersaryo ng DA-PCC at nakalahok din siya sa National Carabao Conference na idinaos sa Bukidnon noong 2019.

Taun-taon ay tinitipon ng ahensiya ang mga pili at natatanging mga magkakalabaw at maggagatas sa dalawang nasabing okasyon upang kilalanin at bigyan ng dagdag kaalaman.

“Dati kapag nakakakita ako ng eroplano iniisip ko kung makakasakay ba ako doon dahil mahirap lang kami. Hindi ko alam na dahil pala sa pagkakalabaw mararanasan kong sumakay ng eroplano noong pumunta kami sa Nueva Ecija,” emosyonal na sambit ni Apolonia.

Mula sa pagiging miyembro ng LMPC, si Apolonia ay chairperson na ngayon ng 1st Dairy Cluster Association sa Barangay Punod, Pinamungajan, Cebu.

“Sinasabi ko sa iba na nais ding magkaroon ng kabuhayang salig sa kalabaw, na sa gawaing ito ay wala kang amo, kailangan lang na masipag ka,” ani Apolonia.

Para sa kaniya, ang naranasan at patuloy na magandang pagbabagong nagaganap sa kaniyang buhay at pamilya ay biyayang habang buhay niyang ipagpapasalamat sa Panginoon kung kaya’t nararapat ibahagi ang kwento niya sa ibang tao na nangangailangan.

 

Author

0 Response