Magandang lahing kalabaw, mabilis na matutukoy sa 'Genomic Selection'

 

Mapapabilis na ang pagtukoy sa kalabaw na may maganda at mataas na lahi gamit ang “genomic selection” o ang pamamaraang base sa aktwal na hene o “genes” na mayroon ito.

Ayon ito kina Dr. Ester B. Flores, national genetic improvement program coordinator ng Department of Agriculture-Philippine Carabao Center (DA-PCC) at Dr. Jesus Rommel Herrera, supervising science research specialist sa DA-PCC sa University of the Philippines Los Baños (DA-PCC sa UPLB), matapos ang kanilang isinagawang pananaliksik na “The Use of Genomic Information on Dairy Buffalo Breeding Program”. Ginabayan sila ni Professor Julius van der Werf na mula pa sa University of New England, Armidale, New South Wales, Australia.

Gamit ang “genomic selection”, aabutin na lamang ng tatlo at kalahating taon ang haba ng panahon na hihintayin bago malaman na may mataas ngang lahi ang kalabaw. Mas mabilis ito kumpara sa “progeny testing” na umaabot sa pito hanggang walong taon, anila pa.

Paliwanag nila, ang “progeny testing” ay isang pamamaraan kung saan inaalam ang taas ng lahi ng kalabaw base sa galing o “performance” ng mga anak na babae ng isang bulugan . Nakadepende rin ito sa “pedigree” o sa galing ng nanay at tatay ng isang kalabaw para masabing ito nga ay may magandang lahi.

Patungkol sa pag-aaral

Ayon kay Dr. Herrera, ang namuno sa isinagawang pag-aaral, mahalaga ang pag-alam at paggamit sa “genetic information” ng kalabaw sa programa sa pagpapalahi o sa “genomic selection”.

Isinagawa ang pag-aaral, aniya, sa pamamagitan ng pangongolekta ng dugo sa tatlong lahi ng gatasang kalabaw (Bulgarian Murrah, Brazillian Murrah, at American Murrah Buffalo) at mga crosses nito.  Lahat ng pinagkuhanan ng dugo ay inaalagaan sa institutional farms ng DA-PCC sa 12 sangay nito sa bansa at sa mga piling magsasaka na nasa Nueva Ecija.

Ang dugo na nakolekta sa mga ito ay ginamit sa DNA extraction kung saan inihihiwalay ang DNA ng kalabaw mula sa nucleus sa selula o “cells” ng dugo.

Matapos ito ay ipinadala ang DNA ng mga kalabaw sa Affymetrix, Inc. sa Sta. Clara, California sa Amerika. “Gamit ang buffalo single nucleotide polymorphism (SNP) chip na naglalaman ng 90,000 SNPs ay nabibilang ng Affymetrix ang SNPs o ‘genetic markers’ ng kalabaw,” ani Dr. Herrera.

“Matapos na makuha ang ‘genetic information’ ng kalabaw, isinasalang namin ito kasama ang ‘performance data’ ng may humigit-kumulang na 2,000 babaing kalabaw sa single step genomic best linear unbiased prediction (ssGBLUP) para malaman namin ang mga breeding values  ng kalabaw,” dagdag pa ni Dr. Herrera.

Resulta ng pag-aaral

Ayon kay Dr. Herrera, maganda ang naging resulta ng pag-aaral sapagka’t nalaman na sa pamamagitan ng “genomic selection” ay maaaring mapabilis ang pagtukoy sa mga kalabaw na maganda ang lahi.

Sa katunayan, sa paraang ito, natukoy ang anim na bagong bulugang kalabaw na gagamiting semen donor bulls para sa national AI program ng DA-PCC.

Mga plano

Ayon kina Dr. Herrera at Dr. Flores, plano nilang paramihin pa ang bilang ng mga kalabaw na tukoy ang taas ng lahi gamit ang “genomic selection”. Ito ay sa paraang pagpili ng kawan ng mga bulugang kalabaw na magandang gamiting panlahi (semen donor bulls) sa mga kalabaw.

 

Author

0 Response