Buhos-biyaya ng walang pinipiling panahon

 

Isang gawain ang nasumpungan ng mag-asawang Rodel at Loida Estañol ng Canahay, Surallah, South Cotabato, na sa kahit anong panahon—tag-ulan man o tag-araw—ang biyayang dulot nito’y tuluy-tuloy.

Ito ay ang gawain sa paggagatas ng kalabaw. Anila, bago sila sumuong sa negosyong ito ay nasubukan din nilang makipagsapalaran para lamang kumita ng pera gaya ng pakikitanim at pakiki-ani sa maisan sa kanilang lugar na hindi tiyak ang kita dahil sa pabagu-bagong panahon.

Ayon kay Loida, maaga pa lamang ay nagtatrabaho na sila noon sa bukid ng isang kakilala. Si Rodel ay nag-aararo habang siya naman ay nag-aani ng mais. Karaniwang nasa Php300 ang upa kay Rodel samantalang Php150 naman ang kay Loida.  

“Mahirap ang buhay namin noon kaya kailangan naming tiisin ang init para lang kumita. Hindi araw-araw ay may naiuuwi kaming pera dahil pana-panahon din ang pag-aani ng mais,” kwento ni Loida habang nangingilid ang luha.

Dumating pa sa puntong kailangan na nilang tumigil sa pagtatrabaho sa bukid dahil sa El Niño noong 2018. Bagama’t nangangamba sa magiging epekto nito sa kanilang kabuhayan, nanatiling positibo ang mag-asawa.

Hindi nagtagal, tila naging sagot sa kanilang panalangin ang programa ng DA-PCC sa University of Southern Mindanao (DA-PCC sa USM) sa gatasang kalabaw na dala ang iba pang mga kabuhayang nakasalig dito.

Walang pag-aatubiling sinubukan ng mag-asawa ang programang ito. Nagpamiyembro sila sa Canahay Dairy Farmers Association at umaplay sa DA-PCC sa USM para makahiram ng gatasang kalabaw.

Hindi naglaon, ipinasa sa kanila ng DA-PCC sa USM ang isang Italian Mediterranean Buffalo na galing sa miyembrong hindi na matutukan ang pag-aalaga ng kalabaw.  

Para kay Loida, maituturing niyang “perfect timing” ang nangyaring pagdating ng programa sa panahong kailangang-kailangan nila ng bagong mapagkakakitaan.

“Nagsimula kaming mag-alaga ng kalabaw noong El Niño. Nang manganak ito, nakatulong sa amin ang kita sa pagbebenta ng gatas,” ani Loida.

Palibhasa’y parehong hindi nakatapos ng pag-aaral dahil sa hirap ng buhay, malaki ang pagpapahalaga ng mag-asawa sa edukasyon ng kanilang anim na anak. Gagawin nila, aniya, ang lahat para masuportahan ang pag-aaral ng kanilang mga anak.

Sa kasalukuyan, tatlo ang inaalagaang kalabaw ng mag-asawa. Isa rito ang buntis habang ang isa naman ay ginagatasan. Nakakokolekta sila ng limang litro kada araw na naipagbibili nila sa halagang Php75 kada litro.

Ang kaninang naluluhang si Loida ay sumaya nang ibahagi niya kung magkano ang kinikita nila sa pagbebenta ng gatas.

“Kumikita kami ng mahigit Php2,000 sa limang araw. Kung dati ay hindi kami araw-araw may pera, ngayon naman ay walang araw na hindi kami kumikita,” nakangiting sambit ni Loida.

Aniya pa, hindi na rin sila madalas umalis ng bahay ngayon dahilan para matutukan nila ang kanilang mga anak sa pag-aaral.

Dahil sa kita sa gatas ng kalabaw, nakabibili na sila ng kanilang mga pangunahing pangangailangan at natutustusan ang para sa pag-aaral ng kanilang mga anak. Maliban dito, nakapagpundar na rin sila ng isang sari-sari store.

“Bilang ilaw ng tahanan, nakatataba ng puso na makita mo ang pamilya mong unti-unting umuunlad sa tulong ng umaapaw na biyayang mula sa gatas ng kalabaw,” ani Loida.

Hindi na gumagawa sa bukid ang mag-asawa bagkus ay tinutukan na lang ang pag-aalaga ng kalabaw. Magkatulong sila sa pag-aalaga at paggagatas. Si Rodel ang nagpapakain habang si Loida ang nagluluto ng gatas.

Base sa datos ng DA-PCC sa USM, umabot sa 1,099 litrong gatas ang nakolekta ng mag-asawa noong 2019, na siyang pinakamarami sa buong Canahay para sa nasabing taon.

Hindi naman sinarili ng mag-asawa ang biyayang nasumpungan sa gawaing ito. Ibinahagi ni Loida sa kamag-anak na hirap din sa buhay ang mga magagandang karanasan niya mula sa pag-aalaga ng kalabaw at hinikayat niya ito na subukan din ang ganitong gawain.

“Ngayon mayroon na rin siyang kalabaw at nakatutulong na rin ito sa kanilang pamilya. Gusto talaga namin na dumami pa ang mabiyayaan ng ganitong gawain,” kwento ni Loida.

Para kina Rodel at Loida, itinuturing nila ang pag-aalaga ng kalabaw na isang pangmatagalang negosyo dahil kahit umulan man o umaraw, ang biyayang dulot nito sa kanilang pamilya ay walang mintis mula sa gatas na patuloy na dumadaloy.

 

Author

0 Response