Maalab na pagkakalabawan sa Baclay

 

Tuluy-tuloy na biyaya ang inaani ng Baclay Multi-Purpose Cooperative (BMPC) sa Zamboanga del Sur buhat ng sumuong ito sa pagkakalabaw. Sa katunayan, napiling kabahagi ang BMPC sa ALAB-Karbawan project na isinusulong ng Department of Agriculture-Philippine Carabao Center (DA-PCC). Ito ay sa pakikipagtulungan sa mga pamahalaang panlalawigan ng mga napiling probinsya.

Sa ilalim ng proyekto, naglaan ng Php10M pondo sa pagpapalago ng kooperatiba. Ang naturang pondo ay mula sa opisina ni Senator Cynthia VIllar.

Taong 2017-2019 nang ang koop ay nakatanggap ng Php30M grant mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at isa na rito ang DA-PCC. Pinagkalooban ang mga miyembro ng mga gatasang kalabaw, kagamitan at materyales para sa pagprodyus at pagproseso ng  gatas.

Tumanggap din ang kooperatiba ng suporta galing sa DA-PCC sa Mindanao Livestock Production Center (PCC sa MLPC) ng tulong teknikal. Sa pamamagitan din ng DA-PCC sa MLPC, nagkaroon ang BMPC ng kapasidad sa  pagbuo ng grupo para sa mga nagmamay-ari ng gatasang kalabaw at sila’y nakatanggap ng mga serbisyong artificial insemination (AI), pagbibitamina at pagpupurga sa mga alagang kalabaw.

“Malaki ang aking pasasalamat na nakahanap ng co-op conduit na may liquidity to operate securely at viable sa Zamboanga del Sur. Sila ang ating maka kasama sa pagpapatupad ng programa. Maliban doon, ako din ay natutuwa sa mga opisyales ng koop dahil nakita nila ang malaking potensyal sa negosyong paggagatas. Sa hinaharap, nakikinita ko na ang BMPC ay magiging ahente sa pagbuo ng dairy industry sa Zamboanga del Sur,” ito ay ayon kay Cecelio Velez, Center Director ng DA-PCC sa MLPC.

Ngayon, nasa Php100M ang kabuuang pag-aari ng BMPC sa loob ng 27 taon. 

Naitatag ang BMPC sa pangunguna ni Serafin Esperante bilang samahan ng mga magsasaka ng niyog. Taong 1993 nang irehistro ang BMPC sa Cooperative Development Authority (CDA) na kalaunan ay naging consumers’ cooperative. Si Leopoldo Santos ang siyang naging unang pangulo ng kooperatiba.

Mula sa 34 na kasapi, lumago ito sa 88 at umabot sa Php400,000 ang halaga ng kabuuang assets ng BMPC noong 2013. Sa parehong taon, naging kasosyo ang BMPC sa National Confederation of Cooperatives (NATCCO).

Sa kasalukuyan, ang kooperatiba ay may limang negosyo: (1) Credit and Savings; (2) Farm Machineries; (3) Agrivet Supply; at (4) Dairy Enterprise sa ilalim ng Zambo Sur Dairy at (5) Bakeshop na binuksan lang sa taong ito.

“Kami ay pinagpala na naging conduit cooperative ng ALAB-Karbawan project dahil nakapag-engganyo kami ng karagdagang miyembro at nakalikha ng lokal na pangkabuhayan,” ani Richard Hidalgo, Manager ng BMPC. 

Ayon pa sa tagapangasiwa ng BMPC, dahil sa kasalukuyang pandemya ay nahihirapan sila sa pagbebenta ng gatas. Pero sa pamamagitan ng Kadiwa Buffalo Milk on Wheels (BMW), kahit paano’y nasolusyunan ang problemang ito. 

Ang Kadiwa BMW ay isang inisyatiba ng DA-PCC na layong mailapit ang gatas ng kalabaw at mga produkto nito sa mga mamimili. Dahil dito unti-unting nakilala ang dairy products sa Zamboanga del Sur. Sa ngayon, ang malaking pinagkakakitaan ng koop ay ang credit and savings program nito.

Sa kasalukuyan, may mahigit na 6,000 miyembro ang BMPC at isang satellite office sa Pagadian City para sa credit and savings business nito. Lumawig na rin ang nasasakupan ng koop hanggang sa Misamis Occidental at Lanao del Norte dahil sa pakikipagtulungan nito sa  DA-PCC at DepED.    

Author
Author

0 Response