Veggielato: 'Masustansyang gelato para sa’yo!’

 

Sustansyang siksik sa produktong de-kalidad at liglig. Ito ang konsepto sa likod ng nadebelop na produktong “Veggielato” ng Catalanacan Multi-Purpose Cooperative (CAMPC), isa sa mga kooperatibang inaasistehan ng DA-PCC.

Dahil likas na sa mga Pinoy ang pagiging mapamaraan lalo na sa paglikha ng iba’t ibang produktong pagkain na kadalasang may “twist”, ang Veggielato ng CAMPC ay kabilang sa mga panghimagas na may kakaibang sangkap.

Mula sa salitang Ingles na “vegetable” at “gelato”, ang Veggielato ay gawa sa purong gatas ng kalabaw na may sangkap na gulay gaya ng carrot. Ito ay mas malinamnam at masustansya kumpara sa mga karaniwang frozen desserts na mabibili kahit saan.

Mainam din ang Veggielato sa mga parukyanong health conscious dahil sa taglay na benepisyong pangkalusugan ng carrot at mababang fat content ng gelato.

Ayon kay Margerie Villoso, head ng dairy processing at Dairy Box ng CAMPC, nagmula ang ideyang Veggielato sa veggie ice cream bar na nadebelop nila noong 2016 sa pangunguna ng dating general manager ng CAMPC na si Leoncio Callo nguni’t nahinto ang produksyon nito nang magkaroon ng problema sa makinang ginagamit para rito.

“Maraming customers ang hinahanap-hanap pa rin ang veggie ice cream bar kaya naman nagkaroon kami ng ideya, kasama ‘yong dati naming manager, na magprodyus ulit at gawin nang gelato,” ani Villoso.

Sa tulong ng Product Development and Innovation Section (PDIS) ng DA-PCC, napagbuti pa ang formulation ng nasabing produkto noong Marso 2020 at noo’y sinimulan nang tawaging Veggielato. 

Ang Central Dairy Collection and Processing Facility (CDCPF) ng DA-PCC ang nagtotoll process ng Veggielato na karaniwang tumatagal ng dalawang araw.

Ayon kay Marivic Orge, plant manager ng CDCPF, sa unang araw inilalaan ang paggawa ng ice cream base na kinabukasan ay isasalang naman sa gelato machine. Karaniwang nasa 300 cups, sa tig 236.5 ml kada cup, ng Veggielato ang nagagawa sa isang batch kung saan 59% na purong gatas ng kalabaw ang nagagamit.

Sa halagang Php38 kada cup, mabibili ang Veggielato sa Dairy Box sa Science City of Muñoz, Nueva Ecija. Mabibili rin dito ang mga produktong gatas ng CAMPC katulad ng pasteurized at flavored milk drinks, bread pudding, sweet macapuno, macaroons, toasted pastillas, leche flan, bibingkang kanin, bibingkang gatas, at espasol de leche.

Ibinahagi rin ni Villoso na bukod sa carrot flavor ng Veggielato ay may iba pang flavors na gulay silang nakalinyang ipakilala sa mga mamimili. Sa ngayon, nakatakdang isailalim sa sensory evaluation ng DA-PCC ang mga flavors na ampalaya, malunggay, at kalabasa.

“Pwedeng-pwede ito sa mga batang madalang o ayaw kumain ng gulay pero mahilig sa gelato. Maganda itong pagkakataon para mapataas natin ang nutrisyon sa kinakain ng mga bata,” ani Villoso.

Inaasahan ng kooperatiba na mas tataas pa ang demand ng Veggielato ngayong papalapit na ang tag-araw. Bilang paghahanda, magsasagawa ng mga pamamaraan ang mga maggagatas para mapanatiling bastante ang produksyon at suplay ng gatas.

Author

0 Response