Paggawa ng Burong Damo para sa Tuluy-Tuloy na Pakain sa Gatasang Kalabaw

 

Ang buro ay isang uri ng pagkain ng mga kalabaw o baka na inimbak sa selyadong lalagyan. Pagbuburo o “ensiling” ang tawag sa paggawa nito at ang tawag sa buruhan ay “silo.” Ang lahat ng klase ng damo o mga tirang pinag-anihan sa bukid na puwedeng kainin ng hayop ay pwede ring buruhin.

Isa sa pinaka-importanteng bagay sa pag-aalaga ng kalabaw ay ang pagbibigay dito ng wasto at masustansiyang pakain. Nguni’t karaniwan, ito ay nagiging problema sa panahon ng tag-araw kung saan limitado ang mapagkukuhanan ng masustansiyang damo.

Sa ganitong pagkakataon, importante na subukang gumawa ng mga burong pakain  tulad ng mais, napier, sorghum at iba pa.

Gamit ang pamamaraang ito, siguradong mabibigyan ng sapat at wastong sustansiya ang kalabaw kahit na sa panahon ng tag-ulan man o tag-araw. Kasabay ng tamang pagbigay ng sapat na pakain at nutrisyon sa alagang hayop ay ang mas magandang kita sa pag-aalaga ng kalabaw.

 

Paggawa ng burong damo

• Hindi namimili ng panahon

• Pwedeng gawin nang “manu-mano” o sa tulong ng makinarya

• Pwedeng gawin ng sino mang may alagang hayop, maging iilan o pangmaramihan

• Hindi magastos gawin

 

Mga pakain sa hayop na maaaring buruhin

1. Mga pakaing mayaman sa enerhiya

     -Napier, Paragrass, Guinea grass , mais, Sorghum, atbp.

     -Mga tirang pinag-anihan sa bukid gaya ng dayami, bagaso ng mais at tubo

2. Mga pakaing mayaman sa protina

    -Legumbre: Ipil-ipil , kakawate, malunggay, mani-manihan, Centrosema, Rensoni, Stylo, atbp.

    -Mga pagkaing galing sa planta: Sapal sa paggawa ng beer o "spent grain ", balat ng saging o pinya

 

Mga kailangan sa paggawa ng burong damo

1. Lalagyan o buruhan ng damo gaya ng drum, plastic bag, o hukay sa lupa (pit)

2. Pangdagan sa binuro gaya ng gulong at iba pang mabibigat na bagay

3. Damong buburuhin na may sapat na pagkabasa o “moisture content” na 65 hanggang 70 percent

4. De-makinang pantabas at pantadtad ng damo (chopper) o itak

5. Panghakot ng damong tinabas at tinadtad at mga kasamang gagawa ng buro

 

Pamamaraan sa paggawa ng burong damo

1. Alamin ang dami ng damong buburuhin base sa pangangailangan ng hayop kada araw. Alamin din kung kailan at gaano katagal ipapakain ang buro.

Halimbawa:

-Timbang ng hayop: 500 kg

-Kailangang pagkain ng hayop kada araw: 10% ng kanyang timbang

-Dami ng damo na kailangan ng hayop kada araw: 500kg x 0.10 = 50 kg

-Tagal ng tag-araw kung kailan kulang ang suplay ng sariwang damo: anim na buwan

(Enero hanggang Hunyo) o 180 araw

-Dami ng damong buburuhin: 50 kg damo/araw x 180 araw (6 buwan) = 9,000 kg

2. Bumuo ng isang grupong gagawa ng buro at pag-usapan kung kailan ito gagawin.

3. Ihanda ang lalagyan (silo), pangtadtad, plastic, atbp.

4. Anihin ang damo (45-55 araw) o mais (75-80 araw) sa tamang gulang.

5.Tantiyahin ang dami ng tubig o “moisture content” ng damo. Kung basa ang damo (mahigit 70% ang tubig) hayaan o ibilad ito ng 1-2 araw bago hakutin at tadtarin.

6.Tadtarin ang damo nang 1-2 sentimetro ang haba gamit ang  de-makinang pantadtad (chopper) o itak.

7. Punuin ng mabilis ang “silo” o buruhan.

8.Siksiking mabuti ang damo sa lalagyan upang maalis ang hangin.

9.Isalansang mabuti ang binurong damo at selyuhang mabuti ang mga bahagi ng silo na pwedeng pasukan ng hangin o tubig-ulan. Lagyan ito ng pabigat o dagan sa ibabaw.

10. Pagkaraan ng tatlong Iinggo, puwede nang ipakain ang buro sa hayop. Kung ang hayop ay may anim na buwan ang edad o higit pa ay pwede na itong pakainin ng buro. Kapag binuksan ang buro, siguraduhing tuluy-tuloy ang pagpapakain hanggang sa maubos ito. Laging isauli ang takip ng buruhan pagkatapos kumuha ng buro.

 

Mula sa isang ektaryang mais sa edad na 75-80 na araw kasama ang bunga ay makakaani ng 20,000 kg hanggang 30,000 kg na sariwang pagkain ng hayop.

Upang matugunan ang pangangailangan ng isang hayop sa loob ng anim na buwang tag-araw:

• Luwang ng tatamnan = 0.5 ektarya

• Sukat ng buruhan (pit silo): 1m taas x 3m lapad x 10m haba =30 sq m2

• Kung plastic bag na may kapasidad na 20 kg hanggang 30 kg ang gagamiting buruhan, ang kailangan ay 500 na piraso

 

Mahalagang Tandaan!

Kapag binuksan ang buruhan, siguraduhing tuluy-tuloy ang pagpapakain ng buro hanggang sa maubos ito. Sa malaking buruhan, laging isauli ang takip nito pagkatapos kumuha ng buro upang hindi ito pasukin ng hangin at tuluyang mabulok o amagin.

 

PRESYO NG BAWA’T KILO NG BURONG MAIS
(Base sa aktuwal na presyo noong 2014)
 

Pagkakagastusan Mga Kailangan Halaga (Php)
A. Gastos sa pagtatanim ng mais Dami Unit  
1. Buto ng mais 2 sako/bag 9,400
2. Paghahanda ng taniman
    (Pag-aararo, pagrorostilyo 
    at pagtutudling)
1 beses makina/tao 3,000
3. Pagtatanim ng mais 
    (kontrata kada ektarya)
15 tao 2,250
4. Pataba
    Upa ng tao
    Triple 14 (14-14-14)
    Urea
    0-0-60
2 beses
12
5
2
2

tao
sako/bag
sako/bag
sako/bag

1,800
5,400
1,840
2,700
5. Patubig
    Upa ng tao
    Krudo at langis
6 beses
12
100

tao
litro

1,800
4,240
6. Pagbubusbos 1 makina/tao 1,500
7. Mga gamot
    Upa ng tao
    Pamatay damo
2
2
tao
litro
300
735
B. Gastos sa paggawa ng buro
8. Gasolina ng chopper 20 litro 700
9. Pag-aani o paghahakot 10 tao o isang makina 1,500
10. Plastik na pantakip 10 kilo 900
11. Buruhan (plastic silo) 40 piraso 15,000
12. Upa ng tao sa pagbuburo 6 tao 4,500
13. Iba pang gastusin     1,000
K. Kabuuan ng gastos     58,565
D. Dami ng mais kada ektarya 30 tonelada  
K. Halaga ng 1 kilong buro     1.84

 

Author
Author

0 Response