Pagkakalabawan, umakma sa first love ng isang matagumpay na negosyante

 

“First love never dies.” (Hindi raw talagang nawawala ang unang pag-ibig.) Para kay Mr. Roger Lo, 55, ng Zarraga, Iloilo, umakma sa kanya ang kasabihang ito dahil kahit gaano na katayog ang naabot niya sa pag-aaral at pagtatrabaho ay bumabalik pa rin siya sa kanyang “first love”— pagsasaka at paghahayupan (farming).

Nakatapos noon si Mr. Lo ng kursong Bachelor of Science in Architecture sa San Agustin, Iloilo. Nguni’t hindi siya naghanap ng trabaho na may kaugnayan sa kanyang tinapos na kurso. Ang nasa isip lamang niya noon ay basta makapagtapos lang ng pag-aaral.

Palibhasa’y mahilig sa gawain sa bukid, sinubukan niya ang pagpapalaisdaan. Gayunman, hindi siya nagtagal sa larangang iyon. Ipinasya niyang kumuha ng kursong nursing sa Western Mindanao State University at natapos naman niya ito.

Siya’y nagtrabaho pagkatapos sa United Kingdom (UK). Pero doon, patuloy siyang nagsagawa ng  pananaliksik upang malaman ang pamamaraan kung paanong mapakikinabangan ang 10 ektaryang lupain ng kanilang pamilya sa Zarraga.

“Napagtanto ko na kahit may iba na akong pinagkakaabalahanan ay  talagang ‘di nawawala sa isip ko ang farming. Iniwan ko ang aking trabaho at bumalik ng bansa para idebelop ‘yong lupain namin. Sabi nga nila, kung saan ka masaya, doon ka,” wika ni Mr. Lo.

Sa kanyang pagbalik, nagsimula siya ng iba’t-ibang proyekto sa kanilang lupain. Sinubukan niyang mag-alaga ng itik, native na manok, at magpalayan subali’t hindi niya naituloy dahil sa nakitang kabiguan.

Bahain kasi ang kanilang lupang agrikultural.

Pagkakalabaw

Sa kabila ng hindi pagtatagumpay sa mga sinubukang proyekto, hindi naman nawalan ng pag-asa si Mr. Lo na darating din ang araw na makatatagpo siya ng gawaing angkop sa kanilang lupain at pangmatagalan. Noon niya naipasyang mag-alaga ng mga kalabaw.

“Nagsimula akong mag-alaga ng limang native na kalabaw. Nakita ko ‘yong tibay nila, na kahit bahain ‘yong lugar na kinalalagyan e ‘di sila masyadong naaapektuhan. Ang kailangan lamang ay ililipat sila sa kataasan o ‘yong lugar na ‘di inaabot ng baha,” sabi niya.

Pero may isa siyang  naging problema. Hindi nagbubuntis ang kanyang mga alagang kalabaw.

Nagsaliksik siya sa internet upang hanapin ang katugunan sa kanyang problema. Noon niya nabasa ang ilang mga artikulo tungkol sa Philippine Carabao Center (PCC). Agad siyang nakipag-ugnayan sa tanggapan ng PCC sa West Visayas State University (PCC@WVSU) sa Calinog, Iloilo.

“Nagpursige talaga ako na malaman kung paano mag-alaga ng kalabaw kaya pinadala ko ‘yong tauhan ko sa Calinog para magsanay,” wika niya.

Nagsimulang bumili ng mga crossbreds o mestisang kalabaw si Mr. Lo noong Agosto 2015. Nalaman kasi niya ang potensiyal ng mga alagaing ito sa pagbibigay ng maraming gatas na puwede naman niyang pagkakitaan.

Ayon sa kanya, nabili niya ang mga crossbred sa halagang  Php30,000 hanggang Php35,000 bawa’t isa. Ang mga ito’y  mula sa mga magsasaka sa Regional Impact Zone ng PCC@WVSU sa Calinog. Unti-unti rin niyang ibinenta ang mga native niyang kalabaw para ipalit ang mga crossbred.

Ayon kay Mr. Lo, ipinasya na rin niyang patambakan ang lugar na pag-aalagaan sa mga kalabaw para hindi bahain sa tuwing uulan. Kanya rin ipinaayos ang kural ng mga natipong alagang kalabaw.

Pangmatagalang gawain

Si Mr. Lo ay naging isa ring cement trader ng “Mineral and Management Corporation” sa Maynila. Siya’y ginawang tagapamahala ng sangay ng kumpanya sa La Union.

Nguni’t hindi niya lubusang tinalikdan ang pagkakalabawan.

Suportado siya, aniya, ng kanyang asawang si Ma. Theressa sa pag-aalaga ng mga crossbreds. Maging ang kanyang Nanay na si Ginang Nilda ay katuwang din niya sa pagmo-monitor ng mga tauhan niya sa mga gawain sa bukid at pag-aalaga ng mga kalabaw sa Iloilo. Aniya, lubhang naging malaking tulong sa kanya ang kanyang asawa at kanyang ina para sa pangangalaga sa kanyang mga kalabaw.

Kadalasang umuuwi si Mr. Lo sa Iloilo isang beses sa isang buwan para personal din niyang ma-monitor ang mga alagang crossbreds na nagagatasan na.

Ayon pa sa kanya, tagatangkilik din ng gatas ng kalabaw ang kanyang pamilya dahil alam nilang mainam ito sa kalusugan ng tao.

“Umiinom talaga kami ng gatas ng kalabaw dahil na-research ko na hindi ito mataas sa cholesterol pero mataas naman sa enerhiya at protina. Talagang kapag umiinom kami nito ay hindi kami madaling magutom,” saad niya.

Sa tuwing tag-araw, aniya, ay gumagawa sila ng ice candy na gamit ang gatas ng kalabaw lalo na kapag sumusobra na ang naaani nilang gatas. Ibinibenta nila ito sa halagang Php5 bawa’t isa.

Pagdami ng alaga

Ayon kay Zalde Labanon, 40, farm caretaker, organiko ang pakain nila sa mga alagang crossbreds. Hindi sila, aniya, nagpapakain ng binibiling feeds dahil mas sanay ang mga kalabaw nila na purong damo ang pakain.

Hindi naman, aniya, bumababa sa 4.5 ang body condition score ng karamihan sa mga inaalagaan nilang  crossbreds. Ang ibig sabihin nito, aniya, ay magaganda ang pangangatawan ng kanilang mga alagang kalabaw.

Sa kasalukuyan, 21 na ang kabuuang bilang ng mga alagang crossbreds ni Mr. Lo. Ang apat sa mga ito ay lalake at 17 ang babae na ang anim sa mga ito ay ginagatasan. Nasa karaniwang 3.5 litrong gatas ang naaani ni Zalde sa bawa’t isang crossbred.

Regular nilang mamimili ng gatas ang mga bumbay na karaniwang kumukuha sa kanila ng 10 litro hanggang 30 litro na binabayaran sa kanila sa halagang Php80 kada litro.

Minsan isang buwan naman ay nagde-deliver sila ng gatas sa PCC@WVSU para doon ibenta sakaling hindi bumili ang mga bumbay sa kanila.

Ayon kay Dr. Myrtel Alcazar, Science Research Specialist II ng PCC@WVSU, plano ng center na magpahiram ng purong-lahing bulugang kalabaw sa farm ni Mr. Lo para magkaroon ito ng lalong maayos na breeding program.

“Pwede nating himukin si Mr. Lo na mag-apply sa bull loan program ng PCC para matutukan ang mahusay na breeding ng kanyang mga alagang hayop. Sayang kung hindi mabubuntis ang mga kalabaw, wala silang aanihing gatas,” ani Dr. Alcazar.

‘Pagliligtas’ sa mga crossbreds

Ayon kay Janice Cuaresma, carabao-based enterprise development coordinator ng PCC@WVSU, isa si Mr. Lo sa mga tagapagligtas ng mga magagandang crossbreds sa Iloilo para hindi mapunta sa katayan.

Gayunman, may itinakdang pamantayan si Mr. Lo sa pagbili ng crossbreds.

“Nakabase ako sa presentasyon ng taga-benta kung ano ang record noong kalabaw, kung nanganak na ito at ilang litrong gatas ang nakuha, ‘yung BCS ay ayos, at ‘yong suso ng hayop ay dapat akma sa paggagatasan,” paliwanag ni Mr. Lo.

Pinaplano niya ngayon, ayon kay Mr. Lo, na sa pag-aalaga ng kalabaw ay makapagprodyus siya ng may mataas na lahing crossbreds para mas marami ang maaning gatas.

“Nakatutuwang isipin na kahit na may personal akong career sa buhay ay nagawa ko pa ring balikan ang gustung-gusto ko talagang hilig sa pagbubukid at pag-aalaga ng hayop,” sabi ni Mr. Lo.

At kanyang nakangiting idinagdag: “Naging posible ito dahil sa nasumpungan ko ang gawaing pag-aalaga ng kalabaw. Hindi ito pansamantala, hindi nalulusaw ng baha, at talagang ito’y isang pangmatagalang gawain na may ganting kapakinabangan.”

 

 

Author

0 Response